7. Darkness Within

3.7K 142 18
                                    

HINDI nasundo si Regine ni Kuya Moi Naghatid daw ito ng pasahero sa Pangasinan at naipit sa traffic. Ang lakas kasi ng ulan. Hindi na raw ito makakarating sa oras dahil hihintayin ng driver na bumaba ang tubig sa daan. Late ang naging text nito. Nakaalis na ang sundo ng mga kaklase niya kaya wala siyang puwedeng pakiusapan na idaan siya sa bahay nila. Sa lakas ng ulan na may kasama pang kulog at kidlat ay mahihirapan siyang mag-commute. Nataon pang hindi siya nagdala ng payong. Hindi naman kasi niya inaasahan na ganoon kalakas ang ulan pagsapit ng hapon. Sa malas pa, ang text ni Kuya Moi ang huling natanggap ni Regine bago namatay ang cell phone niya pagkatapos ma-drain ang baterya niyon.

Lampas alas-sais na. Wala pa ring tigil ang ulan. Sa hula ni Regine ay tatagal pa iyon kaya kung hindi siya makakauwi ngayon ay baka abutan siya nang hatinggabi sa eskuwelahan. Napakahirap pa namang makakuha ng taxi sa ganoong panahon dahil agawan niyon ang mga estudyanteng walang sundo. May tatlo siyang pagpipilian para makauwi.

Una, ang sumugod sa malakas na ulan at maglakad papunta sa pinakamalapit na LRT station. Pangalawa, ang maglakad pa rin at lumusong sa tubig sa kalsada na hanggang kalahati ng binti niya ang lalim at mag-jeep papunta sa likuran ng mall na maraming nakaparadang masasakyang taxi. Pangatlo, ang maghintay hanggang tumila ang ulan at bumaba ang tubig sa kalsada. Hindi magaan ang pakiramdam ni Regine para gawin ang unang dalawa kaya nagdesisyon siyang maghintay na lang. Pero lumalim na ang gabi ay patuloy pa rin ang malakas na buhos ng ulan.

Bonus POV!

MAINIT na ang ulo ni Rajed dala ng pag-aalala. Mag-aalas-nuwebe na ng gabi at mataas na ang tubig sa kalsada pero naipit pa rin siya sa traffic. Napapamura na siya habang hinihintay na umusad ang mga sasakyan sa unahan niya. Kailangan niyang makarating agad sa SMA. Hindi siya sigurado kung naroon pa rin si Regine hanggang nang mga oras na iyon pero kailangan niyang makasiguro.

Isang oras ang nakalipas ay nakatanggap siya ng nag-aalalang tawag mula kay Tita Perl. Hindi raw nito ma-contact si Regine kaya ang driver ng taxi na regular na sumusundo sa anak ang tinawagan nito. Nasa Pangasinan daw ang driver na si Moi at naipit sa baha. Nabanggit daw ng driver na nai-text na si Regine na hindi nito masusundo. Ang hula raw ni Tita Perl ay naipit sa malakas na ulan si Regine at na-drain ang battery ng cell phone. Nagpa-panic na sinabi ni Tita Perl na hahanapin nito ang anak pero pinigilan niya. Nagboluntaryo siyang siya na ang hahanap kay Regine. Hindi niya akalaing ang dapat twenty minutes lang niyang travel time mula sa bar hanggang SMA ay aabot nang isang oras dahil sa buhol-buhol na traffic.

Alalang-alala na talaga siya. Hindi pa tumatawag si Tita Perl kaya sigurado siyang wala pa si Regine sa bahay. Alas-kuwatro ang labas ng babae ng eskuwelahan kaya sigurado siyang gutom na ito nang mga oras na iyon. Kung naipit din si Regine ng baha sa labas ay baka basang-basa na ito at nilalamig na.

Napamura uli si Rajed. Hindi na niya matandaan kung kailan siya huling nakaramdam ng ganoong pag-aalala. Napabuntong-hininga siya. Tama lang pala ang ginawa niyang paglalagay ng harang sa pagitan nila ni Regine dahil naaapektuhan talaga siya ng babae. Iniiwasan niyang palaging makipag-usap at makipagkulitan dito dahil napakadaling tunawin ni Regine ang depensa niya kahit wala naman itong ginagawa. Sa simpleng ngiti ng babae ay natitibag na ang defenses niya.

Kung hindi siya iiwas at kung hindi siya magsusuplado ay mangyayari ang kinatatakutan niya—ang mahulog sa babae. Sigurado siyang si Antonn ang unang-unang tututol na maging higit pa sa pagkakaibigan ang maging ugnayan nila ni Regine dahil kilala siya ni Antonn higit kanino man. Alam nito ang mga posible niyang magawa. Nasisiguro niyang sa pagitan nila ni Regine, mas pipiliin ni Antonn na protektahan ang kapatid nito kaysa ang pagiging magkaibigan nila.

Nag-ring ang kanyang cell phone. Kinapa niya iyon sa kanyang bulsa. Ang assistant manager niya sa bar na si Quiven ang tumatawag. Ito ang nagpapatakbo sa Mystic Bar tuwing wala siya.

"Quiv, ano'ng problema?" bungad na tanong niya sa assistant pagkatapos niyang ikabit ang headset ng cell phone.

"Sir, may bisita ka rito," sagot nito.

"Bisita? Sino? Sabihin mong bumalik na lang siya sa ibang araw. I'm stuck here. Damned flood!"

"Sir..." Nag-alangan si Quiven nang parang mahimigan na mainit ang kanyang ulo. "Nasabi ko na nga 'yan sa kanya pero nakiusap pa rin siyang tawagan kita. Magkaaway raw kayo pero wala siyang choice kundi lumapit sa 'yo ngayon. Baha raw kasi sa way niya pauwi kaya sa bar siya nagpahatid."

Natigilan si Rajed. "Babae ba ang bisita ko?"

"Babae po. Nakasuot pa ng uniform. Basang-basa at giniginaw na. Paaakyatin ko ba sa—"

"Hell, yes!" bulalas ni Rajed nang ma-realize kung sino ang bisitang sinasabi ni Quiven. "Bihisan n'yo, pakainin, at bantayan nang mabuti! Kung kinakailangang isara ang bar para maasikaso n'yo siya, gawin n'yo. Dammit! Bakit ba bumabaha sa Pilipinas?" Tinapos na niya ang tawag bago pa man ito makasagot.

Bahagyang umusad ang mga sasakyan sa unahan ni Rajed. Sinamantala niya iyon. Lumiko siya sa unang U-turn na kanyang nakita. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang tuloy-tuloy ang usad ng mga sasakyan pabalik sa direksiyon ng bar.

Pagkalipas ng ilang minuto ay ipina-park na ni Rajed ang kotse sa parking slot niya sa tapat ng bar. Sinagasa niya ang ulan pagbaba ng sasakyan. Deretso ang malalaki niyang hakbang papasok sa bar. Hindi na niya tinapunan ng tingin at ngiti ang guwardiya, mga waiter, at regular guests na bumati sa kanya. Si Quiven kaagad ang hinanap ng kanyang mga mata.

"Nasaan siya?" tanong ni Rajed sa assistant nang makita niya ito.

"Nasa office, Sir. Hindi ko siya napilit na magbihis kaya—"

Napamura siya. Patakbo niyang pinuntahan ang kanyang private office. Napasukan niya si Regine sa isang sulok, nakaupo sa sahig at yakap ang sarili. Nag-angat ito ng tingin. Halo-halong emosyon ang kanyang naramdaman.

Nakamaang lang sa kanya si Regine nang pasigaw siyang maglitanya ng sermon. Hindi na niya inisip ang kanyang mga sinabi. Walang hinto ang bibig niya sa pagsermon dito. Natauhan lang siya nang makitang umiiyak na si Regine. Inilang-hakbang lang nito ang papunta sa pinto. Pero bago pa ito makapag-walk out ay nahagip ni Rajed ang braso nito. Hinawakan niya si Regine sa magkabilang balikat at isinandal sa pintong hindi na nito nagawang buksan. Sunod-sunod ang hugot niya ng hininga para kalmahin ang sarili.

Idinikit ni Rajed ang kanyang noo sa kanang balikat ni Regine at humugot ng isa pang malalim na hininga. Humigpit ang pagkakasapo niya sa kaliwang balikat ng babae habang ang isang kamay ay hinampas ang konkretong dingding malapit sa ulo nito. Naramdaman niya ang bahagyang pagpitlag nito. Napapikit siya. Gusto niyang saktan ang sarili.

Kinailangan niya nang ilang segundo para panghawakan ang emosyon. Pagdilat niya ay huling-huli ng kanyang mga mata ang takot na nakalarawan sa namimilog na mga mata ng babae. Nakamaang sa kanya si Regine, parang hindi makapaniwala sa iniasal niya. Mayamaya ay tumulo ang mga luha nito habang nakatitig pa rin sa kanya.

Marahas na napahugot siya ng hininga. "Huwag kang umiyak," sabi ni Rajed. Sa wakas ay kalmado na siya. Tinuyo niya ang mga luha nito at saka niyakap. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag kay Regine ang lahat nang hindi ito matatakot sa kanya kaya niyakap na lang niya ang babae. Naramdaman niyang nanigas ito sa loob ng kanyang mga bisig. "I'm sorry." Iyon lang ang nasabi niya.

Hindi umimik si Regine. Kumilos ito at nagpilit na kumawala mula sa pagkakayakap niya pero hindi niya pinakawalan ang babae. Kailangan ay maramdaman muna niyang panatag ito sa yakap niya para mapanatag din siya. Kinintalan ito ni Rajed ng halik sa noo, sa ibabaw ng ulo, at sa sentido nito.


VA note:

Akala n'yo ba kilala n'yo na si Raj? He's not what you think he is. Hindi siya ang ideal perfect guy na iniisip ni Regine at baka iniisip n'yo rin. 😉

Ang totoo si Raj...

#Abangan :)

Rajed (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon