2. First Meeting

5.2K 144 1
                                    

A few months ago

PUPUNGAS-PUNGAS na bumangon si Regine nang gisingin siya ng mga hampas sa kanyang braso. Muntik na siyang mapasigaw sa gulat nang isang animo mangkukulam sa isang horror movie ang nakatingin sa kanya nang magmulat siya ng mga mata. Nahagod niya ang kanyang dibdib.

"May sunog ba?" nagkakamot sa ulong tanong ni Regine sa mangkukulam—este, sa kasamahan niyang si Mernaly. Tatlong taon ang tanda nito sa kanya pero ayaw nitong magpatawag ng "Ate" dahil mas mukha raw siyang matanda kaysa rito. Mas maganda rin daw si Mernaly kaysa sa kanya. Pinilit na lang niyang huwag matawa.

Tatlong buwan pa lang si Regine bilang yaya ng limang taong gulang na bunso ng pamilya Nuvera kaya hindi niya gustong magkaroon agad ng maling impresyon sa kanya ang mga bago niyang amo. Gusto niya ang mag-asawa. Ibang-iba ang mga ito kompara sa dati nilang napagtrabahuhan ng nanay niya. Masungit at nananakit ang iniwan nilang amo kaya hindi nila natagalan. Kung siya lang ang sasaktan ay kaya niyang tiisin pero hindi kayang panoorin lang ni Regine ang pang-iinsulto at pananakit ng babae nilang amo sa may-edad na niyang ina.

Ang pamilya Nuvera ang bagong pamilyang tumanggap sa kanya. Hindi na niya nakasama roon ang nanay niya dahil yaya lang ang kailangan ng pamilya. Tumatanggap na lang ng labada ang nanay niya dalawang beses sa isang buwan. Umuuwi siya sa bahay nila sa Valenzuela tuwing day off niya.

Muling ibinalik ni Regine kay Mernaly ang tingin. Bad timing talaga ang isang ito. Madaling-araw pa kung mang-istorbo. Ginagawa lagi nito iyon kapag off niya kinabukasan. Para bang hindi nito gusto na magpahinga siya. Ramdam na niyang hindi siya gusto ni Mernaly mula noong unang araw na tumuntong siya sa bahay ng mga bago niyang amo. Mas nagngitngit pa yata ito sa kanya nang napansin ni Mernaly na madaling napalapit sa kanya ang supladong panganay na anak ng mga Nuvera na si Siddy. Hindi rin niya alam kung bakit gusto siyang nilalapitan ng binatilyo para magpaturo ng assignments nito.

Fourth year high school na si Siddy at aminadong hirap sa mga subject nito. Kahit sinabi niyang baka wala siyang maitulong dahil second year high school lang ang natapos niya ay sige pa rin ang lapit ni Siddy sa kanya. Natuwa naman si Regine nang personal na magpasalamat sa kanya si Mrs. Sunshine Nuvera o "Ate Shine" para sa kanya. Ayon sa ginang ay tumaas ang mga score ni Siddy sa exam mula noong nagpaturo ito sa kanya. Sa nakitang saya ng amo niya ay mas pinagbuti niya ang pagtuturo kay Siddy. Sa paraan man lang na iyon ay maibalik niya ang kabutihan ng pamilya nito. Nangako pa si Ate Shine na pag-aaralin siya sa susunod na pagbubukas ng klase.

Pinigil ni Regine na ngumiwi nang pandilatan siya ni Mernaly. Sa hitsura nito na sabog pa ang kulot na buhok ay mukhang kagigising lang din ng babae. "Kung manggising ka naman, parang mamamatay na tayo mamaya—"

"Ako ang patay kapag hindi kita ginising kaya bumangon ka na riyan!" singhal nito. "Nasa sala si Ate Sunshine. May importante raw siyang iuutos. Ikaw ang gustong makausap! Larga na, dali!"

Ipag-uutos sa madaling-araw? tanong ni Regine sa kanyang isip. Ano kaya ang ipag-uutos ni Ate Shine sa alanganing oras at gusto pang siya mismo ang gumawa? "Sige, lalabas na ako," sabi niyang mabilis na nakababa ng kama niya. Malalaki ang hakbang ni Regine palabas ng servants' quarters habang inaayos niya ang sarili. Naabutan niyang parang tuliro ang amo nila, paroo't-parito sa sala habang hawak ang cell phone nito.

"Ate Shine?" pukaw ni Regine dito. "Ipinatawag n'yo po ako—"

Bigla itong lumingon sa kanya. Segundo lang ang dumaan ay hawak na siya ng amo sa magkabilang balikat. "Nagpatawag na ako ng taxi sa guard," parang nagpa-panic na sabi nito. "Puntahan mo ang pamangkin ko. Kailangan niya ng kasama ngayon. Maaga ang flight ko bukas kaya hindi puwedeng ako ang personal na tumingin sa kanya. Si Benny na muna ang bahala kay Winny habang wala ka." Asawa nito si Kuya Benny. Mabait din ang lalaki tulad ni Ate Shine. "Kung hindi ka makauwi bukas, dodoblehin ko na lang ang sahod mo, ha? Gusto kong ikaw ang gumawa nito para sa akin." Binitawan siya ni Ate Shine at may kinuhang cell phone sa sofa. "Old cell phone 'yan ni Siddy. 'Yan na muna ang gamitin mo para tawagan ang Kuya Benny mo kung sakaling may problema. Mag-ayos ka na. Limang minuto, Rej. Dalian mo. Baka kung ano na ang nangyari sa batang 'yon."

Rajed (PREVIEW)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon