NAROON si Rajed sa kanyang kuwarto at umiinom. Hindi totoong umalis siya ng condo. Binigyan niya ng instruction ang guwardiya na sabihin sa lahat ng bisita na wala siya sa kanyang unit. Kasama sa mga inaasahan niyang bisita si Regine na itinawag na ni Quiven na nagpunta sa bar. Hindi muna niya gustong harapin ang dalaga. Halo-halo ang kanyang nararamdaman. Hindi lang ang eksena sa coffee shop na nagpainit sa ulo niya ang nasa isip. Marami pang iba, kasama na roon ang tawag ni Antonn.
Masayang ibinalita ng best friend na ilang buwan na lang ay babalik na ito sa Pilipinas for good. Gusto niya iyon pero hindi alam ni Rajed kung paano titingnan ito nang deretso sa mga mata gayong alam niya sa sariling hindi siya naging tapat sa kaibigan. Dapat ay matagal na niyang inamin kay Antonn ang totoo niyang damdamin para sa kapatid nito pero naduwag siya. Alam niyang tututol ang kaibigan at hindi niya gustong magbago ang ugnayan nila ni Regine dahil kay Antonn.
Naipapakita man niya sa actions at gestures kung gaano kaespesyal ang pagtingin niya kay Regine ay sinadya ni Rajed na hindi nila pag-usapan iyon. Sinadya rin niyang hindi ligawan nang pormal si Regine at hindi maging vocal sa tunay niyang damdamin dahil marami siyang agam-agam at kinatatakutan.
Una, si Antonn at ang problema niya sa sarili. Ikalawa, bata pa si Regine. Alam niyang gusto ni Antonn na ipakita sa kapatid nito kung gaano kalawak ang mundo at hindi siya magiging sagabal sa posible nitong marating. Ikatlo, hindi siya sigurado kung hanggang saan niya kayang magpanggap na kaya niyang maging mabuting boyfriend kay Regine kung magiging sila na.
Lalong nag-umigting ang takot ni Rajed nang makita ang sariling bumabalik sa dati niyang gawain noon kay Yness, ang nag-iisang babaeng minahal niya pagkatapos ng masakit na karanasan--iniwan siya ng babae bago ang araw ng kasal nila dahil hindi nito kinaya ang naging pagbabago niya.
Ang pagsunod-sunod niya kay Regine nang lingid sa kaalaman nito ay ginagawa niya noon kay Yness. Gusto niyang malaman ang activities ni Regine, ang mga taong kinakausap at sinasamahan ng dalaga, at kung saan ito nagpupunta. Naging mapagduda siya kaya gustong makasiguro ni Rajed na totoo ang impormasyong sinasabi nito. Natatandaan niyang ang mga maling sagot noon ni Yness ang madalas nilang pag-awayan. Hindi niya gustong nagsisinungaling ang dati niyang girlfriend dahil pakiramdam ni Rajed, senyales iyon na gusto na nitong lumaya mula sa kanya.
Sa mga unang buwan ay hinayaan pa siya ni Yness sa pagsunod-sunod dito pero dumating sila sa punto na madalas na silang magsigawan. Ang pinakamalala, nagawa niyang ikulong si Yness para hindi siya iwan ng babae. Tatlong araw na nasa kuwarto lang si Yness at hindi niya pinayagang umalis. Sa huli ay natinag din siya ng pakiusap at mga luha ng babae. Hinayaan na niyang lumabas ang babae pagkatapos mangako sa kanyang sasabihin na nito ang lahat ng activities, na hindi na siya bibigyan ng dahilan ng babae para magselos, na hindi na makikipag-usap si Yness sa mga taong ayaw niyang sinasamahan nito, na hindi na ito sasama sa girl's night out ng mga kaibigan ng babae. Lahat ng gusto niya ay ipinangako ni Yness na susundin nito. Nagtiwala si Rajed dahil mahal niya ang babae. Inakala niyang sapat na ang nararamdamang pagmamahal ni Yness sa kanya para maintindihan siya ng babae. Pero binilog lang pala nito ang ulo niya. Wala sa mga pangako nito ang tinupad ni Yness. Dahil ang talagang plano pala nito ay takasan siya.
Nasaktan nang husto si Rajed sa ginawa ni Yness. Nagtiwala siya sa salita nito na hindi siya iiwan. Tandang-tanda pa niyang niyakap siya ni Yness nang mahigpit at hinalikan sa mga labi bago ito umalis. Hindi niya naisip na panlilinlang lang pala ang lahat. Gusto lang nitong lumaya sa kanya.
Si Antonn na saksi sa lahat ng dinanas niya ang nagmulat sa kanya na hindi lang si Yness ang may problema. Sa kanya nagmula ang problema kaya nagpasya ang babae na iwan siya. Hindi nito kinaya ang pagiging seloso at pagiging masyadong possessive niya. Pumayag siya sa gusto ni Antonn na magpatingin sa kaibigan nilang si Doctor Gweneth, isang psychiatrist na dati nang may gusto sa kanya. Ilang session lang niya kay Doctor Gweneth ay tumigil na si Rajed. Mas gusto kasi nitong maging boyfriend siya kaysa maging pasyente nito.
![](https://img.wattpad.com/cover/191406591-288-k851087.jpg)
BINABASA MO ANG
Rajed (PREVIEW)
Roman d'amourLovefinder book 18 Lovefinder Postscripts: Heart's Deception sequel Unedited file