4. Crush

4.4K 138 8
                                    

HINDI pinansin ni Regine ang awtomatikong pagngiti ni Rajed nang lapitan niya ang lalaki at damhin ang noo at leeg nito. Pauwi na siya nang hapong iyon at nasa sala naman ang lalaki, nanonood ng TV. Ngumingiti na ito kaya sa tingin niya ay magaan na talaga ang pakiramdam, at kaya na rin ang sarili.

Itinawag na ni Regine kay Kuya Benny na dederetso siya sa Valenzuela. Sinabi niyang bukas na siya ng umaga babalik sa bahay ng mga ito. Pumayag naman kaagad ang amo niya. Kinumusta nito si Rajed. Nang sabihin niyang magaling na ang huli ay pumayag itong umuwi siya.

Wala pang alas-tres nang hapong iyon kaya hindi pa dapat tapos ang araw ni Regine. Pinigilan siya ni Rajed sa gagawin sana niyang paghahanda ng hapunan nito bago siya umalis. Ito na raw ang bahala sa sarili. Umalis na raw siya bago pa siya gabihin. Inabutan siya ng pera ng lalaki na hindi niya tinanggap. Ang katwiran niya, hindi ito ang kanyang amo kaya wala siyang tatanggapin mula rito. Nagpilit si Rajed pero nanindigan siya. Huminga na lang ito nang malalim at pinagbigyan ang kanyang gusto.

"Okay ka na nga talaga," sabi ni Regine pagkatapos niyang maramdaman na normal na ang temperatura ng katawan ni Rajed. "Uuwi na ako. 'Pag tumawag si Ate Shine sa 'yo, sabihin mo, inalagaan kitang mabuti, ha? Sige..." Tinalikuran na niya ang lalaki. Nasa pintuan na siya nang pigilan ni Rajed ang kanyang braso. Sapilitan nitong inilagay sa palad niya ang dalawang libo. Magsasalita pa lang sana siya para tumanggi ay naunahan na siya ng lalaki.

"Gamitin mo para ibili ng... ng kahit ano ang nanay mo. Uuwi ka sa inyo, tama?"

Natigilan si Regine. Ang nanay niya ang pinakamahalagang tao sa buhay niya ngayon. Ito ang nagbibigay ng lakas sa kanya para patuloy na lumaban sa buhay, at the same time, ang nanay rin niya ang kanyang kahinaan—na kung gagamitin ng sinuman tulad ng ginagawa ni Rajed nang sandaling iyon ay bibigay siya nang hindi nag-iisip.

Kinuha ni Regine ang isang libo, pagkatapos ay ibinalik dito ang isang libo. Pero ipinilit ni Rajed na kunin niya lahat iyon.

"Nagtatrabaho ba ang nanay mo?"

Hindi alam ni Regine kung bakit kailangan nitong malaman iyon pero sumagot pa rin siya. "Tumatanggap siya ng labada tuwing weekend. Dalawang beses sa isang buwan."

"Ibigay mo sa kanya ang perang 'yan na gusto mong ibalik sa akin. Sabihin mo, magpahinga siya ngayong weekend."

Deretso ang pag-atake ni Rajed sa kahinaan niya kaya wala siyang nasabi. Iyon talaga ang gusto niyang gawin lagi pero hindi niya mapigilan ang nanay niya dahil hindi sapat na siya lang ang kumikita. Kailangan daw nitong gawin iyon para hindi na maulit ang mga pangyayari noon na natutulog sila sa kalye kapag napaalis sila sa inuupahan nilang bahay—na hindi nga bahay kung tutuusin.

"Salamat—"

"No, thank you," agaw nito. "Wala pang nag-alaga sa akin na tulad ng ginawa mo, kaya salamat."

Napangiti na siya. "Salamat pero binabayaran mo ako?"

"Hindi bayad 'yan."

"Eh, ano?"

"Pambili ng pasalubong sa nanay mo," nakangiting sabi ni Rajed. "Sige na, baka gabihin ka pa."

Tumango siya, mayamaya ay itinuloy na ang pag-alis. Hindi niya napigilan ang sariling lingunin ito nang ilang metro na ang layo niya sa condo unit ng lalaki. Naroon pa rin ito, sinusundan siya ng tingin. Ngumiti ang lalaki nang magtama ang mga mata nila.

Hindi niya makakalimutan ang araw na iyon.

SUMUSUNOD si Regine sa naglilitanyang si Ate Shine habang palabas sila ng kabahayan. Bitbit na naman niya ang malaking paper bag na pabaon nito para dalhin niya sa pamangkin nitong may sakit na naman.

Rajed (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon