Kabanata 7

7 4 0
                                    

Hinihingal na tumungo si Mahalia sa loob ng silid. Masuwerte siya't hindi pa dumarating ang guro nila. Kinalabit siya ng treasurer nila, dahilan para magsalubong ang kilay niya. “Late ka. Kailangan mo magbayad ng limang piso.”

“Ilista mo lang.” Naiiling na wika nito sa kausap. Napabuntong hininga lamang ito. “Lagi ka nang late, alam mo ba 'yon? Ang haba na ng listahan 'ko sa'yo. Pasalamat ka at sa graduation pa 'to babayaran. Butas ang bulsa mo, malamang.” Saad nito bago tuluyang bumalik sa kinauupuan.

Hindi na lamang siya pinansin ng dalaga dahil nakatuon pa rin ang isip niya sa nangyari kanina. Natapunan niya ng kape ang babaeng bumili sa kanila no'ng isang gabi. Nakakahiya talaga! Gusto niya awayin ang sarili dahil sa pagiging 'di maingat.

“Class, get one whole yellow pad. May long test kayo ngayon.” Nasagap ng pandinig ni Mahalia ang mahinang pagmumura at reklamo ng mga kaklase habang siya naman ay matipid na napangiti. Gano'n ang reaksiyon ng mga ito dahil unang subject nila ang Mathematics at ang guro lang naman nila rito ay walang iba kung 'di si Mrs. Gloria, ang paborito niya sa lahat.

Bukod sa magaling nitong pagtuturo ay mahigpit din ito kaya naman nasiyahan siya sa klase nila.

Napalingon silang lahat nang may katok silang narinig. 'Yon pala ay nakatayo roon ang hanay ng mga lalaki at babae. Nilapitan iyon ni Mrs. Gloria. “Ano'ng kailangan niyo? Wala nanaman si Ma'am De Guzman?” Tumango ang mga ito. “Opo, Ma'am. Nagpa-check up daw po kaya absent.” Napahilot sa sentido ang ginang. “Sige, pumasok na kayo. Pero 'wag kayong maingay. And get one whole yellow pad. May long test.”

Pagkasabi niyon ay nag-uunahang pumasok ang klase ng section 7 sa kanilang silid kung sa'n dumiretso sila sa likuran at naupo sa sahig. Tulad no'ng nakaraan, nakihalo nanaman sila sa section 1. Madalas na absent si Mrs. De Guzman dahil buntis ito. Sakto naman na Math din ang unang subject nila at magkatabi lang ang silid ng dalawang seksyon kaya naman tuwing wala ang kanilang guro, dumidiretso sila sa kanila.

“Okay, ganito ang set up, a. May set A, B, C and D.” Napaawang ang bibig ng ilan. Tumalim ang titig ni Mrs. Gloria. “I will distribute these papers. Show your solution or else, automatic zero since your papers won't be checked.” Walang nagawa ang seksyon 7 kung 'di mapakamot sa kani-kanilang ulo.

Aminado si Mahalia na 'di lahat sa seksyon nila ay marunong sa subject na 'yon. May mga kilala siyang nangongodigo sa mga kaklase niya pero tiwala siya na hindi sila makakalusot kay Mrs. Gloria. Lalo pa't bantay sarado nito ang mga estudyante. Medyo nag-alala lang siya sa seksyon 7 dahil alam niyang mga 'di 'yon nag-aaral at iilan lang ang talagang nagtuon ng atensyon sa mga lessons nila.

Bakit nga ba siya mag-aalala sa kanila, 'di ba? Dahil lang naman siguro nasa seksyon 7 ang mga kaibigan at ate niya. Bilang nagmamalasakit sa mga ito, ayaw niya 'tong 'di makapasa.

Nagsimula nang mamigay ng test papers ang ginang at nang matanggap ni Mahalia ang kaniya, mabilis niya itong sinimulang sagutan.

Hindi pa lumilipas ang isang oras ay tumayo na siya't inabot sa guro ang papel kasama ang test paper nito. Awtomatiko namang tinapunan siya ng tingin ng mga gulat na mag-aaral. Kilala siyang matalino pagdating sa matematika pero tila namamangha pa rin sila tuwing nauuna siyang matapos magsagot sa klase. Pinasadahan ni Mrs. Gloria ang papel niya at tinanguan lamang siya bilang senyas na maupo na siya. Pabalik na sana siya ng upuan nang maulilinigan niya ang pagrereklamo ng ilan. “Ma'am, bakit po 'pag papel ni Mahalia, 'di na po kailangan ng solution?! Ang unfair naman po!” Sinegundahan pa 'to ng ibang estudyante.

Halos mapairap sa hangin si Mahalia. Lumingon siya at napadako ang kaniyang tingin sa isang binata. Si Russell. Ang kaklase niyang lalaki na magaling din sa Math. Silang dalawa ang madalas na mataas ang scores sa subject ni Mrs. Gloria. Sa totoo lang ay wala naman siyang pakialam dito pero tingin niya niya ay pinag-iinitan siya nito parati dala ng matinding inggit. Hindi naman niya kasalanan kung mas naiintindihan niya ang turo ng ginang kaysa rito, 'di ba?

“What seems to be the problem, Russell? Magaling si Mahalia, tulad mo.” Hindi nakalagpas sa paningin ng dalaga ang pasimpleng pag-ingos nito. “Kahit pa ipa-solve 'ko lahat 'to sa kaniya on the spot ngayon ay paniguradong masasagot niya at tama pa. Isn't she the one who always gets the perfect score in this subject? So, why would I doubt her skill?” Napatahimik ang lahat dahil sa sinambit nito.

“Your argument is petty, Russell. Take a seat, and be quiet, everybody. Focus on your own paper.” Nagtitiim ang bagang naupo ang lalaki saka nagpatuloy sa pagsasagot.

Ilang minuto pa ang lumipas at halos lahat na ng estudyante ay nagpapasa na. “Ihiwalay niyo 'yong papel ng section 1 sa papel ng section 7 para madali i-check.” Tumalima naman agad ang lahat.

Tumayo si Atlas at lumapit sa harapan. Kinakabahang iniaboy niya sa ginang ang papel na naglalaman ng kaniyang mga sagot. Tinignan nito ang papel ng binata at may pagtatakang tinapunan siya ng tingin. “Where's your solution?”

Pinasadahan ni Atlas ng kaniyang dila ang kaniyang nanunuyong mga labi bago binuka ang kaniyang bibig para magdahilan sana nang biglang may isang boses na umagaw ng kanilang atensyon. “Atlas! Naiwan mo rito 'yong solution mo! Ano ka ba naman! Pabaya ka talaga.” Hinihingal na anas nito matapos magmadaling tinungo ang harapan. Inabot ni Tiarra ang papel sa kaniya at agad namang ipinasa ni Atlas iyon kay Mrs. Gloria.

“Write your name and section, Atlas. Baka maligaw 'yan at 'di pa ma-check-an ang papel mo.” Sumunod ito at naglakad palayo sa guro kasama ang dalaga. Napangiti siya at walang tigil na nagpasalamat dito. Dahil ang totoo ay wala naman talagang solution ang papel niya sa kadahilanang mahina ang utak niya pagdating na sa subject na 'yon. Mabuti na lang ang kaibigan niya ang isang 'to. Talagang malaki ang utang na loob niya kay Tiarra.

Ginulo ng babae ang buhok niya at natatawang umusal ng, “Wala 'yon. Ano ka ba! Magkaibigan tayo, e. Pababayaan ba kita?” Tanging ngiti lang ang sinukli ng binata rito.

Napawi bigla ang ngiti ng tumunog ang bell. Nagsisilabasan na ang mga estudyante dahil may emergency meeting ang mga teachers hanggang alas-diyes ng umaga sa tingin nila ay para sa nalalapit nilang Junior-Senior Promenade.

“Sandali lang, Tiarra. Aalis muna ako. Kakausapin 'ko si Mahalia.” Nagmamadali nitong isinukbit ang bag sa balikat at tumakbo palayo para sundan ang dalaga. Habang naiwan naman si Tiarra do'n na may kaunting kirot sa kaniyang puso.

Bukang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon