3. Alexandre Rajed Viezo

4.4K 152 7
                                    

NAGISING si Alexandrei Rajed Viezo na mabigat at maalinsangan ang pakiramdam. Iaangat na sana niya ang kanyang kamay para hagurin ang ulo na mabigat pa rin nang matigilan siya. May hawak siyang maliit na kamay?

Nakakunot-noong umangat ang kanyang tingin at hinanap ang mukha ng may-ari ng kamay na iyon. Pagkakita sa maliit na mukha ng babaeng tulog sa kanyang ulunan ay saka niya naalala ang lahat—tinawagan niya si Tita Shine  at humingi ng assistance. Masamang-masama na ang kanyang pakiramdam at hindi na niya kayang alagaan ang sarili. Hindi naman niya gustong tawagan isa man sa mga babaeng kilala niya. Wala siyang tiwala sa mga iyon. Mas gusto niyang isa sa mga pinagkakatiwalaang maid ni Tita Shine ang mag-asikaso sa kanya.

Ilang buwan na siyang hindi nadadalaw sa bahay ni Tita Shine kaya hindi pamilyar sa kanya ang babaeng ipinadala nito. Namumukhaan ni Rajed ang ilan sa mga kasambahay nito sa ilang beses na pagbisita niya sa bahay ng Tita noong isang taon. Naging abala siya sa maraming bagay kaya kadalasan ay sa opisina na lang ni Tito Benny o sa dinner sa labas ang naging pagtatagpo nila ng mga ito. Sa tingin niya ay bagong kasambahay ni Tita Shine ang babae.

Hindi alam ni Rajed kung bakit napatitig siya sa mukha ng babae. Isang magandang manyika kaagad ang sumagi sa kanyang isip pagkakita sa mukha nito. Maliit na mukhang binagayan ng itim na itim at mahabang buhok. Kasing-itim ng buhok ng babae ang eyelashes nito. Bagay sa mukha ang maliit at matangos na ilong. Maninipis at makikipot ang labi ng babae. Hindi niya napansin kagabi ang hitsurang iyon ng babae dahil umiikot na ang kanyang pakiramdam. Pero natatandaan niya ang pag-aasikaso nito. Ito ang una at kaisa-isang tao na masuyong humagod sa kanyang likod hanggang sa makatulog siya.

Napangiti si Rajed. Hindi niya kaano-ano ang babae pero naramdaman niya ang genuine concern sa kilos. Alam na niya kung bakit ito ang ipinadala ni Tita Shine para alagaan siya: pinagkakatiwalaan nito ang babae.

Hinigpitan ni Rajed ang pagkakahawak sa kamay ng babae. Umungol ito. Pumikit siya, nagpanggap na tulog pa rin.

"Maliwanag na pala," narinig niyang sabi ng babae bago niya naramdaman ang maingat na paglapat ng palad nito sa kanyang noo at leeg. "May lagnat pa rin," dugtong nito. Kinapa ang kanyang likod, pagkatapos ay naramdaman niyang bumangon ito. Mayamaya pa ay naramdaman ni Rajed na pinunasan nito ang kanyang likod bago iyon nilagyan ng bagong face towel.

Umatake ang ubo niya. Hinagod-hagod nito ang kanyang likod hanggang sa kumalma siya. Mahabang katahimikan ang dumaan sa pagitan nila. Hindi inaasahan ni Rajed ang sumunod niyang naramdaman. Maingat nitong hinaplos-haplos ang kanyang buhok bago siya kinumutan. Nang sumunod na sandali ay lumabas na  ang babae sa kuwarto.

Sa halip na bumangon na ay nanatili si Rajed sa kama. Masarap pala sa pakiramdam nang may nag-aalaga. All these years, siya ang nag-alaga sa mga taong mahal niya pero hindi pala sapat ang kanyang mga sakripisyo. Sa huli, iniwan pa rin siya ng mga taong pinaglaanan nang halos buong buhay niya. Sobrang sakit ang dulot niyon sa kanya. Salamat kay Tita Shine, ang nag-iisang itinuring niyang pamilya, ramdam pa rin ni Rajed ngayon na may natitira pa siyang kadugo.

Ipinilig ni ang kanyang ulo. Hindi niya gustong isipin ang masasakit na pangyayari sa nakaraan dahil ibabalik lang niyon ang pait at sakit sa kanyang dibdib. Nagawa na niyang umahon sa sitwasyong iyon. Bagaman nasa dibdib pa rin ang hapdi, masasabi ni Rajed na unti-unti na siyang nakakalaya sa parang tanikalang nagkukulong sa kanya sa mga kinatatakutan niya. At umaasa siyang darating din ang panahon na tuluyan na siyang lalaya. Na hindi na siya masasaktan at matatakot na maulit ang ganoong sakit.

Nanatiling nakapikit at nakasubsob pa rin sa unan si Rajed kahit nang bumalik na ang "nurse" niya. Naramdaman niya ang pag-upo nito sa kanyang tabi.

"R-Rajed?" parang alanganing sabi nito sa pangalan niya kasunod ang pagtapik sa kanyang balikat. "Gumising ka na. Kailangan mong kumain at uminom ng gamot para mawala ang lagnat mo."

Rajed (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon