Pumalatak ang dalaga. “Ano nanaman ba 'yon?” Nagsalubong ang kilay ni Mahalia. “Alam 'kong 'di ka sanay na pinagsasabihan ka at naiintindihan 'ko na magkaiba tayo pero hindi naman na ata tama na nagiging ganito ka, hindi ba? Ano bang problema mo?”
“Wala kang kinalaman dito, Ali. Hayaan mo na ako at alam 'ko naman ang ginagawa 'ko.” Naglabas pa ito ng isa pang sigarilyo saka sinindihan bago hinithit iyon.
Marahang humakbang paatras ang mga kasama ni Ivon. Nararamdaman na nila ang mabigat na tensiyon sa pagitan ng dalawang dalaga. Alam man nila na hindi nakikipag-away si Ali, pisikal man o hindi, ay ayaw nila sumugal sa takot na madamay pa sa pagtatalo ng mga ito. At sa tingin naman nila ay nararapat lang na mag-usap ang dalawa lalo pa't aminado silang malaki ang pinagbago ni Ivon. Katunayan, nagulat pa nga sila na tumulad ang dalaga sa mga gawain nila tulad na lamang ng kasalukuyang sitwasyon nito—ang paninigarilyo.
“Tigilan mo na nga 'to, ate,” hinablot nitong muli ang sigarilyong nasa pagitan ng mga labi ni Ivon at walang pakialam na itinapon sa maruming ilog, “alam mong mapapahamak ka lang lalo dahil sa pinaggagagawa mo. Gusto mo ba talagang mas lalo pang magalit sa'yo si mama?!”
Sa puntong yaon ay 'di na nakapagpigil pa ang nakatatandang babae. Lumitaw ang galit sa mga mata nito at binulyawan ang nakababatang kapatid. “Anong gagawin mo? Magsusumbong? Tutal, ikaw naman talaga ang mabait, e. Ikaw ang matino. Ikaw ang nag-aaral nang mabuti. Ikaw ang dapat tularan. Ikaw 'tong pangalawa sa'ting magkakapatid pero ikaw ang umaastang matanda. Ikaw ang pinakamagaling!”
Tila sinampal nang napakalakas si Mahalia nang marinig mga salitang naibulalas ng kapatid. Hindi man lingid sa kaalaman niya ang tinatagong inggit at selos nito, hindi pa rin siya makapaniwala na ganito kalalim ang nararamdamang panibugho nito sa kaniya.
Maagap ding nabalik sa wisyo si Mahalia matapos ang ilang segundo ng pagkagitla. “Sandali lang, ha? Sa pagkakatanda 'ko kasi, hindi 'ko naman ginusto na katuwaan ng mga magulang natin. Ginagawa 'ko lang naman ang mga responsibilidad 'ko mula sa eskuwela hanggang sa bahay. Salungat sa pinaggagagawa mo ngayon!”
Gusto sanang sumabat ni Ivon ngunit sinundan pa ng kaniyang kapatid ang pagpuna nito sa kaniya. “Saka gawain ba ng isang matinong babae ang ganyan? Ang magsigarilyo at tumambay sa gilid ng tulay kasama 'tong mga loko-lokong 'to?” Itinuro niya ang direksyon ng mga kaibigan, dahilan upang mapatingin si Ivon sa kanila. “Hindi ka kagagalitan ni mama kung nagpapakabait ka, kung sumusunod ka sa kaniya bilang anak niya. Pero hindi, ginawa mo pa rin ang mga gusto mo. Dahil d'yan ka nasanay. Lumaki ka na lahat ng gusto mo ay nakukuha't nagagawa mo, na walang pumipigil sa'yo! Kaya nang bumalik ka sa poder ni mama, naging rebelde ka! Ngayon kung umasta ka, parang aping-api ka?!”
Namumula sa galit si Ali. Sa tanang buhay niya ay 'di niya inakala na mabubulyawan niya ng ganito ang nakatatandang kapatid. Hindi man sila madalas na nagkakasundo dahil sa pagkakaiba nila pero sa kaibuturan ng puso niya ay may malasakit at pagmamahal siya kay Ivon bilang ito'y kadugo't laman niya.
Madalas din ay hindi naman siya nagsasalita at nagkikimkim lamang ng sama ng loob at hinanakit sa mga kapatid. Ngunit sa pagkakataong yaon ay lumagpas na sa linya si Ivon at nangangailangan nang pangaralan. Masakit man para sa kaniya na pagsabihan ito ng kung anu-ano, ang tanging hangad lang naman niya ay maituwid ang mga pagkakamali ng kapatid.
“Sino ka ba sa tingin mo, ha?! E, hindi mo naman naranasan ang mga paghihirap 'ko! Hindi naman ikaw ang lumaki sa poder ng lola, at hindi rin ikaw ang pinababayaan ng sarili mong ina!”
Labis na galit ang masasalamin sa mga mata ni Ivon ngunit sa kaloob looban niya ay napupuno ng hinagpis ang kaniyang puso. Sa buhay niya ay wala siyang ibang kinilalang ina kung 'di ang kaniyang Lola Juana sa kadahilanang ito ang umako sa mga obligasyon na dapat sana ay ang kaniyang nanay ang tumutupad.
Salungat naman sa kaniyang pinagdaanan, sina Mahalia at Charlie ay lumaki sa poder ng kanilang mga magulang. Naalagaan nito at ginampanan ang kanilang mga tungkulin sa kanila samantalang siya, daig niya pa ang ampon sa pagpapabaya ng mga 'to sa kaniya. Kaya't 'di niya maiwasan na magtanim ng galit dito.
Para sa kaniya, walang ibang taong nakakaintindi o makakaintindi sa kaniya kung 'di si Lola Juana lamang. Hindi ang kaniyang ina, at lalong hindi ang sarili niyang kapatid na si Mahalia.
Bago pa man lumala ang 'di pagkakaunawaan ng mga ito, pinigilan na ng magbabarkada ang pagtatalo. Nahati sa dalawang pangkat ang makakaibigan. Ang grupo ni Samuel ay pinigilan si Mahalia habang ang grupo naman nila Ferdie.
“Bitawan niyo nga ako! Mga gago kayo, Ferdie!”
Patuloy lamang sa pagsigaw si Ivon. Pilit siyang nagpupumiglas upang makakalas sa mahigpit na hawak sa kaniya ng mga lalaki ngunit naging dominante ang lakas ng mga ito kaysa sa kaniya. Hindi ito nakatulong upang kumalma siya. Sa halip, mas nagpaalab pa ito ng kaniyang dibdib.
Ang napakong si Atlas ay nabalik sa wisyo at mabilis na tumakbo sa tabi ni Ali, sa pag-asang matutulungan niya itong kumalma sa pagitan ng mabigat na tensiyon sa kanilang magkapatid.
'Di niya lubos maisip na may maibubuga rin pala si Mahalia sa sandaling maubos ang pisi sa isang tao. Nakaramdam tuloy siya ng kakaibang damdamin. Napagtanto niyang takot iyon. Hindi niya aakalain na sa liit at payat na babaeng iyon ay may natatago pa lang isang mabangis na leon.
Lihim tuloy siyang napangiti sa sarili.

BINABASA MO ANG
Bukang Liwayway
General FictionSa mundo kung saan pinagtuunan ng labis na atensiyon, oras at pondo ang pagpapaunlad ng teknolohiya, nabuo ang isang kilala ngunit 'di lubos maisip na maisasakatuparang time travel machine. At ang nakagawa nito ay walang iba kung 'di si Dr. Analyn A...