Wicked Chapter Thirty-Nine

5.4K 103 10
                                    

Salamat sa power vote :))

 -----

Wicked Chapter Thirty-Nine

Nanginginig pa ang kamay ni Prince nang sagutin niya ang tawag ni Cindy.

"H-Hello? Cindy?" nauutal niyang panimula. "A-Asan ka? Kanina pa kitang hinahanap ah? Kanina pa kitang tinatawagan. Asan ka na ba? Alam mo bang alalang-alala 'ko sa'yo? Ba't mo ba in-off yung phone mo?"

Sa dami ng tanong ni Prince, tila ihip ng tahimik na hangin lang ang narinig niya mula sa kabilang linya.

"Cindy?"

Nang hindi pa rin makakuha ng sagot ay sandaling tinignan ni Prince ang phone niya. Nakakunekta pa rin naman pala ang tawag.

"Hello? Hello, Cindy? Andyan ka pa ba? Naririnig mo ba 'ko?"

Matapos ang dalawa o tatlo pang segundo ay may narinig na siyang tugon mula sa kausap.

"Prince," anang isang mahinang tinig.

"Cindy," iyon lang naman ang sagot ni Prince. Matagal ulit siyang naghintay para sa pagpapatuloy ng dalaga ngunit wala na siyang anumang narinig. "Asan ka?"

Malayo sa tanong ni Prince ang isinagot ni Cindy. "Umuwi na tayo."

***

Ipinaparada pa lang ni Prince ang kotse ay nagtatanggal na ng seatbelt si Cindy. Para siyang sabik na sabik nang makababa. Matapos ihinto ang kotse, nag-alis na rin ng seatbelt si Prince. Bababa pa lang sana siya para pagbuksan si Cindy pero nauna na itong umalis sa kinauupuan para pumasok sa bahay. Agad namang hinabol ni Prince si Cindy. Sa loob na ng mansyon niya ito naabutan.

"Cindy may problema ba? Kanina ka pa tahimik ah?"

"Napagod lang siguro ako sa labas," mahinang sagot ng dalaga matapos umiling. "Magpapahinga na muna 'ko sa kwarto."

"Ah, osige. Ikaw ang bahala. Teka, hindi ka pa kumain di ba? Anong gusto mo, ipagluluto kita."

"Hindi na, busog ako," ani Cindy habang paakyat ng hagdan. Ni hindi niya nagawang tignan pabalik ang binata kahit noong magkausap sila.

Nasasaktan kasi siya.

Matapos bastang ibagsak sa sahig ang bitbit niyang bag pagkapasok na pagkapasok niya sa kwarto, sarili naman niya ang itinapon ni Cindy sa malambot na kama. Niyakap niya ang isa sa mga unang kinasasandalan ngayon ng kanyang pisngi. Nakakurba pababa ang kanyang mga labi. Luha na lang ang kulang at perpekto na ang kadramahan niya.

Pero bakit nga naman siyang iiyak? Ano bang karapatan niyang masaktan kung may kasintahan na pala si Prince... na kuya niya?

Lalong naisubsob ni Cindy ang mukha sa yakap niyang unan. Hindi niya talaga gusto ang ideyang iyon. Ayaw niyang maging kuya si Prince. Ayaw niyang hanggang doon lang sila.

Tik tok, tik tok, tik tok, tik tok...

Tatlumpung minuto. Sa tantya ni Cindy ay ganoon katagal na siyang mag-isa sa kwarto. Nakahiga pa rin siya sa kanyang kama, nakayakap sa unan at nababalutan ng makapal niyang kumot. Nakatingin lang siya sa orasang hindi niya malaman kung mabagal o mabilis.

Mabagal dahil pakiramdam niya ilang oras na siyang mag-isa.

Mabilis dahil hindi niya magawang paniwalain ang sariling mag-isa lang siya sa loob ng tatlumpung minutong lumipas.

The Wicked CinderellaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon