8. After

3.8K 136 16
                                    

NANIGAS si Regine sa loob ng yakap ni Rajed nang maramdaman niya ang halik nito sa kanyang noo, tuktok, at sa sentido. Kung ang intensiyon ng lalaki ay patigilin siya sa pag-iyak ay nagtagumpay ito. May parang init na humaplos sa kanyang puso pagkatapos niyang maramdaman ang init ng mga labi nito.

Ano ang ginagawa ng "supladong Bumbay"? Pagkatapos siyang sermunan hanggang sa napaiyak siya, basta na lang siyang yayakapin? Ni hindi siya binigyan ng pagkakataon ng lalaki na depensahan ang sarili. Gulat na gulat si Regine sa nakita niyang galit nito. Kung makasigaw ay parang kasalanan pa niyang stranded siya sa ulan at nabasa. Ni hindi man lang naawa ang kumag na halos mangatog na siya sa lamig. Pinagalitan siya ni Rajed na parang ang tanga-tanga niya kaya siya nabasa sa ulan.

"Hindi ka ba nag-iisip? Tanga lang ang susugod sa ganoon kalakas na ulan! Look at you, para kang basang-sisiw na nanginginig! Kung umuwi ka nang maaga, hindi ka sana inabot ng ulan! Damn tutorials! Natulungan ka ba ng mga walang alam na estudyante mo? Nasagip ka ba nila sa baha? Paano 'pag nagkasakit ka, ha? At ang walang silbing taxi driver na naghahatid sa 'yo, bakit hindi tumawag agad na hindi ka niya masusundo? Bakit lahat na yata ng tao ngayon, tanga? And your damned phone's off! Sunugin mo na lang ang walang kuwentang gadget na 'yan!" isa sa mga mahahabang litanya ni Rajed kanina na natandaan ni Regine. Tuwing ibubuka niya ang kanyang bibig para ipaliwanag ang nangyari ay pinuputol nito ang sasabihin niya at lalo pang nilalakasan ang pasigaw na pagsermon sa kanya.

Naghalo ang inis at frustrations ni Regine kaya napaiyak na siya. Gustong-gusto rin niyang sigawan si Rajed pero hindi siya binigyan ng chance ng lalaki kaya parang nagsikip ang dibdib niya sa inis. Ni hindi man lang nito inisip ang takot niya na patuloy ang paglalim ng gabi at hindi alam kung paano siya makakauwi nang ligtas. Takot na takot na nga siya na ma-trap sa baha. Mabuti na lang at pinasakay siya kanina ni Sir Brillo sa kotse nito kaya nakaalis siya ng school.

Hindi nga lang siya naihatid ng professor dahil traffic na ang kalsada sa daan niya dala ng pagtaas ng tubig. Nang tanungin siya ni Sir Brillo kung may puwede ba siyang uwian sa way nito ay naisip niya ang Mystic Bar. Iyon kasi ang pinakamalapit doon.

Handa na sanang makipag-away si Regine kay Rajed nang pigilan nito ang paglabas niya. Naramdaman ni Regine ang bahagyang panginginig nito nang hawakan siya. Nang hampasin ni Rajed ang pader ay natakot na siya. Totoo ang galit ng lalaki at hindi siya sanay na makita ito sa ganoong mood. Pakiramdam niya ay sasaktan siya ni Rajed anumang sandali.

Pero pagkatapos ng ilang segundo na yakap siya ng lalaki ay napayapa rin si Regine. Paghupa ng galit nito ay ito pa rin ang Rajed na kilala niyang mabait at kalmado.

Pilit siyang kumawala mula sa yakap ni Rajed kahit ang bango-bango nito, kahit ang guwapo-guwapo pa rin, kahit halos umusok na ang ilong ng lalaki sa galit kanina, at kahit ang sarap makulong sa yakap nito.

"Sorry..." pabulong na sabi uli ni Rajed pagkatapos maramdaman ang pagpipilit niyang kumawala mula sa yakap nito.

"Tanga nga ako," sabi ni Regine habang itinutulak ang lalaki. "Kasi ikaw pa ang naisip kong puntahan. Huwag kang mag-alala, huli na ito. Kahit anurin pa ako sa susunod na baha, hinding-hindi ako tutuntong sa bar mo—"

"Rej," putol nito. "I just turned into a monster, I know. I'm sorry."

"Dragon!" bulalas niya. "Para kang dragon na magbubuga ng apoy." Masama pa rin ang tingin niya kay Rajed kahit pinakawalan na siya ng lalaki. "Sorry? Ang dami mo kayang masamang sinabi!"

"I didn't mean what I said."

'"Didn't mean' didn't mean ka diyan." Umatras siya nang lumapit uli sa kanya ang lalaki.

Hinagod ni Rajed ang batok nito na sa hitsura ay hindi nagustuhan ang pagpipilit niyang kumawala sa yakap nito. "Natatakot ka na sa akin?"

"Hindi, ah!" agad na sabi niya. Hindi aaminin ni Regine sa lalaki na natakot nga siya. Kapag inamin niya iyon ay sigurado siyang gagamitin nito ang kanyang takot para sa pansarili nitong pakinabang. Gagampanan na naman nito ang papel bilang "kuya" niya at kokontrolin siya. "Naiinis ako sa 'yo, hindi natatakot!"

Huminga nang malalim si Rajed. "Okay, ano'ng gusto mong gawin ko para hindi ka na mainis?"

"Pahiramin mo ako ng damit, nilalamig na ako," mabilis na sagot niya. "Ang lakas ng aircon mo rito. Kanina pa ako nangangatog."

Natigilan si Rajed. Nakatitig lang ito sa kanya nang ilang segundo bago hinablot ang nag-iisang extra long-sleeved shirt na nakita niya sa office nito, pagkatapos ay lumapit ito sa harap niya. Aktong bubuksan na ni Rajed ang mga butones ng uniporme niya pero tinabig ni Regine ang kamay nito, sabay atras. Nagtama ang mga mata nila. Napalunok siya. Mas intense pala ang titig ng lalaki sa malapitan. Nagiging darker ang shade ng mga mata nito.

"A-ano'ng gagawin mo?" tanong niya, sabay sapo sa ohales ng kanyang uniform. Huhubaran talaga siya?

Parang na-realize naman nito kung ano ang gustong gawin. "Sorry. I was... I was just worried. Ngayon ko lang napansin na namumutla ka na. Magpalit ka na agad ng damit."

"G-grabe ka. Kapag galit ka, para kang dragon. At kapag nag-aalala ka naman, manghuhubad ka na lang basta ng babae? Nakakatakot ka pala!" Inirapan niya si Rajed bago siya umatras at tinungo na ang banyo para doon magbihis.

Basa ang buong katawan ni Regine kaya kailangan niyang ayusin nang mabuti ang kanyang damit. Mahirap na, baka mahalata nito na...

Napangiwi siya sa naisip. Tiningnan niya uli ang sarili. Halos hanggang tuhod niya ang haba ng long-sleeved shirt ni Rajed sa kanya kaya wala siyang problema. Hindi lang siya kumportable na iyon lang ang suot. Huminga siya nang malalim at ikinondisyon ang sarili bago siya lumabas ng banyo.

Nakita ni Regine na may pagkain na sa mesa. Hinagod nito ng tingin ang kanyang kabuuan. Gustong manghina ng kanyang mga tuhod. Bakit pakiramdam niya ay alam ni Rajed na wala siyang anumang suot sa ilalim ng damit nito?

"Bagay pala sa 'yo ang shirt ko," sabi nito habang nakatingin pa rin sa kanya.

Napalunok siya.

"Hindi ka raw kumain kanina?"

"Hindi nga. Ayaw nilang maniwala na kilala kita, eh. Baka pabayaran pa nila sa akin ang lahat ng makain ko. Mukha namang hindi masarap ang pagkain mo rito kaya sayang ang bayad ko."

Napangiti si Rajed. "Nababad ka na sa ulan at lahat, mean ka pa rin. Ang talkative mo, Rej."

Sinimangutan lang ito ni Regine. "Ang dami ko ngang gustong sabihin kanina, hindi mo lang ako binigyan ng chance. Daldal ka nang daldal, wala naman sa lugar."

Huminga ito nang malalim, pagkatapos ay hinagod ang batok nito. "Aawayin mo na lang ba ako lagi?"

"Ikaw kasi, eh. Nakakaasar ka."

Kumunot ang noo nito. "What did I do?"

"Huwag ka ngang painosente diyan," paasik na sabi ni Regine. "Suplado ka kaya lagi. Parang mortal enemy ang tingin mo sa akin mula nang umalis si Kuya. Inaano ba kita? Mabait ka naman no'ng nandito pa si Kuya Antonn. Bait-baitan ka lang pala. Hmp!"

Hindi ito umimik.

"Dapat nga, war na lang tayo para hindi ko na kailangang isipin kung bakit nagbago ka na no'ng wala na si Kuya."

"Rej—"

"Hindi ko sinasabing maging mabait ka uli tulad ng dati," agap niya. "Okay nga na hindi ka mabait, eh." Nagsimula na siyang kumain. "Salamat dito," sabi ni Regine na ang tinutukoy ay ang pagkain.

Nang mga sumunod na sandali ay hindi na niya pinansin si Rajed. Tahimik itong lumabas ng office pagkatapos nang ilang sandaling pagmamasid sa kanya.

Rajed (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon