At present
"GABING-GABI na, bakit nandito ka pa? Umalis ka na." Hindi alam ni Regine kung paano pakikitunguhan si Rajed kaya paasik na lang ang pagkakasabi niya niyon, kung hindi ay mahahalata nitong nagustuhan niya ang pagkikita uli nila.
"Rej, bisita siya ng Kuya Antonn mo. Hindi ganyan ang tamang pagtrato sa bisita," saway ng nanay niya sa mababang boses.
Natahimik siya. Pero ang pinapaalis niya ay halatang-halata na nagpipigil ng ngisi.
Bago magdilim kanina ay umalis na ang Kuya Antonn niya para umuwi sa bahay ng daddy nito. Buong linggo raw na magiging abala ito at sa susunod na linggo ay babalik na sa Amerika. Tama nga yata ang sinabi ni Rajed na ito ang papalit sa lugar ng kuya niya kapag wala ang kanyang kapatid. At sinisimulan na nga nitong gampanan ang "role".
Wala naman talagang problema kung manatili man si Rajed sa bahay nila kahit isang taon pa. Siya lang kasi ang may problema dahil natatakot si Regine sa sarili. Okay na siya noong hindi na niya nakikita si Rajed pero ngayong nagbabalik ito bilang best friend ng kuya niya ay hindi na sigurado si Regine kung kaya pa niyang pigilan ang sarili. Ayaw pa niyang mapalapit dito nang husto. Sa sitwasyon kasi niya ngayon na nagsisimula pa lang siyang bawiin ang maraming bagay na nawala sa kanya dahil sa miserable nilang kalagayan noon ng nanay niya, mas gusto ni Regine na tutukan ang pag-aaral.
Bale-wala sa kanya na third year high school pa lang siya. Mas importanteng makapagtapos siya ng pag-aaral hanggang sa kolehiyo. Salamat sa pagdating ng Kuya Antonn niya, abot-kamay na niya ang mga pangarap na inakala niyang sa panaginip na lang matutupad.
"Late na kasi, 'Nay, eh," katwiran ni Regine. "Magla-lock na ako ng gate. Hindi naman na babalik si Kuya Antonn." Bumaling siya kay Rajed. "Kaya umalis ka na," sabi niya sa lalaki sa mas mahinang boses para hindi marinig ng nanay niya na abala sa pagliligpit sa kusina. Pagkatapos nitong magligpit ay matutulog na ito.
"Bakit ba ang mean mo? Hindi naman kita ginugulo diyan sa ginagawa mo. Eleven PM pa po ako pupunta sa Mystic kaya pagtiisan mo na ang handsome face ko."
"Handsome face ka diyan." Inirapan niya si Rajed. Mayamaya ay natigilan siya. "Mystic?"
"Mystic Bar."
"Ano'ng gagawin mo ro'n?"
"Magtatrabaho."
Umangat ang mga kilay ni Regine. "Sa bar ang trabaho mo? Macho dancer ka? Siguro, ang dami mong chicks na matrona, 'no?" Naalala niya ang magandang katawan nitong pinupunasan niya noong may sakit ang lalaki. Iyong tipo ng katawan at mukha nito ang nagpapa-swoon sa mga babaeng tinutukoy niya.
Natawa si. "I own the place. FYI, walang matrona sa Mystic."
"Oh?" Sinadyang lagyan ni Regine ng pagdududa ang kanyang hitsura. Ang totoo, hindi siya naniniwalang titingin si Rajed sa mga matrona. Sinusubukan lang niyang pikunin ito. "Eh, bading?"
"Marami."
"Wala kang 'something' sa isa sa kanila?"
"That's hitting below the belt, young woman," pantay ang boses na sabi ni Rajed. Nawala ang ngiti at kislap sa mga mata nito at naging malamig ang hitsura. "Pantay ang tingin ko sa lahat ng empleyado ko sa bar, kasama ang mga gay performer. Sa maniwala ka o sa hindi, Rej, may kilala akong gay na mas karapat-dapat sa respeto kaysa sa ibang taong nagpapanggap na walang kapintasan. Alam 'yan ng kuya mo at kilala rin niya ang sinasabi kong gay. Mali na isipin mong dahil gay sila, masama na silang tao. O hindi por que maraming gay sa paligid ko, may ginagawa na rin akong hindi tama."
Natameme si Regine. Hindi niya alam kung ano ang isasagot sa mahabang sinabi ni Rajed. Pipiliin na niya sa susunod ang bibitawan niyang biro.
Namagitan sa kanila ang mahabang katahimikan.
BINABASA MO ANG
Rajed (PREVIEW)
RomanceLovefinder book 18 Lovefinder Postscripts: Heart's Deception sequel Unedited file