10. Warmth

4.1K 145 9
                                    

NAGISING si Regine na lamig na lamig.

Ilang oras ba akong nakatulog? tanong niya sa isip. Namaluktot na sa kama at nagtalukbong ng comforter pero nilalamig pa rin siya. Bumangon siya at pinatay ang aircon. Hinintay niyang humupa ang lamig pero nanginginig pa rin siya. May lagnat ba siya? Dinama ni Regine ang kanyang leeg at noo. Magkasing-init lang ang palad at leeg niya.

Kailangan niya ng karagdagang kumot o kahit na anong magagamit laban sa lamig. Napatingin siya sa pinto. Bago pa magbago ang isip ay marahang lumabas siya. Nadatnan niya si Rajed na nakaupo pa rin sa sofa. Wala itong kahit na anong proteksiyon sa sarili. Hindi ba ito nilalamig?

Sandali siyang nakiramdam. Hindi malamig sa sala katulad sa kuwarto nito. Doon na muna siguro siya. Umupo siya sa one-seater sofa at niyakap ang sarili. Habang hinihintay niyang humupa ang lamig ay tinititigan ni Regine ang kasama niyang tulog na tulog. Kahit sa pagtulog ay guwapo si Rajed.

Bigla niyang binawi ang tingin nang kumilos ito.

"Rej..." paos ang boses na usal nito.

Ibinalik niya ang tingin sa lalaki at pinilit na lang ngumiti.

"Ano'ng ginagawa mo rito?" Nakakunot-noong umayos ito ng upo.

"Sobrang lamig sa kuwarto mo, eh. Pinatay ko na ang aircon pero malamig pa rin. Gigisingin sana kita para humingi ng isa pang kumot, kaso, mahimbing na ang tulog mo." Tumingin siya sa paligid. "Hindi malamig dito kaya naisip kong dito na muna ako." Hinigpitan niya ang pagkakayakap sa sarili.

Lumapit sa kanya si Rajed at dinama ang leeg at noo niya. "Tumaas ang lagnat mo," sabi nito pagkatapos madama ang temperatura ng kanyang katawan. Iniwan siya sandali ng lalaki. Pagbalik nito ay may dala nang gamot. Tumingin ito sa wall clock. "Busog ka pa naman, 'di ba?" Dumaan sa buhok niya ang palad nito sa isang masuyong haplos.

Nagpaubaya si Regine. Gusto niya ang ginagawang iyon ng lalaki.

Pumunta ito sa kusina at nagsalin ng tubig sa baso. Pagbalik ni Rajed sa kanyang tabi ay ito mismo ang naglagay ng tableta sa bibig niya. Inalalayan siyang uminom ng tubig, pagkatapos ay pumunta ito sa kuwarto na inookupa niya.

"Mas malamig nga sa loob," sabi nito habang palabas ng kuwarto bitbit ang isang malinis at makapal na kumot. "Mas comfortable ka ba rito?"

Tumango siya.

Umupo si Rajed sa dating puwesto nito. "Lipat ka," at nag tap sa katabing space.

Hindi na nag-isip na kumilos si Regine, natukso siya sa hawak nitong kumot. Pagkaupo ay ibinalot ni Rajed sa buong katawan niya ang kumot.

"Ikaw ang pinakamagandang mummy," sabi nito nang balot na balot na siya ng kumot at mukha na lang niya ang nakalitaw.

Ngumiti lang siya. Naghahanap na uli ng higaan ang kanyang katawan.

Inayos ni Rajed ang mga throw pillow. Hindi na siya nagprotesta nang igiya siya pahiga ng lalaki. Pinatagilid siya nito, paharap sa backrest. Pagkahiga ay naramdaman ni Regine ang paghiga rin ni Rajed sa kanyang likuran. Napapikit siya nang yakapin siya ng lalaki at isiniksik pa nito ang mukha sa gilid ng kanyang leeg. Hindi naisip ni Regine na kakasya silang dalawa sa sofa at lalong hindi niya naisip na masarap mahiga roon kaysa sa malambot na kama. Kung hindi lang siya nakabalot sa kumot ay baka humarap na siya kay Rajed at niyakap ito. Pero sa isang banda, tama lang na nakabalot siya sa kumot para hindi maramdaman ng lalaki na wala siyang suot na kahit ano sa ilalim ng shirt nito.

"'Still cold, baby?" pabulong na tanong ni Rajed pagkatapos ng mahabang katahimikan.

Kahit inaantok na ay napangiti siya. Ayaw niyang matapos ang gabing iyon. "Hindi na masyado. Salamat..."

Rajed (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon