Sumunod naman na naglakad si Adam paalis sa vending machine para balikan ang Nurse's Station. Naiiling siya habang naiisip ang magandang babae sa vending machine. Kakaiba ang ganda nito na parang nakita na niya kahit simple lang ang ayos at naamoy niya ang amoy bulaklak na jasmine dito. Naalala niya ang babaeng amoy bulaklak ng jasmine at kamukha ng nakita niya. Bigla niyang pinilig ang ulo hindi iyon ang pinunta niya dito... bulong niya sa sarili. Kailangan niyang mahanap at makausap ang Tito Marko niya. Ilang taon na ang lumipas ng huli silang magkita nito noong ito ay nasa Villa pa kasama ang mag ina nito. Siyam na taon pa lang ang batang babaeng anak nito at siya ay nasa high school ng panahon na iyon. Ang ina nito na si Eva ay hindi niya makakalimutan sa angkin nitong kagandahan na siya namang hinahangaan ng lahat at isa na siya dito. Naalala niya na ang paborito nitong pabango ay jasmine at lagi itong humahalimuyak sa amoy nito. Ang Tito Marko niya na kaibigan ng namayapang ama niya ang tumayong ama sa kanya noong maliit pa siya. Eto ang kasama niya sa pangingisda tuwing weekend, tinuturuan siyang magbasketball at football. Eto rin ang nagturo sa kanya na pahalagahan ang pag aaral at kung ano-ano pa na makakabuti sa kanya. Mas close sila ng Tito Marko niya kesa sa Tito Sean niya na siya namang tagaturo sa mga pasikot sikot sa negosyong kasosyo ang namayapang ama. Ilang taon na rin silang walang balita sa mag ama simula ng umalis ang mga ito sa Villa. Labinlimang taon na ang lumipas ngunit ang alaala ng namatay na si Eva ay nakatanim sa kanyang isipan. Nitong nakaraang buwan lang ay may nagbalita sa kanya na kakilala na nasa hospital nga ang Tito Marko niya, comatose at ang anak na noon ay bata pa lang ngayon ay dalaga na ang siyang nag alalaga sa ama. Naisip niya na baka kailangan ng mag ama ng tulong pinansiyal at gusto niya rin talagang makita saka makausap ang tumayong ama sa kanya.
Naalala niya ang eksena labinlimang taon na ang nakalipas ngunit parang kahapon lamang....
Nagkagulo ang mga tauhan sa Villa ng makita nila ang isang bangkay ng babaeng nakalutang sa dalampasigan ng Villa. Sila naman ng mga kaibigan at kababatang sila Sebastian at Nico ay maliligo sana sa dagat na siya nilang ehersisyo pagkatapos tumakbo tuwing umaga. Tinakbo nila ng mabilis ang dalampasigan para makita kung sino ang bangkay na nakalutang. "Nico tawagin mo ang Daddy mo para maimbestigahan niya ang bangkay" ang sabi niya kay Nico na natulala sa tabi niya. "Oo nga Nico si Tito Diego ang kailangan dito." segunda naman ni Sebastian na parang natatakot na sabay yugyog kay Nico. "Okay sige sandali lang puntahan ko si Dad habang hindi pa nakakaalis." natatakot na sabi ni Nico habang patakbo papunta sa cottage nila ng ama at kapatid na si Nica.
"Mga bata hanggang diyan na lang muna kayo" pigil ng head security ng Villa na si Mang Ramon. "Wala munang lalapit sa bangkay hanggang hindi pa dumarating ang pulisya at mag iimbestiga dito. Baka may masira tayong mga ebidensiya na maaring makatulong sa pangyayari na ito." pakiusap niya sa mga tauhan ng Villa na nakikiusyoso.
"Ay sino kaya ang babae na yan?" tanong ni Manang Carmen na taga laba sa mansiyon. "Nakakaawa naman susmaryosep!" napaantanda naman si Mang Dolfo na siyang hardinero sa Villa. "Baka isa sa bisita kagabi sa party nila sa Mansiyon" sabat naman ng baker sa bakeshop. "Malamang kasi lahat naman ng nasa Villa magaling lumangoy" sabi ni Mang Dolfo.
Humahangos na dumating si Diego ang ama ni Nico na isang pulis. Kasunod ang tumatakbong si Nico hawak ang batang kapatid na si Nica. "Tabi muna kayo diyan at titingnan ko kung sino ang bangkay" pakiusap ni Diego sa mga nag uusyoso. Maririnig naman sa di kalayuan ang sirena ng isang ambulansiya at ang patrol car ng mga pulis. Lumusong na sa dagat si Diego na may suot ng gwantes at mask sa may ilong at bibig saka kinuha ang bangkay. Nilapag niya sa dalampasigan ang bangkay ng babae na hindi pa makilala sapagkat nakatabing pa ang makapal at mahaba nitong buhok sa mukha.
Kinabahan naman si Adam kasi pamilyar sa kanya ang suot ng bangkay. Nakita niya ito kagabi sa party na halos lahat ng kalalakihan ay humanga sa suot nitong kulay pula na gown na nagpapakita ng magandang hubog ng katawan. Nang tinanggal ni Diego ang buhok na tabing sa mukha nito ay nagulat ang lahat. Si Eva pala ang bangkay.
"Paanong nangyari na nalunod si Mam Eva eh kahusay niyang lumangoy" bulong ni Manang Carmen. "Naku kapag nalaman ito ni Yaya Maria mangingipuspos ang matanda. Kawawa naman si Jasmine kabata pang nawalan ng ina" bulong ulit nito sa mga katabing nag uusyoso. "Oo nga paano naman siya malulunod eh araw-araw kapag naliligo si Mam Eva eh nakikita ko kung paano lumangoy. Saka saulo na niya ang dagat lalo na ang mga alon nito. Paanong nalunod siya?" takang tanong naman ni Mang Dolfo. "Baka naman nakainom na naman yang si Mam Eva. Madalas ko makita yan na panay inom lagi sa bar. Saka minsan nakita ko yan may dalang isang bote ng brandy iyun yata ang paborito niya" saad naman ng baker na si Nilo.
"Tawagin niyo si Marko at si Sean" utos naman ng pulis na si Diego sa mga security guard na andun. "Maiwan ka Mang Ramon at marami akong itatanong sa iyo. Kayo naman na mga usyoso diyan balik na sa trabaho at kami na ang bahala dito." utos ni Diego sa mga tao. "Mga bata pumunta na muna kayo sa Villa at wala munang aalis ha. Kailangang isecure ang lahat ng tao dito sa loob ng Villa" sabi naman ni Mang Ramon.
"Dad alis na muna kami ni Nica" paalam naman ni Nico sabay hila sa natulalang kapatid. "Halika na Adam at Sebastian bahala na sila Dad diyan" yaya niya sa dalawang kababata na hindi alam kung maiiyak o ano. Lumakad na si Nico kasama ang kapatid. Mabigat ang mga hakbang niya at parang maiiyak na pinipigilan lang pansin naman ni Adam nang mapatingin siya sa kaibigan.
Bigla siyang bumalik sa kasalukuyan ng marinig niya ang malakas na sigaw ng nagwawalang babaeng nakilala niya na si Jasmine, yung babae kanina sa vending machine. Nagulat siya sa itsura nito na animo batang inagawan ng kendi. Nakasalampak sa sahig na nagpapadyak ng mga paa habang sumisigaw na umiiyak. "Para naman pala itong bata eh kadalagang tao" sa isip ni Adam. Lumapit ang binata sa nurse na nakatayo sa may pintuan na nilabasan kanina ng mga doktor at iba pang nurses.
BINABASA MO ANG
Pulso
Mystery / ThrillerPulso ang pagpintig ng ating puso na siyang nagpapahiwatig na tayo ay buhay pa. Pulso ay siyang kutob na maaring magpahiwatig kung anong landas ang ating tutunguhin upang tayo ay maligtas. Si Jasmine ay maihahalintulad sa mabangong bulaklak. Una sa...