Episode 11

15 3 1
                                    

Ang bilis lang ng panahon. Kaarawan ko na pala bukas. Debut ko, pero kahit anong handa, wala. Haha. Wala namang problema 'yun sa 'kin. Hindi ako mahilig sa party, lalo na kung para sa sarili ko.

Ilang oras na lang, 21 years old na ako. Tatanda na naman ako ng isang taon. Pero sa totoo lang, masaya ako kahit tumatanda na ako. Kasi nakikita kong meron namang nangyayari sa panliligaw ko kay Mitch. Mahirap lang dahil nahihirapan siyang magtiwala ulit, pero lahat ng kaya ko gagawin ko para makuha ang tiwala niya, at hinding-hindi ito sisirain.

Kinuha ko 'yung kulay violet na notebook mula sa drawer ko, at dumapa sa kama ko para magsimulang magsulat. Ito 'yung notebook na binili ko nung bagong uwi pa lang ako galing mission. Occasionally, sumusulat ako dito ng kung anu-ano gaya ng mga karanasan ko sa mission, tula, at gaya ngayon, sinusulat ko 'yung dahilan kung bakit ako nawala na parang bula noon.

"Brix, nakakainis ka talaga. Iniwan mo siya noon, kaya ngayon tuwing naaalala mo 'yon, nasasaktan ka. Kung hindi mo siya iniwan, mas maganda sana ngayon ang sitwasyon niyo."

Para akong baliw na kinakausap ang sarili. Pero totoo naman ang mga sinabi ko. Ako ang may kasalanan kung bakit nasaktan siya ng maraming beses, at nahirapang magtiwala sa kahit na kanino. Pero bigla ko na namang naalala 'yung sinabi niya sa akin kagabi bago ako umuwi.

"Ayos din na iniwan mo ako. Masaya ako sa mga past experience ko. Dahil sa mga 'yon, nalaman kong strong pala ako."

Habang nagsusulat sa violet na notebook, nagring 'yung phone ko. Tumatawag si Mitch na agad ko namang sinagot.

"Hello?"

"Hi Brix. Hehe."

"Ba't ka napatawag?"

"Ay ganun? Pambihira. Dapat nga, eh, magpasalamat ka sa 'kin kasi tinawagan pa kita. Lalaki kaya dapat unang tumatawag, pero suwerte ka kasi ako nagfirst move. Torpe ka kasi, eh!"

Pinagpawisan ako, hindi sigurado sa kung ano'ng isasagot sa kanya. Nagsimula ring bumilis ang tibok ng puso ko dahil sa kaba. Nakakatakot siya kapag galit, kailangan ko palang maging sensitibo sa mga sinasabi ko sa kanya. Ang palpak ko talaga!

"Ah, eh, sorry, sorry, di ko sinasadya."

"Haist! Ano ba 'yan? Joke lang 'yon, Brix. Ang seryoso mo talaga, alam mo 'yon?"

"Ay, ganun ba? Hehe, akala ko kasi seryosong galit ka, eh. Pasensya."

"Walang pasensya. Huwag ka ngang magsorry diyan!"

"Sige, hindi na."

"Nga pala, kita tayo bukas? Libre ka?"

"Talaga? Oo naman, libre ako. Wala namang mahalagang gagawin bukas, eh."

"Hindi ka maghahanda?"

"At bakit ako maghahanda? May okasyon ba?"

"Nakalimutan mo na bang birthday mo bukas? At hindi lang basta birthday Brix, debut mo."

Mitch & Brix: Walang ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon