Sa pamamagitan ng isang official statement na ipinahayag ni Atty. Jerome Silvestre sa isang press conference, itinatanggi ni Dmitri ang mga paratang na ibinabato sa kanya dahil sa pagkawala ni Lyzaner Lagdameo. Naglabas din sila ng mga ebidensya na nagpapatunay na inosente siya sa anumang nangyari o mangyayari sa babaeng iyon.
Sa kabila ng pagtanggi niya ay mas lalo siyang nadiin bilang pangunahing suspek dahil sa paglabas ng kanilang sex video. Maraming tao ang naniniwalang siya ang nagtatago sa dalaga. May iilan pa na nagsasabing pinatay na niya ito upang manahimik dahil sa kanilang lihim na relasyon.
Pansamantala rin siyang bumaba sa kanyang pwesto bilang CEO ng Morris Group of Companies upang hindi na ito maapektuhan dahil sa mga negatibong isyu na kinasasangkutan niya. Itinalaga niya ang kanyang Ninong Richard bilang pansamantala niyang kahalili, na malugod nitong tinanggap upang suportahan siya.
“HINDI pa sapat ang nangyayari sa inyo ngayon kaya sisiguraduhin kong hinding-hindi na kayo magiging masaya pa…”
Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig niya ang mga salitang iyon sa taong matagal na niyang pinamatyagan. Nakatayo ito ngayon sa harap ng isang punong mangga na may nakasabit na larawan ng pamilya Morris. Tama nga ang hinala niyang nagpapanggap lang ito upang malaya itong makakalapit sa pamilyang kanilang pinagsisilbihan.
“Tutuparin ko ang ipinangako ko sa'yo ate,” giit pa nito saka nito marahas na hinagisan ng balisong ang larawang iyon. “Sisiguraduhin kong magbabayad sila.”
Sapat na ang kanyang mga narinig kaya napagpasyahan niyang umalis na roon bago pa siya mahuli nito. Maingat siyang naglakad palayo sa punong kanyang pinagkukublian. Ilang hakbang pa ang kanyang ginawa bago siya tumakbo upang makaalis agad doon.
Subalit hindi niya inaasahang mapapahinto siya sa pagtakbo nang makarating siya sa harap ng matataas na mga bakod papasok sa Hacienda Morris. Agad siyang bumagsak sa damuhan dahil sa pagtama ng kung anong bagay sa kanyang kaliwang hita. Nang suriin niya ito ay saka lamang niyang nalamang isang bala ang tumama roon. Pero bakit wala naman siyang narinig na putok ng baril? Sa kabila nito ay mabilis niyang kinuha ang kanyang baril upang maipagtanggol ang kanyang sarili.
"Magpakita ka sa'kin! Hindi ako nakakatakot sa'yo!" sigaw niya.
Gustong-gusto na niyang magpaputok ng baril ngunit hindi niya magawa dahil siguradong maaalarma ang iba pang gwardiya na nasa loob ng hacienda. Siguradong malalaman na rin ng kanilang mga amo ang nangyayari sa pagitan nilang dalawa.
"Huling-huli na kita kaya hindi mo na 'ko matatakot pa," sarkastiko pa niyang sabi.
Nangibabaw ang katahimikan sa kanyang paligid ngunit naging alerto pa rin siya sa mga posibleng mangyari.
Hindi mo ‘ko mapipigilan sa gusto kong gawin. Kapag nalaman nilang may masama kang plano sa kanilang pamilya, hinding-hindi na nila ako paghihinalaan pa, giit niya sa sarili.
Nang unang beses silang magkita ng taong ito ay agad siyang naghinala sa tunay na motibo nito sa pagtatrabaho sa Hacienda Morris. Kaya pala hindi rin sila magkasundo nito sa kahit anong bagay dahil pareho silang may mga planong unti-unti nilang isinasakatuparan.
Gaya nito ay may plano rin siyang maghiganti sa buong pamilya Morris ngunit naghihintay pa siya ng sapat na panahon upang maging matagumpay iyon. Ngayong nalaman niyang may isa pang taong gustong maghiganti sa kanila, plano niyang gamitin ito upang mailigaw sila sa kanyang mga plano.
May ipinangako rin ako sa kapatid ko, kaya hindi ako makakapayag na maunahan ako ng kahit sino.
Akma na siyang tatayo nang may biglang pumalo sa kanyang batok. Subalit bago siya tuluyang mawalan ng malay ay napakunot pa ang kanyang noo nang makita niya ang mukha nito.
BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 2 (Published under LIB DARK)
Mistério / SuspenseBook 2 | IKWKM Trilogy July 2007, pitong tao ang pinatay ng isang serial killer, si Dmitri Morris upang pagbayarin sila sa kanilang mga nagawang kasalanan pitong taon na ang nakakalipas... Sapat na nga ba ang pananatili ni Dmitri sa kulungan sa loob...