Prologo

3.4K 72 10
                                    

Ibinuhos ni Janina ang kanyang buong lakas upang ligtas na maisilang ang kanyang mga anak. Pinili niyang sumailalim sa normal delivery kahit pa pinayuhan siya ng kanyang doktor na magpa-caesarian na lamang. Ipinagkatiwala na lamang niya ang kanilang buhay sa mapagpalang Panginoon.

Hindi naman maalis ang kaba sa dibdib ni Dmitri habang matamang pinagmamasdan si Janina. Sa bawat pag-iri ng kanyang asawa ay tila nararamdaman din niya ang paghihirap na nararamdaman nito. Kaya naman lalo niyang hinihigpitan ang kanyang pagkakahawak sa kamay ni Janina upang mapanatag ang loob nito.

Lord, gabayan N'yo po ang aking asawa upang ligtas niyang mailuwal ang aming mga anak, taimtim niyang dalangin.

Matapos ang halos dalawang oras na pagle-labor ay ligtas na nailuwal ni Janina ang kanyang kambal, na isang babae at isang lalaking sanggol.

"Mahal, magpahinga ka muna," malambing na bulong sa kanya ni Dmitri habang marahang hinahaplos ang kanyang mahabang buhok, "Ako na ang bahala sa ating kambal."

Muli pa niyang sinilayan ang kanilang mga anghel bago niya tuluyang ipinikit ang kanyang mga mata.

Nang muli siyang magkamalay ay bumungad na sa kanya ang matingkad na ngiti ni Dmitri habang karga nito sa magkabilang mga bisig ang kanilang kambal.

"Good morning mommy. Na-miss n'yo po ba kami?" pagbati pa ng kanyang asawa na mas lalong nagpaalab sa nararamdaman niyang kaligayahan.

"Good morning mahal, Mama..." sagot niya kasunod ang isang matingkad ding ngiti.

Kinuha pa ng kanyang Mama Ruby ang isa sa kambal mula kay Dmitri upang mailapit sa kanya."Anak, kamukhang-kamukha mo si Ysabelle oh."

"Syempre, kamukha ko naman po si Vladmir," natatawang sabad ni Dmitri sa sinabi ng kanyang ina.

Napawi ang naramdaman niyang paghihirap sa panganganak nang makarga na niya ang kanyang mga anak. Tama nga ang sinabi nila sapagkat mistulang little version nga nilang mag-asawa sina Ysabelle at Vladmir.

"Jan Vladmir, Jana Ysabelle...Sana lumaki kayong mababait na mga bata," aniya habang isa-isang hinahalikan ang kanilang mga noo. "Mahal na mahal namin kayong dalawa ng Daddy n'yo. Syempre pati ng Lola Ruby at Tita Celine n'yo."

"Syempre naman, Nina. Lalaki silang mababait dahil manang-mana sila kina Mommy at Daddy," sagot ng kanyang ina.

"Oo nga, mahal," sang-ayon ni Dmitri.

HINDI mailarawan ni Dmitri ang nararamdaman niyang kaligayahan habang matama niyang pinagmamasdan ang kanyang mag-iina. Hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwalang magkakatuluyan silang dalawa ni Janina. Na magiging maligaya pa siya sa kabila ng madilim niyang kahapon.

"Mahal, mukhang nagugutom na sila." Nagambala ang kanyang pananahimik nang kausapin siya ni Janina. "Gusto ko silang i-breastfeed," ani pa nito kaya agad siyang tumulong upang maayos iyong magawa ng kanyang asawa.

Hindi napawi ang mga ngiti sa labi nilang mag-asawa habang dumedede ang kanilang mga anak. Nang makatulog sina Ysabelle at Vladmir ay marahan nilang ihiniga ang mga ito sa kanilang mga kuna.

"Mahal, ako na ang pinakamasayang tao sa buong mundo," aniya habang hawak ang mga kamay ni Janina.

"Bakit?"

"Kasi kasama ko kayo...Kayo lang ang pinakaimportanteng mga tao sa buhay ko."

"Ako rin, mahal. Kaya hinding-hindi ko pinagsisihang minahal kita at pinakasalan," emosyonal na sagot ni Janina kaya ihinilig niya ang ulo nito sa kanyang dibdib, "Habambuhay kong ipagpapasalamat sa Diyos ang pagdating mo sa buhay ko," dagdag pa nito.

Marahan niyang hinawi ang ilang hibla ng buhok sa mukha ni Janina. "Gaya ng ipinangako ko noon, ikaw lang ang babaeng mamahalin ko," aniya habang hawak ang baba nito, "Poprotektahan ko kayo kahit pa buhay ko ang maging kapalit," pagpapatuloy niya bago niya siniil ng halik ang mapupulang mga labi ni Janina.

Nasa ganoon silang tagpo nang kanilang marinig ang malakas na pagkatok sa pinto. Agad nilang pinaghiwalay ang kanilang mga labi dahil sa pagkagulat. Tumayo rin si Dmitri upang lapitan ang pinto.

"Ano'ng---" Hindi na niya naituloy ang kanyang sasabihin nang makita niyang wala namang taong naroon. Luminga-linga pa siya sa paligid bago niya napansin ang isang maliit na kulay pulang kahon sa gilid ng pinto. "Sino kaya ang nag-iwan nito?" aniya sa sarili.

Agad niyang itinago iyon sa kanyang bulsa upang hindi na makita pa ni Janina. Kung ano man ang nais ipahiwatig ng taong nag-iwan ng bagay ay ayaw na niyang malaman pa ng kanyang asawa. Sapagkat ayaw na niyang mabahala at matakot ito dahil sa bagay na iyon.

"May nagkamali lang ng pagkatok sa pinto ng kwarto mo, mahal," pagkakaila niya kay Janina nang mag-usisa ito. "Kakausapin ko na si Dra. Kim kung kailan kayo pwedeng makauwi," pamamaalam pa niya ngunit ang totoo ay gusto na niya malaman kung ano ang laman ng kahong iyon.

"Sige, mahal," matipid na sagot ni Janina.

"Babalik din ako kaagad," aniya bago tuluyang lumabas sa kwartong iyon.

Ilang hakbang pa lamang ang layo niya roon nang sabik niyang kinuha ang maliit na kahon sa kanyang bulsa. Agad niya iyong binuksan at napakunot ang kanyang noo nang makita niya ang laman niyon.

"Sino kaya ang gagawa nito sa'min?" aniya habang matama niyang tinitigan ang dalawang ulo ng patay na ibon, mga puting kalapati. Muli niyang ibinalik ang iyon sa kahon at itinapon sa basurahan.

Ilang tao ang agad na pumasok sa kanyang isipan na posibleng nagpadala niyon upang takutin silang mag-asawa. Subalit, gusto niyang makasiguro kaya hihintayin niya ang muling panggagambala ng mga ito.

Sa ngayon ay kailangan niyang protektahan ang kanyang mag-iina. Isa lang ang naisip niyang paraang upang malayo sila sa kapahamakan.

"Kailangang sa ancestral house na kami manirahan," aniya. Magha-hire din siya ng mga security guards na kasama nilang titira roon upang mabantayan ng mga ito ang kanyang pamilya sa loob ng bente kwatro oras.

Hindi na niya itinuloy pa ang pakikipag-usap sa kaibigan niyang si Dra. Kim Biong bagkus ay ihinabilin na lang niya sa isang nurse na kanyang nakausap na papuntahin iyon sa kanilang kwarto.

Lingid sa kaalaman ni Dmirtri na matama lamang siyang pinagmasdan ng taong nag-iwan ng kahong iyon. Kinuhanan pa niya ng larawan si Dmitri gamit ang kanyang cellphone bilang patunay na tagumpay siya sa kanyang misyon.

"Ito pa lang ang simula," aniya nang muling makapasok si Dmitri sa kwarto ng kanyang mag-iina.

©2014.Mysterious Eyes|Xerun Salmirro

I Know Who Killed Me 2 (Published under LIB DARK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon