AGAD niyang iminulat ang kanyang mga mata nang maramdaman niya ang pagpasok ng katamtamang boltahe ng kuryente sa kanyang katawan. Impit siyang napasigaw dahil sa sakit ngunit walang tinig na lumalabas sa kanyang bibig dahil nakabusal ito ng kapirasong duct tape.
Nang unti-unting mapawi ang kanyang nararamdamang sakit ay matama na niyang sinuri ang kanyang kapaligiran. Tanging isang maliit na bumbilya lamang ang nagbibigay liwanag sa lugar na kanyang kinaroonan, kaya pawang kadiliman ang bumabalot sa kanyang paligid. Hubo't-hubad pala siyang nakahiga ng patihaya sa sementong wala man lang kahit anong sapin. Mahigpit pang nakatali ang kanyang mga kamay, mga paa at maging ang kanyang leeg ng mga kadenang bakal na hindi niya makita kung saan hanggang saan ang kabilang dulo.
Nasa'n ako? Ano'ng gagawin n'yo sa'kin?!, pipi niyang sigaw habang nagpupumiglas mula sa kanyang pagkakatali ngunit mas lalo lang siyang nasaktan dahil sa pagsikip nito.
"Mabuti naman nagising ka na." Nanlaki ang kanyang mga mata nang marinig niya ang isang nakakahilakbot na boses, na tila mula sa ilalim ng lupa. "Kaya 'di ko na kailangang kuryentehin ka pa uli," dagdag nito kasunod ang isang malakas na paghalakhak.
Sino kaya ang taong 'yon? Ano'ng ginawa ko sa kanya para pahirapan niya ako ng ganito, naguguluhan niyang tanong sa kanyang sarili.
"Alam kong nagtataka ka kung sino ako, pero 'di mo na 'yon kailangang malaman pa," natatawang sabi nito, na tila sinagot nito ang mga katanungan sa kanyang isipan.
Agad na napukaw ang kanyang atensyon ng isang mahinang tunog, na tila isang bagay na umiikot ng napakabilis.
'WAG!!!
Mas lalong bumilis ang pagtibok ng kanyang puso nang maaninag na niya ang isang malaking bilog na cutter, na unti-unting lumalapit sa kanyang katawan.
Awtomatikong tumulo ang kanyang mga luha nang maisip niya kung paano unti-unting mahahati ng patayo ang kanyang katawan dahil sa matalas na cutter na iyon. Hindi niya akalaing magiging ganito kasakit at karumal-dumal ang kanyang pagkamatay.
"Wag kang munang umiyak. May kailangan pa akong itanong sa'yo bago mo marating ang Impyerno," giit nito kasabay ng paghinto ng cutter sa ibabaw ng kanyang pagkakababae.
Sige! Itanong mo na lahat ng gusto mo. Papatayin mo na rin naman 'pagkatapos mong malaman ang mga sagot ko.
"Ano sa palagay mo ang motibo ko para gawin ito sa'yo?"
Saglit siyang natahimik nang agad niyang maisip ang nag-iisang posibilidad kung bakit niya nararanasan ang ganitong pagpapahirap.
Hindi kaya siya ang nag-utos sa demonyong 'to. Siguro nalaman na niya ang mga ginawa ko sa kanya at sa pamilya niya. Ito na ba ang kabayaran sa panggugulo ko sa buhay nila?
"Tapos na ang oras ng pag-iisip, Lyzaner Lagdameo..." putol nito sa kanyang pananahimik, "Hindi mo nasagot ang deadly question ko," giit pa nito.
Wala na siyang nagawa kundi pumikit na lang nang mapansin niya ang unti-unti pagbaba ng cutter sa kanyang katawan. Ito na ang kabayaran…
"Kailangan mong mamatay dahil masyado kang pakialamera!"
Umalingawngaw ang malakas na sigaw ni Lyza sa kanyang isipan lamang nang maramdaman niya ang pagdampi ng cutter sa kanyang pagkababae.
Hindi na nakita pa ni Lyza ang paglitaw ng isang glass case kung saan nakalagay ang dalawang maliit na puting teddy bear, na kapwa naliligo sa malagkit at pulang-pulang dugo. Gayundin ang paglitaw ng isang liwanag sa kisame, na nagmumula sa isang projector. Isang kakaibang palabas ang ipinakita rito kung saan isa siya sa mga bida.
BINABASA MO ANG
I Know Who Killed Me 2 (Published under LIB DARK)
Mystery / ThrillerBook 2 | IKWKM Trilogy July 2007, pitong tao ang pinatay ng isang serial killer, si Dmitri Morris upang pagbayarin sila sa kanilang mga nagawang kasalanan pitong taon na ang nakakalipas... Sapat na nga ba ang pananatili ni Dmitri sa kulungan sa loob...
