Episode 8

14 3 1
                                    

Hindi ko alam kung timing ba 'yung pagsabi ko sa kanya na liligawan ko siya noong gabing iyon, pero nagpapasalamat ako sa kanya kasi pinayagan niya pa rin akong manligaw sa kanya. Tsaka kahit hindi naman siya pumayag, liligawan ko pa rin siya. Mas mabuti nang sumubok at mabigo, kaysa mabigo nang walang nagawa.

Habang nakahiga ako dito sa kama ko, malayo ang tanaw dahil iniisip ko, paano ba manligaw? Nakakahiya mang aminin, pero 21 years old na ako, wala pa rin akong nagiging girlfriend. Hindi rin naman kasi ako nanligaw. Sinabi kasi ni Mitch noon na 18 years old pa niya gustong magkaboyfriend, eh, 'yung 18 years old na siya, paalis na ako ng mission. Kaya hindi ko na siya puwedeng ligawan. Kaya nga nagpapasalamat talaga ako ngayon kasi 20 years old na siya, pero wala pa ring boyfriend. Lumaki talaga 'yung pag-asa ko. Pero siyempre, nahirapan din ako sa panliligaw sa kanya. Hindi dahil sa ito ang unang beses kong manligaw, kundi dahil sa mas malalim pa na dahilan.

Bumangon ako at lumabas papuntang bookstore. Bumili lang ako ng stationary letter at umuwi rin agad ng apartment. Ayokong tumagal sa bookstore, baka matukso na naman akong bumili ng mga librong nobela, eh, wala na nga akong pera. Natawa na lang ako nang bahagya.

Nagsimula akong sumulat ng letter para kay Mitch. Simpleng letter lang naman ito ng pangangamusta at pagpapaalam sa kanya na mahal ko siya kaya gusto ko siyang ligawan. Ang weirdo ko talaga. Alam naman na niyang liligawan ko siya, pero nagtanong pa rin ako sa kanya sa letter kung puwede ba akong manligaw. Magustuhan niya kaya ang isang weirdong katulad ko? O mas tamang itanong; magugustuhan niya kaya ulit, ang weirdong katulad ko?

Kinabukasan, nagkaroon kami ng plano na magkita pagkatapos ng simba. Kaya pagkatapos na pagkatapos ng simba, excited akong umuwi sa bahay, kumain ng mabilis, naghilamos ng mukha, nagsipilyo ng ngipin, at nagmamadaling bumalik sa simbahan.

Lampas limang minuto na akong nandito sa court ng simbahan, pero wala pa rin siya. Akala ko pa naman, late na ako. Buti na lang, nauna pa rin ako sa kanya. Nakakahiya naman kasi kung siya ang paghihintayin ko.

Habang naghihintay, tumunog ang phone ko, may tumatawag, si Mitch. Agad ko naman itong sinagot. Excited pa nga akong makausap siya, eh, hindi tulad dati na kinakabahan pa ako kapag kakausapin siya sa phone.

"Hello. Nasaan ka na, Mitch?"

"Pasensya, nandito pa ako sa bahay, nag-aabang pa lang ng sasakyan. Puwede sa high way ka na lang maghintay? Sa waiting area. Bababa na lang ako du'n."

"Ah, sige, sige lang. Pupunta na lang ako do'n."

At ngayon nga, naghihintay na ako dito sa waiting area. May mga nakasabay akong mga mga kachurch ko, pero nauna naman silang sumakay sa akin. Natatawa nga ako sa kanila, eh. Sabi nila may katatagpuin daw ako, which is totoo naman. Haha.

Naramdaman kong may kumalabit sa likod ko, si Mitch na pala. Sinabi niyang hindi na sana siya bababa, kaso lumampas daw siya ng kaunti kaya bumaba na lang siya. Siyempre, hindi niya ako iiwan.

Nakasakay na kami ng jeep. Hindi kami magkatabi sa upuan, sayang. Pero magkatapat naman kami kaya 'yon, masaya ako. Pero siyempre, medyo awkward pa rin kasi hindi pa naman kami close. Hindi kami masyadong nag-usap sa biyahe. Ito 'yung totoong unang bonding namin, at kaming dalawa. Pero may kikitain pala kaming mga kaklase niya noong high school.

Bumaba muna kami sa palengke. Nanganak na kasi 'yung kaklase niyang pupuntahan namin, kaya bumili siya ng mga prutas para pasalubong dito. Sabi ko nga, eh, puwede akong mag-ambag sa pambili ng prutas, pero ayaw niya. Ayos na raw 'yon.

"Ay, hello po sister."

Nakasalubong namin 'yung isang kachurch namin na ang edad ata ay nasa 60 na. Medyo nailang ako, pero manliligaw na ako ni Mitch, kaya naman kailangan, malakas na ang loob ko.

"Oh, ikaw pala."

Tumingin ito sa akin at ibinalik ang tingin kay Mitch.

"Kayo ha, meron pala kayong sikreto. Sige, mauna na ko."

Nagtawanan kami bago tumuloy sa paglalakad si sister. Hindi na lang namin pinansin 'yung sinabi niya. Sumakay na ulit kami ng jeep hanggang sa makarating kami sa lugar kung saan talaga kami pupunta. Naupo muna kami sa may waiting area, meron pa kasi siyang hihintayin na kaklase niya dati, kasabay namin 'tong pupuntahan si Twin, 'yung kaklase niyang may anak na.

"Ahm, Mitch?"

"Ano 'yon?"

Kinuha ko mula sa sling bag ko 'yung letter na ginawa ko at inabot ito sa kanya na siya namang tinanggap niya. Babasahin niya na sana ito, pero pinigilan ko siya at sinabing basahin niya na lang ito 'pag wala ako. Pero ayaw niya. Gusto niya na raw basahin ngayon.

Pagkatapos basahin, tumingin siya sa akin. Sobrang seryoso na ng mukha niya. Hindi niya ba nagustuhan 'yung mga nasabi ko sa letter? Ang palpak ko talaga. Mahusay daw ako sa pagsusulat ng nobela, essay, at tula. Pero simpleng love letter lang, hindi ko pa magawa. Nakakalungkot lang, at nakakadisappoint sa sarili ko.

"Bakit? Ahm, hindi mo ba nagustuhan 'yung mga naisulat ko diyan? Pasensya na."

Napakamot ako ng ulo. Nakakainis lang. Nagsisimula pa lang akong manligaw, puro kapalpakan na ang nagagawa ko. Paano pa 'pag nagtagal na ang panliligaw ko?

"Bakit mo ko liligawan?"

Ano ba namang tanong 'yon? Hindi niya ba talaga alam kung bakit ko siya liligawan? Hindi niya ba ito nararamdaman? Haist. Tunay ngang palpak ako, isang palpak na lalaking hindi marunong manligaw. Paano niya ko sasagutin nito?

"Kasi, mahal kita."

Tumawa siya nang mapait. Ang sakit! Para kasing hindi siya naniniwala. Nakakainis, hindi siya, kundi ang sarili ko. Nakapagmission na ko lahat-lahat, pero ganito pa rin ako. Haist!

"Talaga ba? Marami nang nagsabi sa  'kin niyan, pero alam mo kung ano'ng nangyari? 'Yung iba, hindi nakapagdeal sa ugali ko. Habang 'yung iba, ginawa akong rebound. Hindi lang isang beses, kundi dalawa. Mahal niya raw ako, pero after a week, sila na ulit ng ex niya. Galing no? So sana, if you said you love me, you mean it. Hirap na kasing masaktan."

"Mitch, I know I mean it!"

"Okay. So isa pang tanong."

"Ano 'yon?"

At ang huli niyan tanong ang nagpatameme sa akin.

"Bakit mo ako mahal?"

Mitch & Brix: Walang ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon