NARINIG ni Regine at ni Nanay Perlita—ang kanyang matatag na ina—ang tunog ng sasakyan na huminto sa tapat ng bahay nila. Sabay pa silang tumayo.
"Ang Kuya Antonn mo na 'yan, Rej," nakangiting sabi ng ina, nasa mga mata ang saya. Ilang buwang hindi nila nakita ang newfound Kuya Antonn niya mula nang matagpuan sila ng kapatid. Nasa Amerika kasi ito para sa pag-aaral na katatapos lang at sa negosyo ng pamilya nito. Ang pag-uwi ng kapatid nang araw na iyon ay isa lang sa mga madaliang pag-uwi nito sa Pilipinas. Hindi pa raw maiwan ng kapatid ang branch ng negosyo ng ama nito sa Amerika.
Isang beses pa lang nilang nakaharap ang kinilalang ama ni Kuya Antonn na si Adriano Villaguerre, ang negosyanteng pinag-iwanan ng tunay nilang ama sa Kuya Antonn niya noon pagkatapos kumuha ng malaking halaga sa mayamang negosyante. Minahal na parang isang tunay na anak ni Adriano Villaguerre ang kanyang kapatid.
Tandang-tanda pa ni Regine ang unang pagkikita nilang tatlo sa bahay nila sa Valenzuela. Linggo noon, off niya sa trabaho kaya siya ang naghahanda ng lunch nila. Ang nanay niya ay abala sa labada nito...
"Mareng Perlita! Mare!" tawag ng tsismosa nilang kapitbahay na si Aling Corcing. Napakalakas ng boses nito. Hindi ito kumare ng nanay niya sa tunay na kahulugan ng salita. Hindi nga niya alam kung bakit naging "mare" na bigla ang tawag nito sa nanay niya. Siguro dahil sa barumbado nitong anak na si Carling na "Nanay" na rin ang tawag sa kanyang nanay. Lantaran ang pagpapahayag ni Carling ng pagtingin sa kanya. Sila raw ang nakatadhana sa isa't isa kaya hihintayin nitong mahalin din niya ng lalaki.
Salamat sa galing niyang dumiskarte, laging natatakasan ni Regine ang loko. Kapag alam niyang uuwi galing sa buwanang trabaho si Carling ay hindi muna siya umuuwi. Sa tuwina ay nakikiusap siya sa bago niyang amo na si Ate Shine na baguhin ang araw ng day off niya. Pumapayag naman kaagad ang amo niya. Pag-uwi niya ay nasa trabaho na uli si Carling.
Pero kung si Carling ay mabilis takasan, ang ina naman nito ay mukhang ang nanay niya ang gustong ligawan. Mabait sa lahat ang nanay niya kaya "mare" na rin ang tawag nito kay Aling Corcing. Napapangiwi na lang si Regine kapag sumisigaw ang huli ng "Kumusta na ang mamanugangin ko, mare?" tuwing dumadaan sa tapat ng bahay nila. Kunsabagay, may isang positibong dulot sa kanya ang maging love interest ni Carling—hindi siya kinakanti ng lahat ng loko sa kalyeng iyon dahil "syota" na raw siya ni Carling. Iyon pala ang ipinagkalat ng loko.
"O, mare!" pasigaw rin na sagot ng nanay niyang nasa labas ng kusina nila at naglalaba. "Ano't humahangos ka na naman? May ibabalita ka?"
Bumulaga sa kusina si Aling Corcing. Basta na lang siya pinamano ng ginang kahit hindi naman siya lumapit dito. Napakamot na lang siya sa ulo habang abala siya sa nilulutong nilagang baboy.
Tumuloy si Aling Corcing sa puwesto ng nanay niya. "Naku, mare! Bitiwan mo muna 'yan at importante ang sadya ko. May guwapong lalaking naghahanap sa 'yo! Mukhang artista!" sabi ng ginang. Nasilip niyang parang hihimatayin na ito sa excitement.
Natawa ang kanyang nanay. "Mare, naman. Baka mali lang ang dinig mo sa pangalan na hinahanap niya. Sino namang mukhang artista ang maghahanap sa akin?"
"Ay, mare! Sa ilang taong sumasagap ako ng tsismis dito sa atin, malabong magkamali ako ng dinig. Isa pa, kayo lang ang Llamera dito, 'di ba? Ikaw talaga ang hinahanap ng artistahing lalaking iyon na may kasama pang parang alalay ni Lito Lapid sa pelikula. Tindig-militar ba, mare." Dumikit pa si Aling Corcing sa nanay niya. "Sa tingin ko ay bodyguard!"
Napangiti si Regine. Si Lito Lapid lang ang kilalang artista ni Aling Corcing kaya hindi na siya nagulat sa sinabi nito. Na-curious siya kung sino ang tinutukoy nitong lalaki na nasa labas kaya inunahan na niya ang dalawa. Tinakpan niya ang niluluto at lumabas na ng maliit nilang bahay. Nahinto si Regine ilang hakbang mula sa pintuan dahil mukhang nainip na ang sinasabi ni Aling Corcing na bisita nila. Nasa may pintuan na kasi ito na aktong sisilip sa loob.
BINABASA MO ANG
Rajed (PREVIEW)
RomanceLovefinder book 18 Lovefinder Postscripts: Heart's Deception sequel Unedited file