Kapitulo VI - Pangako

1.3K 36 4
                                        


Hindi na muling nakatanggap ng kakaibang regalo ang pamilya Morris matapos ang binyag nina Vladmir at Ysabelle. Sa kabila nito ay mas lalo pang umigting ang pagbabantay ng mga tauhan ni Dmitri. Hindi siya maaaring makapante sapagkat hanggat hindi niya nakikilala ang taong lihim na naghihiganti sa kanya ay hindi rin tuluyang magiging ligtas ang kanyang pamilya.

“Mahal, may problema ba?”

Agad niyang itiniklop ang isang folder na kasalukuyang binabasa nang marinig niya ang boses ng kanyang asawa. Umupo si Janina sa kanyang tabi at ihinilig ang ulo nito sa kanyang dibdib.

“Wala, mahal,” pagkakaila niya habang marahang hinahaplos ang mga buhok nito. Pasimple pa niyang tinakpan ng envelope ang folder na iyon, na naglalaman ng impormasyong ibinigay sa kanya ng dalawang imbestigador. “May gusto ka bang sabihin sa’kin?” pagbabasakali pa niya.

Hindi agad siya sinagot ni Janina bagkus ay kinuha nito ang kanyang kanang kamay at pinagbigkis ang kanilang mga palad.

“Mahal, may nalaman kasi ako no’ng nasa Cebu ka…” panimulang paglalahad ni Janina kaya tinitigan niya ang mga nito habang hinihintay ang susunod nitong sasabihin. “May crush pala sa’yo si Dora.”

“Ha?”

“Totoo ‘yon, mahal. Inamin niya mismo ‘yon sa’kin kaya natuwa talaga ako sa lakas ng loob niya,” nakangiti pang paliwanag ni Janina.

Hindi niya alam ang kanyang isasagot dahil matagal na niyang nakalimutan ang kanilang nakaraan ni Dora. Hindi naman sa sinadya niyang kalimutan ang mga alaalang iyon bagkus ay unti-unti na rin iyong nabura ng panahon.

“Ano’ng naging reaksyon niya?” tanong na lang niya upang maipagpatuloy ang kanilang pag-uusap ni Janina. Sapagkat naisip niyang hindi na niya kailangan pang ikuwento rito ang mga alaalang unti-unti na ring nagbabalik sa kanyang isipan ngayon.

“Hiyang-hiya siya sa’kin, mahal. Syempe, lalong-lalo na sa’yo.”

“Ikaw talaga, mahal. Pinairal mo na naman ang kakulitan mo,” natatawa niyang sabi. Pinisil pa niya ang matangos na ilong ni Janina upang lambingin ito, “Akala ko, pagseselosan mo siya,” biro pa niya.

“Ako, magseselos, mahal? Crush lang ‘yon kaya hindi ko kailangang mag-isip o makaramdam ng kung anu-ano,” giit ni Janina.

Paano kung malaman mo’ng minahal niya na ‘ko noon? Tuluyan mo na kayang pagselosan si Dora? aniya sa sarili habang nakatitig sa mga mata nito.

Alam na niyang minahal siya ni Dora bago pa siya umalis ng Hacienda Morris. Isinantabi niya ang nararamdaman ni Dora dahil kapatid lamang ang turing niya rito. Isa pa, wala siyang panahon sa kanyang sarili noon dahil ang tanging nasa isip niya ay ang paghihiganti sa mga taong naging dahilan ng pagkamatay ng kanyang kakambal.

Kaya sa loob ng ilang taon niyang pagkakakulong ay ilang beses din niyang hinayaang makita siya ni Dora upang kahit paano ay mabawasan ang pagtatampo o maaaring galit na nararamdaman nito sa kanya dahil sa biglaan niyang paglayo.

"Mahal, baka matunaw ako sa mga titig mo ha," natatawang sabi ni Janina kaya nagbalik ang kanyang diwa sa reyalidad.

Tumawa na rin siya upang hindi nito mapansin ang kanyang malalim na pag-iisip. "Ikaw kaya ang laging tumutunaw sa'kin," ganti na lang niyang biro.

Hindi na siyang sinagot pa ni Janina bagkus ay mahigpit siyang niyakap nito. Subalit, kapwa sila napatingin sa kanyang cellphone na nasa mesa nang marinig nila itong tumutunog.

I Know Who Killed Me 2 (Published under LIB DARK)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon