Kabanata 6

11 5 0
                                    

Nagising si Analyn nang tumama sa kaniya ang mainit na sinag ng araw. Napabalikwas siya ng bangon nang mapansin na alas-otso na ng umaga at pawang mga gising na ang kaniyang mga kapitbahay. Rinig na rinig na rin ang pagtilaok ng mga manok sa kaniyang paligid.

Kinusot niya ang mga mata saka nag-inat. Panibagong araw nanaman. Bumuntong hininga. Gusto pa sana niyang matulog pero sa pagkakataong iyon, umikot man siya nang umikot sa kama ay alam niyang 'di na siya dadalawin pa ng antok. Kaya naman nagpasya na lang siyang maligo, nang sa gano'n ay magising naman ang diwa niya.

Mabilis naman siyang nakapaglinis ng katawan. At tulad ng inaasahan ay nakaramdam ng gutom. Mabilis niyang kinuha ang wallet at susi saka lumabas ng bahay. Dumiretso siya sa bakery na malapit sa kanila at bumili ng mainit na pandesal, na tinernuhan niya pa ng kape. Bagay na bagay para sa ganitong klase ng umaga. Bumili na rin siya ng itlog para sana iprito at gawing palaman ng tinapay pag-uwi niya. Laking gulat niya nang may makabangga sa kaniya, dahilan para matapon sa kaniya ang kapeng bitbit. “Hala! Sorry, sorry! 'Di 'ko sinasadya. Ayos ka lang ba? Naku! Nalapnos pa ata ang balat mo.” Napatulala siya nang mapagtanto kung sino iyon. Walang iba kung 'di si Mahalia.

Naka-uniporme ito at nakasuot ng mahabang palda na kulay berde. May necktie rin itong berde na nakasukbit sa kaniyang leeg pati na rin ang kaniyang I.D. bilang patunay na isa siyang estudyante habang bitbit rin ang isang maliit na bag na yellow.

Napaawang nang kaunti ang kaniyang bibig nang maglabas ito ng bimpo at pinunasan ang kaniyang kamay at damit na namantsahan. “Pasensya na talaga. Nagmamadali kasi ako. Late na ako sa school. Babayaran na lang kita.” Wala sa sariling napatango siya at tinanggap ang perang inabot nito sa kaniya. “Heto, sa'yo muna 'yong bimpo 'ko para malinis mo 'yong sarili mo. Aalis na ako. Bye.” Anas nito saka patakbong lumayo.

Napatitig si Analyn sa perang hawak at bumalik sa tindahan para palitan ang natapong kape.

Mabilis na lumipas ang oras at natagpuan ni Analyn ang sarili na naglalakad lakad patungo sa kung saan. Tila may sariling pag-iisip ang mga paa niya at dinala siya ng mga ito sa tapat ng isang pamilyar na eskuwelahan. Gen. Licerio Geronimo Elementary School.

May kakaibang saya ang nanahan sa kaniyang puso nang pagmasdan ang establisyementong iyon.

Ito ang saksi sa paglaki niya noon. Ito ang naging pangalawang tahanan niya noong paslit pa lamang siya. Dito siya natutong magbasa, magsulat at natuto ng sari-saring mga bagay.

Gumuhit ang isang ngiti sa kaniyang labi. Ngunit mabilis din iyong nawala. Naalala niya na ilang taon mula sa panahong yaon ay mawawala ang eskuwelahang minsa'y humubog sa kaniyang pagkatao. Dahil sa hinaharap siya naninirahan, napalitan ng teknolohiya ang lahat. Nakipagsabayan ang bansang Pilipinas sa industriyalisasyon para sa ikauunlad ng ekonomiya. At hindi naman sila nabigo. Paunti-unting umusbong ang bansa hanggang sa mapalitan ang mga eskuwelahan ng mga matatayog na building habang isinara naman ang mga simpleng tindahan na nasa gilid ng kalsada. Ipinasara ng pamahalaan ang mga iyon at pinalitan ng mga negosyo ng mga dayuhan.

Dahil na rin sa malaking investments ng mga ito ay napakabigat ng kanilang salita sa pamahalaan. Ngunit 'di lamang iyon, nadagdagan ang trabaho ng mga tao kung kaya't umunlad 'di lamang ang bansa, kung 'di pati na rin ang mamamayan nito. Ito nga ang dahilan kung bakit natupad ni Analyn ang plano ng paggawa ng time travel machine. Sapat na ang kaniyang mga kagamitan at kaalaman sa pagsasakatuparan nito dulot ng malaking budget na nilaan para sa siyensa.

Naglakad patungo sa overpass ang dalaga. Tirik na tirik ang araw kaya naman lumilitaw ang kulay niya. Habang inaakyat ito ay 'di niya maiwasan na alalahanin ang sinabi ng kaniyang kaibigan noon. Nilingon niya isang gilid at nasilip doon ang samu't saring mga sasakyan na mabibilis ang takbo. Ayon sa kuwento, madaling araw lamang no'n at binabaybay ng kaibigan niya ang tulay patungo sana sa paaralan nang masaksihan nito ang walang takot na pagtalon ng babae mula sa tulay pababa sa highway, kung saan nasagasaan pa siya ng malaking truck no'ng sandaling bumagsak ito. Dahil doon, walang dumaan sa tulay ng halos isang buwan.

Muli siyang nakaramdam ng awa. Nangyari iyon no'ng panahon ng kabataan niya. Kumbaga ay mangyayari pa lamang iyon ulit. Alam niya na dahil sa pangingialam niya sa takbo ng oras ay mababago ang ilang bagay. Hindi niya alam kung ang presensya niya sa nakaraan ay maililigtas ang buhay ng babaeng iyon mula sa pagkitil nito sa sarili niyang buhay.

Matalino si Analyn. Siya ang pinakakilalang female scientist ng kaniyang panahon. Ilang libro na rin ang naiimbag niya patungkol sa siyensa. Dahil sa tulad niya ay mas nagkakaroon ng lakas ng loob ang mga batang babae na tumulad sa kaniya. Batuhin mo man siya ng iba't-ibang tanong ay tiyak na masasagot niya. Pero sa ngayon ay wala siyang sagot sa bagay na iniisip niya.

Mali ang mangialam sa nakaraan. Pero siguro nga ay makasarili siya para naisin na baguhin iyon para sa mga mahal niya sa buhay. Mali man o tama, kahit sino naman siguro ay susugal sa ganitong laro ng buhay kung may pagkakataon silang tulad niya.

Alam ni Analyn na magsasakripisyo siya nang malala para rito, pero kahit kanit na gano'n ay handa pa rin siyang sumubok.

Bukang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon