13. Real You

3.6K 133 4
                                    

NAGTATAKA man ay napapangiti na lang si Regine tuwing bigla na lang sumusulpot si Rajed sa bawat lugar na pinupuntahan niya. Sa mga unang pagkakataon na pagpapakita nito ay naisip niyang sinusundan siya ng lalaki. Pero sa huli ay naisip niyang nagkakataon lang na naroon din si Rajed. Abala ito sa trabaho kaya imposibleng sinusundan-sundan siya. Isa pa, bakit naman nito iyon gagawin?

Pero nang araw na iyon na bumulaga na lang si Rajed sa coffee shop kung saan sila nagme-merienda at nagtatawanan ni Kuya Moi ay nagtaka na talaga siya. Nauna kasi siyang tinawagan ni Rajed at tumanggi siya nang yayain siyang mag-coffee sila. Sinabi niyang may ibang lakad siya na hindi puwedeng i-cancel dahil nakapangako na siya sa taong kausap. Sinabi ni Regine kay Rajed na birthday ng kaibigan niya—si Kuya Moi nga iyon—at gusto nitong bumawi sa kanya kahit isang beses lang. Ang kaibigan ni Regine ang magbabayad ng pagkain nila. Bilang regalo na rin sa birthday nito at pagpapasalamat sa ilang buwang loyal service sa kanya ay pumayag siya. Tatlong buwan pa bago ang birthday ni Kuya Moi ay nagpasabi na ito kaya hindi niya puwedeng i-cancel iyon dahil sa biglaang imbitasyon ni Rajed kahit pa gustong-gusto niyang mag-coffee sila ng binata.

Nagulat si Regine nang makita niyang palapit si Rajed sa mesa nila ni Kuya Moi.

"Siya ba ang sinasabi mong kasama?" tanong ni Rajed sa kanya.

Bago sa kanya ang nabasang lamig sa hitsura nito. Wala rin ang pamilyar na tingin at ngiting ibinibigay ni Rajed sa kanya tuwing nagkikita sila. Nagalit ba ang lalaki dahil sa pagtanggi niya sa imbitasyon nito kanina? Pero ipinaliwanag naman niya lahat. Hindi na niya sinabi rito na si Kuya Moi ang kasama, hindi naman na iyon itinanong ni Rajed. Naalala niya bigla kung paano ito nagalit sa kanya noon kaya tumayo agad siya at nag-excuse kay Kuya Moi. Kumapit siya sa braso ni Rajed at lumayo sila sa mesa.

"Birthday ni Kuya Moi," pagsisimula niya. "Three months ago pa, nag-invite na siya. Isang beses lang daw niya akong mati-treat kaya magtatampo raw siya kapag tumanggi ako. Biglaan naman kasi 'yong invitation mo, eh. Hindi ko puwedeng i-cancel ang usapan namin."

Hindi tumitingin si Rajed sa kanya kaya alam niyang hindi nito nagustuhan ang ginawa niya.

"Raj, magsalita ka naman." Hinigpitan ni Regine ang pagkakahawak sa braso ng lalaki pero kaswal nitong binawi ang braso mula sa kanyang pagkakahawak. "Bukas, coffee tayo."

Naggalawan ang mga ugat ni Rajed sa mukha pero hindi pa rin ito nagsalita. Nakatingin lang ito sa isang direksiyon, blangko ang ekspresyon ng mukha.

"Raj..." Hindi alam ni Regine kung saan ito hahawakan para pansinin siya. "'Pag hindi mo ako kinausap, hindi na kita kakausapin kahit kailan," lakas-loob na banta niya sa lalaki. Ang inaasahan niya ay magwo-walk out ito at siya ang hindi na kakausapin kaya napaatras siya nang bigla itong bumaling sa kanya. Madilim ang hitsura nito.

"Bakit hindi mo sinabi sa akin na siya ang kasama mo?"

"K-kailangan pa ba? Isa pa, hindi ka naman nagtanong."

"Mas gusto mong kasama ang driver mo kaysa sa akin?"

"Hindi sa ganoon—"

"Balikan mo na siya. Halatang-halata na hinihintay ka," sabi ni Rajed at tinalikuran na siya.

"Raj!"

Hindi na siya nilingon ni Rajed. Napahugot siya ng hininga. Ano ba ang mali sa kanyang ginawa? Hindi lahat ng pagkakataon ay ito ang kasama niya. May mga kaibigan din siyang paminsan-minsan ay makakasama niyang mamasyal o kumain sa labas. Ayaw ba nitong ginagawa niya ang mga normal na ginagawa ng mga kaedad niya?

Pinilit ibalik ni Regine ang gaan ng mood niya pagbalik sa mesa nila ni Kuya Moi. Ayaw niyang sirain ang birthday nito. "Natagalan ba ako, Kuya Moi? Sorry. Saan ba tayo huminto sa kuwentuhan natin kanina?"

Rajed (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon