Episode 10

6 3 1
                                    

Sinu-sino bang nasa bahay nila Mitch ngayon? Masungit ba 'yung mga magulang niya? Matatanggap kaya nila ako? Baka tutulan nila ako sa panliligaw kay Mitch kasi hindi pa ako college graduate, samantalang si Mitch nagtatrabaho na ngayon. Hindi kaya, maliitin lang nila ako?

Ayos lang ba ang itsura ko? Hindi ba ako madungis tingnan? Kanina pa ako nag-aayos ng buhok gamit ang kanang kamay ko, tingin sa cellphone na para bang salamin na nakikita ko ang sariling repleksyon, pero walang nangyari. Walang nagbago sa itsura ko, ganun pa rin.

Kanina pa nangangatog ang mga tuhod ko, at hindi na rin tumigil ang katawan ko sa pagpawis. Kinakabahan talaga ako sa puwedeng mangyari mamaya. Hindi na ako makapagpokus sa dinaraanan namin. Basta, sinundan ko na lang sila.

Habang naglalakad, iniisip ko kung ano ba ang kailangan kong gawin mamaya pagdating sa bahay nila Mitch. Paano ba dapat ako tumayo? Paano rin ba umupo nang maayos?

"Ah, ah, ih."

Sinubukan kong magsalita, pabulong lang para hindi marinig ng dalawang dalaga. Haist. Nakakainis! Ang pangit talaga ng boses ko, nakakahiya. Naalala ko nung missionary pa ako, may nagsabi sa akin na ang lamig daw ng boses ko at magandang pakinggan. Sa tingin ko, binobola lang ako nung vendor na 'yon para bumili ng mga paninda niya.

Teka, makikipagkamay ba ako sa kanila, o magmamano? Paano ko ipakikila 'yung sarili ko? Kapag tinanong nila kung ano'ng trabaho ni papa, ano'ng sasabihin ko? Eh, hindi ko naman alam. Hala, mababaliw na ata ako kakaisip tungkol sa puwedeng mangyari mamaya.

"Kinakabahan ka Brix?"

Napatingin ako kay Iseng kaya naputol 'yung mga nakakatakot na bagay na naiisip ko. Nginitian ko lang siya, wala akong lakas ng loob kahit sabihin ang salitang 'oo'.

"Kinakabahan na 'yan, diba Brix?"

"Lagot ka Brix, punta-punta ka pa sa bahay nila Mitch, magagalit mama niya, lalo na pag nalaman niyang manliligaw ka. Diba Mitch?"

"Oo nga, Brix. Magagalit 'yon si Mama. Bahala ka diyan mamaya."

At inasar pa ko ng dalawang 'to. Sa halip na palakasin ang loob, lalo pang pinahina ang loob ko. Naku! Bahala na si Batman pagdating sa bahay nila Mitch.

"Buti na lang wala 'yung papa ni Mitch, kundi, kawawa ka. Sobrang sungit nun."

Medyo nabawasan 'yung kaba ko. Aware kasi ako na sobrang sungit ng papa niya, kaya kahit paano, nabawasan ang problema ko.

"'Yung kulay pink na bahay, 'yung may tindahan, 'yan na 'yung bahay namin."

"Ah, ok."

Basang-basa na ang kamay ko sa kaba. Heto na, nandito na kami sa bahay nila Mitch. Ito na ang tunay na simula ng panliligaw ko. Sa wakas, sa loob ng 20 taong pamumuhay ko sa mundo, sa kauna-unahang pagkakataon, ay manliligaw ako.

***

Nakaupo kami sa upuang kahoy dito sa salas ng bahay nila Mitch. Naghihintay kaming dumating ang mama niya. Namili raw kasi ito ng paninda. Si May na nakababatang kapatid na babae lamang ni Mitch ang nasa bahay. Medyo nabawasan na ang kaba ko sa mga oras na ito. Sana magtuluy-tuloy na hanggang sa tuluyan nang mawala.

Mayamaya lang, dumating na 'yung mama niya. Wala na, kinabahan na naman ako. Ni hindi ko nga naisip na tulungan itong bitbitin 'yung mga pinamili niya. Mabuti na lang pinaalala sa akin ni Mitch kaya nagawa ko pa rin. Nilapag ko lang 'yung mga pinamili ng mama niya at bumalik sa upuan ko kanina.

Nang makapasok sa loob ng bahay ang mama niya matapos ikandado ang bisikletang ginamit, lumapit siya sa akin nang nakangiti, mukhang kikilalanin ako. Kinakabahan ako, pero sa totoo lang, parang unti-unti na akong nagiging komportble. Kakamayan ko ba siya, o magmamano sa kanya? Ginawa ka ang huli, at mukhang tama ako ng desisyon.

"Siya si Brix, mama. Nakita niyo na siya dati, umattend siya nung debut ko."

"Oo nga, naaalala ko siya. Siya 'yung tingin nang tingin sa akin nung debut mo."

"Ah, ako nga po 'yon. Naaalala niyo pa pala. Hehe."

"Oo naman. Tsaka kinukuwento ka naman sa 'kin ni Mitch. Ang guwapo mo anak, mala-anghel ang mukha."

"S-salamat."

Namula 'yung mukha ko, nakakahiya. Hindi ako sanay nang pinupuri. Don't get me wrong. Maraming tao ang pumupuri sa itsura ko, pero naiilang lang talaga ako tuwing ginagawa 'yon ng mga tao.

Nagkuwentuhan lang kami ng kung anu-ano hanggang sa namalayan ko na lang ang sarili kong komportableng nakikipag-usap sa mama niya. Masyado siyang madaldal, kaya hindi ako mahihirapang mag-isip ng kailangan kong sabihin. Mas problema ko ata ang intindihin at alalahanin ang mga sinasabi niya para kapag nagtanong siya, may maayos akong sagot. Baka mamaya, oo lang ako ng oo, eh, bakit pala ang tanong.

"Sige, magmerienda ka muna. Hoy, Mitch, ipaghanda mo nga ng merienda 'tong bisita mo. Asikasuhin mo naman bisita mo, ako na lang lagi nag-ientertain sa mga dinadala mo dito."

"Hayaan niyo siya, ma. Malaki na 'yan. Tsaka di 'yan gutom."

"Haist. Ipaghanda mo sabi ng merienda. Para kang ano, eh."

"Huwag na nga, ma. Magdinner na lang siya dito. Anong oras na rin naman kasi, eh."

At 'yon, nakumbinsi naman niya ang mama niya sa huling sinabi niya. Nagluto ang mama niya ng pork chopped, at ilang minuto lang, handa na ang hapunan. Kasabay kong kumain sila Mitch at Iseng. Mamaya na raw ang mama niya at si May.

"Hala Brix. Baboy pala ang ulam ngayon. Paano 'yan, hindi ka kumakain nito?"

'Yan ang sinabi ni Mitch sa kalagitnaan ng pagkain namin.

"Ay, talaga? Eh, bakit kinakain mo 'yan?"

"Ah, natuto akong kumain ng karne nung nasa mission ako. Nakakahiya naman kasing tumanggi kapag karne ang pinapakain sa amin, kaya 'yon, natuto na. Wala nang arte-arte."

"Buti na lang, nabawasan kaartehan mo. Magagalit si mama kapag hindi mo kinain luto niya."

Buti na lang talaga, nagmission ako. Ang laki talaga ng naitulong ng mission ko sa lahat ng aspeto ng buhay ko. Noon, hindi ako kumakain ng karne, ngayon kaya na. Noon, sobrang mahiyain ako, sobra. Pero ngayon, sakto na lang. Noon, hindi ako marunong manligaw kasi wala akong lakas ng loob, at napakababa ng self-confidence ko. Ngayon, hindi man masasabing napakataas na, pero alam kong meron na akong self-confidence, kahit paano. Kaya nililigawan ko na ang babaeng mahal ko, at meron nang pag-asa na may forever sa aming dalawa.

Mitch & Brix: Walang ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon