Ang halimaw

873 18 1
                                    

Nagkakagulo na naman ang taumbayan. Kanya-kanyang hawak ng tulos at sibat para tugisin ang nakawalang halimaw. "Kapag nakita natin ang halimaw, sibatin agad. Huwag nang tirhan ng hininga. Patayin!!! Noong isang gabi ay sinalakay ng kung anong halimaw ang manukan ni Mang Pedring, pineste ang mga manok. Itinumba rin ang alagang damulag ni Mang Damian.

At kumakalat pa ang kuwento na may mga batang natagpuan na wala na ang lamang-loob. Ipinaskel pa sa lahat ng sulok ng eskinita ang kuhang larawan ng mga batang dinukot ang lamang-loob. Nakakadiri. Panakot na anyo talaga ang halimaw na ito.

Nagkakagulo sa labas. Ang lahat ay sakbibi ng takot sa pagsulpot ng halimaw sa dilim. Sino kaya ang halimaw? Ni walang nakakaalam na sa loob ng bahay ko ay may isang halimaw na nag-iiba-iba ng anyo, minsan ay maamo, minsay ay nambabato ng kutsilyo.

"Mahal, matulog na tayo," may himig ng lambing ang tono.

Alam ko na sa kabila ng maamong anyo ay may kumakawala na namang demonyo sa katawan ng halimaw na ito.

"Hindi pa ako inaantok." Kailangan ko na ring tumanggi.

"Halika na sabi," sa pagitan ng ngipin lumalabas ang salita, gigil at parang lalabasan ng pangil.

Sunud-sunuran, nahiga ako sa tabi ng halimaw. Naramdaman ko ang mainit na dampi ng hininga nito. kasing init ng silakbo ng dugo. Hinalikan niya ako, halik ng diyablo, kiss of death. Para akong kinakapos ng hininga dahil hinihigop niya ang lakas ko. Ang halimaw ay gusto pa yatang mangagat. Napapikit ako dahil nararamdaman ko ang sakit ng pagbaon at talas ng kuko. Saglit pa ay para itong nilulukuban ng masamang espiritu na nangingisay-ngisay.

Nakatulog ang halimaw na may ngiti sa labi.

Hindi ako makatulog nang gabing iyon. Dinig ko pa ang panakbuhan ng mga tao sa labas. May hinahabol. "Habulin nyo!" Doon nagsuot ang halimaw!" Bulung-bulungan, ang halimaw daw ay nagpapalit ng anyo, minsay ay tao, minsan ay baboy.

Kinabukasan, may hinahanap na naman ang halimaw ng buhay ko. Lighter. Sigarilyo. Asthray. Bote ng alak. Salamin sa mata.

Bakit ba hindi pa lumitaw ang pangatlong mata nito sa noo para hindi laging naghahanap ng kung anu-ano.

"Pati banaman bulok at gutay-gutay na karne hinahanap mo pa? Itinapon ko na sa basura."

Bakit ba pati gulo hinahanap nito. "Huwag luluko-luko sa akin ang taong iyan kundi baka samain sa akin iyan." Kapag lasing nga naman nahahamon ng away. "Wala namang ginagawa sa iyo 'yung tao?"

"Anong wala, eh, ang samang tumingin!"

"Hindi naman sa iyo nakatingin. Nakita mo nang duling...!"

Sinaniban na naman ito ng espiritu ng alak kung kaya naglilitanya ng mga lengguwaheng hindi ko maintindihan. "Siguro kalaguyo mo iyon kaya ipinagtatanggol mo pa." Kasunod niyon ay pagbabasag ng mga gamit na nagliliparan kagaya sa pelikula ng Exorcist.

"Huwag no akong lolokohin kung ayaw mong manghiram ng mukha sa aso." Takot ba ang halimaw na ito sa sariling multo?

Gagala na naman ang halimaw. Sino na naman kaya ang susunod na biktima? Sa astig ng porma ng halimaw na nakabota, nakatakip ng sunglassess ang mata at nangingintab ang buhok at noo sa ipinahid na pamada. "Ayos ba sa porma?" Anga-gara ng bihis nito. Ang ngiti ay natatakpan ng kinuluyang bigote. Wala na ang bangis sa anyo. Ang nandoon ay paghanga sa sariling anyo. Saan na naman ka papunta?

Tinatanong pa ba iyon? Hindi na ako nasanay. "Sa tabi-tabi lang." Ang tabi-tabi ay lugar kung saan nanginginain ang mga gutom sa laman. Hindi man gutom, dayukdok na matatawag, masiba at walang kabusugan. Nandito sa lugar na ito ang mga willing victim.

koleksion ng mga katatakutang kwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon