11. To Be With You

3.5K 129 3
                                    

KAHIT anong pilit ni Rajed ay hindi na talaga niya makontrol ang kagustuhang lapitan si Regine kahit panay ang irap sa kanya ng dalaga. Ang pakikialam pa rin niya sa "sinampay" nito ang dahilan ng mga irap na tinatanggap niya. Lalo tuloy siyang naaaliw sa babae.

"That's not fair," sabi niya pagkaupo sa tabi nito. "I was just trying to help. Ano'ng mali sa paglilipat ng sinampay sa mainit na lugar para matuyo?" Pigil na pigil niyang mapangisi.

"Matutuyo 'yon kahit hindi ka nakialam!" bulalas ni Regine, parang lalong napikon sa ngiti niya. May mga namumuo nang luha sa sulok ng mga mata nito. "Nakialam ka na nga, nang-iinis ka pa!"

"Maaga akong lumabas kaya wala akong nasalubong na tao. Wala rin akong nakasabay sa elevator going up kaya walang nakakita sa—"

"Eeeh!"

"Hindi ko rin na-check kung ano'ng kulay, I swear."

Lumakas ang tili ni Regine. Napahalakhak na siya. Hinampas siya ng throw pillow ng dalaga. Napaiyak na ito nang tuluyan. Segundo ang lumipas bago niya nasupil ang tawa niya. Ito lang talaga ang nakakapagtawa sa kanya nang ganoon. Ramdam na ramdam ni Rajed ang gaan ng loob.

"Baka mabinat ka, baby twin!" pahabol ni Rajed nang halos magmartsa ito papunta sa kuwarto niya.

Ibinalibag ni Regine pasara ang pinto. Hinayaan niyang magkulong ang dalaga sa kuwarto nang ilang minuto bago niya ito sinundan. Napasukan niyang nakahiga sa kama si Regine, yakap-yakap ang unan niya. Hindi napigilang titigan ni Rajed ang dalaga. May masarap na init na hatid sa puso niya ang panatag na panatag na pagkakahiga nito sa kanyang kama habang yakap nang mahigpit ang unan niya.

Pumihit ito patalikod sa kanya nang makitang pumasok siya.

"Gusto mo na bang magbihis, Rej? Kukunin ko sa rooftop ang—"

Bumalikwas ito at pinukol siya ng matalim na tingin kaya hindi na niya naituloy ang sasabihin.

"I mean, I'll have to get you a new shirt." Nagpipigil ng ngiting inginuso ni Rajed ang kanyang closet.

Bumalik ito sa pagkakahiga.

Sa halip na lumapit sa closet ay maingat siyang humiga sa tabi nito. "Itinawag ko na kay Tita Perl na bandang hapon na kita ihahatid sa bahay n'yo para sigurado tayong tuyo na ang daan. Matutulog muna ako, baby twin."

Hindi siya pinansin ni Regine. Bumabalik na ang antok niya kaya pagbibigyan na niya ang sarili. Pumikit na siya hanggang sa unti-unti nang sinakop ng antok.

Paggising ni Rajed ay nasa tabi pa rin niya si Regine pero hindi na ito nakatalikod sa kanya. Nakaharap na habang yakap ang unan na nasa pagitan nila. Sandaling huminto ang kanyang paghinga nang mapagmasdan ang kabuuan nito. Nahila ng mga braso ni Regine ang suot nitong damit kaya nalantad ang makikinis at perpektong hubog ng mga binti at hita. Mabilis niyang inilipat ang tingin sa kisame. Kung sana ay hindi niya alam na wala itong kahit anong suot sa ilalim ng long-sleeved shirt niya...

Bahagyang kumilos ang dalaga. Humigpit ang pagkakayakap nito sa unan at bahagyang tumaas ang kanang binti. Napapikit nang mariin si Rajed. Gusto niyang magmura nang ma-realize ang totoong epekto ni Regine sa kanyang katawan. Lalo siyang na-guilty nang mapansing kaya wala itong kumot dahil nasa kanya ang kumot na dapat ay nakabalot sa katawan nito. Kinumutan siguro siya ng dalaga bago ito nakatulog.

Maingat niyang inilipat sa katawan ni Regine ang kumot. Kung puwede lang sana na mga ganoong serene moment na lang ang laging eksena sa pagitan nila habang-buhay...

Isang malalim na hininga ang hinugot ni Rajed. Sa pagbaba niya ng kanyang depensa ay parang sumusugal na rin siya sa posibilidad na mangyayari ang pinakaiiwasan niya. Hanggang kaya ay pipigilan niya ang sarili. Hanggang kaya niya ay itatago ni Rajed ang isang bahaging nasisiguro niyang kapag nalaman ni Regine ay magiging dahilan ng paglayo ng dalaga sa kanya.

Why do you have to be so beautiful, Rej?

Pinigil ni Rajed ang kagustuhang haplusin ang mukha nito. Baka magising si Regine. Gusto niyang titigan ito sa pagtulog. Hindi lang ito ang may problema tuwing nagtatama ang mga mata nila. Siya man ay nabubulabog din ang heartbeat. Ang lamang lang niya ay alam lang ni Rajed na panghawakan ang kanyang emosyon kaya kalmadong-kalmado siya sa paningin ng dalaga.



Rajed (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon