Kabanata 10

18 4 0
                                        

“Dalawang yumburger with regular fries, spaghetti at regular coke po.”

Binabalot ng iba't-ibang tinig ang loob ng fast food chain na Jollibee. Kapansin pansin din ang pagkaabala ng mga crew at mahabang pilang nag-aantay na maasikaso ng cashier ang kani-kanilang mga order, nang sa gayon ay malunasan nila ang nararamdamang pananakit ng tiyan dala ng pagkagutom.

Kasalukuyang naghihintay si Mahalia habang nakaupo malapit sa babasaging bagay na nagsilbing harang sa pagitan niya at ng mga tao sa labas. Samantalang si Atlas naman ay nakapokus sa pagbibigay ng kanilang order sa cashier at hinihintay na lamang ang pagbigay ng ilang crew ng kanilang pagkain.

Matapos ang sagutan ng magkapatid, napagdesisyunan ng binata na dito na lamang dalhin ang dalaga. Dahil bukod sa may pagkain doon, may maibibigay din na kapayapaan kay Mahalia ang lugar, na sa tingin niya'y lubos na makakatulong dito para maanalisa ang kaniyang sitwasyon.

Madaliang nagpasalamat si Atlas sa crew at cashier matapos makuha ang order niya saka hinanap ng kaniyang mga mata ang pigura ng dalaga. Nilibot niya ng paningin ang buong paligid ng ilang minuto bago namukhaan si Mahalia. Agad niyang tinungo ang direksyon nito at naupo sa katapat na upuan.

Nanatiling walang imik si Mahalia sa kabila ng presensiya ng lalaki. 'Di maiwasan ng dalaga na isipin ang pangyayaring naganap kanina. Hanggang ngayon ay mabigat pa rin ang kalooban niya sa mga salitang naibulalas ng nakatatandang kapatid. Alam man niyang may kinikimkim itong sama ng loob sa kaniya, 'di niya naisip na sisisihin siya nito patungkol sa mga kaganapan sa buhay nito. Talaga bang nasa mali siya? May punto nga naman ang kaniyang ate Ivon. Hindi niya alam ang hinanakit na dinadala ng kapatid. Ni wala siya sa tabi nito noong mga panahon na kailangan siya nito o maski ang kanilang mga magulang. Tanging si Lola Juana lang ang naging sandalan at proteksyon niya mula pagkabata. Kaya't siguro, hindi niya na dapat ikabigla ang pagkalihis ng landas nito. Sino nga bang hindi mapapadpad sa ganoong sitwayon kung walang taong gumagabay sa'yo?

“Mahalia, kumain ka na, o.” Iniabot ni Atlas ang pagkaing in-order para sa dalaga. Tiningnan ito ni Ali at binigyan ng munting ngiti ang lalaki. Ngunit sapat na iyon para mapabilis niya ang tibok ng puso nito. Itinago na lamang ng binata ang epektong dulot niya rito sa pamamagitan ng pagngiti.

Matamlay na kumain si Mahalia, na agad namang napansin ni Atlas. Nanikip ang kaniyang dibdib. Gusto niyang suyuin ang dalaga, pasayahin ito at ni minsan ay 'di makitang umiiyak o malungkot. Pero sa oras na 'yon, walang magawa ang binata kung 'di magbigay ng simpatya rito.

“Pagkatapos mo kumain, ihahatid kita sa inyo, ha?”

Tanging pagtango lang nito ang kaniyang naging tugon.


Pinatay ni Atlas ang makina ng tricycle na minamaneho matapos itong iparada sa gilid ng kanilang bahay. Alas siete na siya nakauwi sanhi ng paghatid niya kay Mahalia sa tahanan nito.

Inabot ng mga kamay niya ang plastik na naglalaman ng ulam na binili niya sa karinderyang nadaanan pauwi. Alam niyang dala ng oras ng kaniyang pag-uwi, makakatanggap siya ng mahabang leksyon mula sa ina. Naisipan na rin niyang magdala ng pagkain kung sakaling hindi pa naghahapunan ang mga ito at ang mga kapatid.

Sa edad na dalawampu't tatlo ay tinataguyod na ni Atlas ang pamilya. Katunayan, katorse anyos pa lamang siya ay siya na ang tumayong padre de pamilya dahil sa mga kalokohan ng ama.

Bagama't masipag ang kaniyang ina sa paghahanapbuhay, nauwi rin sa wala ang pagpunta nito sa ibang bansa upang magtrabaho roon dulot ng bisyo ng ama sa sugal at alak. Hindi pa natatapos do'n ang kalbaryo nilang mag-iina sa poder nito. Nambababae pa ito kung kaya't nawalan ng pagpipilian ang binata kung 'di ang kumayod sa murang edad sa pamamagitan ng pangangalakal at pagmamaneho ng tricycle bilang panggastos man lang sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.

“Sa'n ka nanamang galing, ha? Alam mo ba kung anong oras na? Aba'y hihintayin mo pa atang tumilaok ang tandang bago ka umuwi ng bahay, ha?!”

Pagbulyaw agad ni Aling Thelma ang sumalubong sa pangalawang anak. Sanay man sa masakit na pananalita nito, hindi pa rin maiwasan magdamdam ng lalaki. Ngunit sa huli, pinapalagpas na lamang niya ang bagay na 'yon lalo pa't wala rin naman siyang kakayanan na magalit nang matagal dito o kahit kanino man.

“Namasada lang po ako, Ma.”

Pinanlakihan siya ng mga mata ng ginang. “Aba'y Diyos 'ko! Kanina pa kaming naghihintay sa'yo. Gutom na gutom na 'tong mga kapatid at ama mo!” Anas nito sabay hablot dala dala niyang plastik at mabigat ang mga yabag na nagtungo sa lamesa.

“Diyos 'ko 'tong matanda na ire. Maka-bulyaw ka sa anak mo, parang hindi mo dugo't laman, ha! Ni hindi mo man laang matanong ang bata kung nakakain na siya.” Matalim na tingin ang pinukol ng ama ng binata kay Aling Thelma. “Tigilan mo ako, Virgilio! Gabi nang umuwi itong magaling mong anak! Aba'y anong gusto mong gawin 'ko ngayo't nagugutom itong sina Sharonne?”

Magbibigay pa sana ito ng sagot na nakakainsulto sa esposa nang biglang pumagitna sa kanila si Atlas. “Kumain na po ako, Pa. Kumain na po ako kanina no'ng wala akong pasahero noong mga oras na namamasada ako.” Nagsisinungaling si Atlas pero alam niyang sa sitwasyong yaon, hindi pa nila muna dapat malaman ang relasyon niya kay Mahalia. Isa pa, masyadong mainit ang mga bagay bagay sa tahanan nila. Kailangan niyang pakalmahin ang mga magulang nang sa gano'n ay maging payapa man lamang sila sa gabi.

“Kita mo na? Nauna na ngang lumamon 'yang anak mo kaysa sa'tin samantalang tayo ay halos mamatay ng dilat ang mga mata sa gutom.” Umingos ang matanda at ipinaghanda ang ibang anak, maging ang asawa.

Nagkatitigan ang mag-ama. Sumilay lamang ang isang maliit na ngiti sa mga labi ni Atlas kung kaya't tanging pagbuntong hininga na lang ang nagawa ng matandang lalaki.

Bukang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon