12. Sweet You

3.5K 134 2
                                        

HINDI naisip ni Regine na ang disaster na sinapit niya sa kalsada nang nagdaang malakas na ulan ang magiging simula ng pagbabalik ng dating pakikitungo ni Rajed sa kanya.

Mula nang mag-overnight siya sa condo unit ng lalaki ay hindi na ito ang "supladong Bumbay" kapag napadaan sa kanila. Kung dati ay para siyang hindi nag-e-exist sa paningin ni Rajed, ngayon ay hindi na ito umaalis nang hindi sila nagkakausap. Kung nagmamadali naman ito, nag-iiwan pa rin ng ngiti sa kanya bago umalis. Kapag abala naman sila ng nanay niya ay hindi siya kinakausap ni Rajed. Pero pagkaalis nito ng bahay nila ay magri-ring kaagad ang cell phone niya. Iisa lang naman ang sinasabi nito—nami-miss daw ni Rajed na pikunin siya.

Hindi rin matiis ni Regine na hindi sila magkausap kaya dumadaan siya sa bar pagkatapos ng klase niya. Dalawa lang ang lagi niyang palusot: gusto niyang magkape o kaya mag-ice cream at magpapalibre siya kay Rajed. Tititigan naman siya ng lalaki bago ito ngumisi. Sa huli, magkakape na sila o kaya ay magsasalo sa ice cream sa private office nito. Hahaba na nang hahaba ang kuwentuhan nila hanggang sa gabihin na siya roon. Ihahatid naman siya ni Rajed sa bahay nila at madaling-araw na ito babalik sa bar.

Kadalasan ay nauubos ang oras nila sa bugtungan. Wala kasi siyang panalo kay Rajed sa lahat ng klase ng laro. Sa bugtungan lang siya hindi mapapasuko ng lalaki kaya iyon ang laging gusto niyang laro. Pati ang nanay niyang madalas abutan ng hatinggabi sa pananahi ay natatawa na lang sa kanila.

Hindi namalayan ni Regine na nakasanayan na niyang madalas silang magkasama ni Rajed. Kapag hindi niya nakita nang isang araw ang lalaki ay hinahanap-hanap niya ito. Hindi rin siya makatulog hangga't hindi ito nagte-text o tumatawag sa kanya na nakauwi na. Katulad na lang nang mga sandaling iyon. Halos madaling-araw na ay hindi pa rin siya makatulog. Hinihintay niya ang regular text message nito na: Going home, baby kapag paalis na ito ng bar. I'm home, baby naman kapag nasa condo na ang lalaki.

Napabalikwas si Regine nang tumunog ang Message alert ng kanyang cell phone. Kinuha niya ang gadget sa bedside table. Muntik nang mahulog ang alarm clock na nasagi niya. Disappointed na huminga nang malalim si Regine nang makitang hindi si "giant twin" ang nag-text sa kanya. Numero lang ang nakarehistro sa screen.

Hi. This is Roma. Friend ka ba ni Rajed? Masama ang pakiramdam niya ngayon. Parang hindi niya kayang mag-isa, sabi ng text.

Bigla ang pagdagsa ng pag-aalala sa dibdib ni Regine pagkatapos niyang mabasa ang text message. Hindi na niya inisip kung sino ang Roma na iyon. Hindi na rin siya nagtaka na alam ng babaeng iyon ang kanyang numero. Ang nanghihinang hitsura ni Rajed ang kanyang nakikita sa isip. Mabuti na lang at nag-load siya kaninang hapon lang. Tinawagan ni Regine ang cell phone ni Rajed. Lalo siyang nag-alala nang nakailang ring na ay hindi pa rin nito sinasagot ang kanyang tawag.

Pero nang aktong ibababa na niya ang kanyang cell phone ay saka ito sumagot. "Rej..." sabi ng mahinang boses nito mula sa kabilang linya.

"Ang tagal mo namang sumagot. Nasaan ka ba, ha? Bakit may nag-text sa akin na masama raw ang pakiramdam mo? At saka sino 'yong Roma na 'yon? Paano niya nakuha ang number ko?" sunod-sunod na tanong niya sa lalaki. Hindi na niya inisip na baka magulat ito na para siyang nag-aalalang girlfriend.

"Ahm..." Parang hindi alam ni Rajed kung alin sa mga itinanong niya ang unang sasagutin nito.

"Kasama mo 'yong Roma na 'yon ngayon? Masama talaga ang pakiramdam mo?"

"Yeah... But I'm okay. Matulog ka na. Madaling-araw na. Bakit gising ka pa?"

"Hindi ako makatulog, eh. Hinihintay kong mag-text ka na nasa unit ka na. Baka umiinom ka, ha? Magpahatid ka na lang sa staff mo. Huwag ka nang mag-drive, Raj. Baka maaksidente ka pa."

Sandaling natahimik ang lalaki. Paghinga lang nito ang kanyang naririnig. "Wala pa ako sa unit. Nasa bar pa ako pero hindi ako uminom. I'm okay. Ang dami mo nang sinabi. Hindi ako maaaksidente sa daan, promise. Mabubuhay pa ako nang matagal. Hindi pa kita napapasuko sa bugtungan, 'di ba?" sabi nito, saka tumawa nang marahan.

"I-text mo ako 'pag nakauwi ka na, ha?"

"Okay. Will text you. Sleep well, baby twin."

Napangiti si Regine. Napanatag na siya pagkatapos niyang marinig ang boses nito.

Kinabukasan na niya nabasa ang text message ni Rajed dahil tulog na siya nang mag-text na nasa condo unit na.

I'm home, baby. Safe... and missing you, sabi ng text ng lalaki. Hindi niya napigilan ang sarili na tumili habang nagpapagulong-gulong sa kanyang kama.

"Rej!" tawag ng nanay niya. "Bakit ka sumisigaw diyan?"

"Wala ho, 'Nay! Na-carried away lang ako sa pinapanood ko!" sagot ni Regine at itinuloy ang paggulong sa kama.

Rajed (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon