Kasagsagan ng baha sa walumpung porsiyento ng kabuuan ng Metro Manila at ilang mga probinsiya sa Luzon dulot nang hagupit ng bagyong si Ondoy. Napakarami ang mga namatay ngunit mas marami ang nawawala at libu-libong mga pamilya ang naapektuhan at nawala ng kanilang tirahan. Mababagbag talaga ang damdamin ng kahit sino kung mapanood sa telebisyon at makikita sa mga pahayagan ang larawan ng mga bangkay na ang iba ay nakasampay nalang kung saan-saan.
Kasama ang magkaibigang Don at Edwin sa maraming sundalong naging rescuers. Bagama’t pagod at puyat, wala pa ring tigil ang tropa nila sa pagre-rescue.
Nakalulunos ang nadatnang tanawin nina Don sa mababang bahaging iyon ng Kamaynilaan. Pangmayamang subdibisyon iyon pero hindi rin pinatawad ng baha. Karamihan ng bahay ay mga bubong na lamang ang makikita. Kung may makikita mang bintana, iyon ay ang mga bahay na two-storey house.
Nagtaka si Don nang magmenor ang motorboat nila at ipinihit iyon pabalik ni Edwin.
“H-hey! Nagmamadali tayo, bok! May ire-rescue pa tayo!”
Hindi siya pinansin ng kaibigan. Itinigil nito ang motorboat sa tapat ng bukas na bintana ng isang 3 storey house. Sumilip si Edwin. Sinipat nitong mabuti sa loob ang isang lalaking abala sa pagliligpit ng mga gamit. Pinapasok na ang tubig ang second floor ng bahay. Hindi sila napapansin nito sa pagmamadaling maiakyat ang mga gamit sa 3rd floor.
“Siya nga! Buhay si Leo Miralles!”
Kahit maingay ang makina at malakas ang ulan, malinaw sa pandinig ni Don ang pangalang iyon! Nagulat siya.
Bigla tuloy niyang sinipat ang lalake sa loob ng bahay. Kahit pumayat, kamukhang-kamukha nga iyon ni Leo!
“Huwag, bok!” mahigpit na pinigilan ni Don ang braso ng kaibigan nang akma itong sasampa na sa pasamano ng bintana.
“Bitiwan mo ako. Sandali lang…”
“Matagal nang patay si Leo Miralles! Kamukha lang niya ‘yan!”
Nang muli silang tumingin sa loob ng bahay ay isang matandang lalake na ang naroroon. Pero ang damit na nakitang suot kanina ni Leo ay iyon din ang suot nito.
Nagkatinginan ang magkaibigan.
Multo lang ba iyon ni Leo?
Hindi na napigilan ni Don ang kaibigan nang mabilis na pumasok si Edwin sa loob ng bahay. Napilitan siyang sundan ang binata. Habol din niya ang hininga nang sapitin ang 3rd floor.
“N-nawala rin ang matanda!” ani Edwin.
Iginala ni Don ang paningin sa loob ng kuwarto.
Nakakalat ang mga gamit pang-kusina at pang-entertainment sa sahig. Kasama na roon ang TV na iniakyat kanina ni Leo at ang gas stove na bitbit paakyat ng matandang lalake.
Binuksan ni Edwin ang may kalakihang built-in-cabinet. Mga damit panlalake ang naroroon. Pabalyang binuksan nito ang CR. Wala ring tao.
Nagtataka si Don. Naka-grills lahat ng bintana sa 3rd floor. Ganoon din ang sa comfort room. Paano sila malulusutan ng dalawang iyon?
Napalingon siyang bigla. May nakita siya mula sa gilid ng kanyang mga mata na may dumaan sa bandang likuran niya. Pumihit siya sa bandang hagdanan. Wala ring taong bumababa roon. Pero gumagalaw ang mababaw na tubig sa sahig ng 2nd floor. Palatandaan na may dumaan doon. Tumakbo siya pababa ng hagdan at dumungaw sa bintanang dinaanan nila kanina.
Wala rin siyang taong naabutang lumalangoy palayo.
Napako ang paningin niya sa tubig na umaalimbukay sa harapan ng bintana. Naisip niyang baka nag-dive at sumisid ang dalawa para makapagtago sa kanila.