Episode 1

60 3 1
                                    

Ibat-ibang kulay ng ilaw, mga musikang ang tema ay pag-ibig, at mga lalaki't babaeng nagsasayawan ang pinapanood ko habang nakatayo ako sa isang sulok. Meron kasi kaming church activity na kung tawagin ay Dance Social Night. Puwedeng isayaw ng mga lalaki ang mga babaeng nais nilang makilala para habang nagsasayaw ay makapag-usap at makapagkilanlan sila. Pero heto ako ngayon, kalahating oras na at wala pa ring sinasayaw. Kalahating oras na lang, tapos na ang activity na ito.

Palipat-lipat lang ang tingin ko sa kung saan nang madako ang mga mata ko sa isang lalaki na may edad na, sa tingin ko ay isa siya sa mga leader. Umiwas ako ng tingin kasi napansin kong nakatingin pala siya sa akin. Kinabahan ako, kasi lumapit siya sa akin at sinabing kailangan ko raw magsayaw ng babae para ma-enjoy ko ang activity. Pinahanap niya ako kung sino ang gusto kong isayaw, pero sabi ko, wala akong mahanap.

Napatingin siya sa isang babaeng nakatayo sa kabilang sulok ng gusali. Halata sa kanyang naboboringan sa activity lalo na at wala rin siyang kasayaw. Sa tingin ko, ka-edad ko lang ang babaeng iyon. Nagulat na lang ako nang hinawakan ako sa aking pulsuhan ng lalaking kausap ko at hinila papunta sa kinaroroonan ng babaeng ka-edad ko.

Ang lakas ng tibok ng puso ko, kinakabahan ako ng sobra. Napakamahiyain kong tao, hindi ako sanay makipag-usap sa mga taong hindi ko kilala, o kahit sa mga taong hindi ko pa masyadong kilala. Isa pa, 12 taon pa lang ako at wala pa akong hilig sa mga ganitong klase ng activity. Sa totoo lang, ayoko talagang makipagsayaw sa kahit kanino. Pero kung bakit ako sumama? Ang sagot ko, wala lang, o di kaya, wala akong magagawa. Kailangan kong maging masunurin sa Tito't Tita ko.

Wala na akong magawa nang ang lalaki na mismo ang nagsabi sa babaeng ka-edad ko na gusto ko raw itong isayaw. Lumapit ako sa babaeng ito. Gamit ang kanang kamay ay hinawakan ko ang kanyang beywang. Ipinatong niya naman ang isang kamay niya sa isa ko pang kamay. Samantala, ipinatong niya sa aking balikat ang kaliwa niyang kamay.

Wala na akong magagawa kundi ay panindigan itong sinimulan ko, o sinimulan nung lalaki kanina. Nagsimula kaming gumalaw, walang pake kung nasusundan ba namin ang daloy ng musika o hindi. Mga bata pa kami, kaya wala kaming pake.

Napatitig ako sa kanya kahit na hiyang-hiya na ako. Siya ang kauna-unahang babaeng naisayaw ko sa romantikong paraan. May mga nakasayaw na naman na akong ibang babae, pero partner lang kasi kami ng mga ito sa dance presentation nung mas bata pa ako. Pero ang babaeng ito na may kayumangging kulay, siya ang first dance ko.

Gatas at kape, 'yan kami ng babaeng kasayaw ko. Umiwas na ulit ako ng tingin sa kanya, hindi ko na kayang matiis ang hiya. Hindi naman siya kagandahan. Sa kulay pa lang, hindi na siya 'yung tipo ng babae na hinahangaan ko. Mahilig kasi ako sa mga koreana, kaya siyempre, mapuputi ang gusto ko. Hindi rin siya kagandahan. Sa madaling salita, sobrang simple lang niya. Pero aaminin ko, naging crush ko na siya ngayong gabi pa lang.

"Mitch."

Maiksi ang naging sagot niya nang naiilang na tinanong ko kung ano ang pangalan niya.

"Brix."

Pagpapakilala ko kahit hindi niya naman tinanong. Pagkatapos naming magpakilala sa isa't-isa, hindi na muli kami nag-usap. Wala nang iba pang tanong na sumunod, mga tanong na sana ay magiging dahilan para makilala namin ang isa't-isa. Mga tanong na hindi naitanong dahil pareho kaming mahiyain.

Mitch at Brix.

Dalawang pangalan ng isang batang lalaki at isang batang babae. 'Yan lamang ang nalaman namin sa isa't-isa, hindi sapat para makilala ang isa't-isa. Weirdo. Kasi kahit ganun, nagustuhan ko na siya agad.

***

Gusto kita.

Bumilis ang tibok ng puso ko kahit 12 taon pa lamang ako. 'Yan ang text message na natanggap ko galing kay Mitch. Hindi ko naisip na posibleng magustuhan niya rin pala ako, kahit nang gabing iyon lang namin nakilala ang isa't-isa. Ay, mali. Hindi pala namin nakilala ang isa't-isa. Nalaman lang namin ang mga pangalan ng isa't-isa.

Dahil sa pag-amin niya, nagkaroon na rin ako ng lakas ng loob na umamin sa kanya na gusto ko rin siya. Baka nga nauna pa akong nagkagusto sa kanya. Hindi naman ito love at first sight, kasi hindi ko siya mahal. Puwede siguro, crush at first sight.

Hindi ako mahilig magtext. Para sa akin, kasayangan lang 'yun ng oras, pati ng pera. Bihirang-bihira lang ako magpaload. Pero nang makilala ko si Mitch, naging buhay ko na ata ang pakikipagtext. Araw-araw, meron na akong load. Kasi araw-araw, katext ko si Mitch. Nagkaroon pa nga kami ng tawagan, eh. FC, ibig sabihin, feeling close. Weirdo ba? Ganito kasi 'yon. Sobrang close na namin sa text. Naging komportble na rin kami sa isa't-isa. Ultimo mga personal na bagay, halimbawa, mga problema sa pamilya, sinasabi namin sa isa't-isa. Pati mga kalokohan o kasalanan na nagawa namin, alam din ng isa't-isa. Pero ang nakakatawa, ni hi, ni hello, hindi namin magawa sa personal.

Hindi namin kaya na hindi magtext kahit na isang araw lang. Minsan, bibilisan ko ng sobra ang pagkain para matext ko agad siya. Hindi kasi ako sanay magtext habang kumakain, at ayaw ko rin. Kailangan walang mintis ang pag-uusap namin. Minsan nga, kulang 'yung pera ko para bumili ng load. Lumabas ako para humanap ng mga piso-pisong kumalat sa daan. Suwerte! Nakapulot ako ng tatlong piso, sapat para punan ang kulang sa pera ko kaya nakapagpaload ako.

Araw-gabi, magkausap kami sa text ni Mitch. Hanggang isang araw, meron akong text message na natanggap galing sa kanya. Isang text message na sobrang nagpakilig sa akin, sa akin na isang lalaki. Hindi lang basta lalaki, pero isang batang lalaki.

Mahal na kita.

Hindi ko alam kung paano ipaliwanag 'yung pakiramdam ko sa mga sandaling ito. Pero isa lang ang alam ko, na mahal ko na rin siya.

Mitch & Brix: Walang ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon