Kabanata 11

14 0 0
                                        

Tulala't walang imik si Mahalia habang inaayos ang kaniyang higaan. Lumubog na ang araw ng mga oras na 'yon. Hinahanda na lamang niya ang kama nang sa gayon ay magpapahinga na lang agad siya pagkauwi galing sa pagtitinda kasama ang ina.

Tanging ang pangyayari kanina sa pagitan nilang magkapatid ang paulit ulit na naglalaro sa isipan ng dalaga. Bagama't masama ang loob at alam na 'di tama ang ginagawa ng nakakatandang kapatid, pinili nito na itikom ang bibig sa nalalaman. Matindi man ang inis na nararamdaman, ayaw pa rin naman niyang pisikal nanaman itong masaktan ng ina o 'di kaya ay masabihan ng kung anu-anong makakasakit sa damdamin nito. Lalo pa't wala namang may kakayahang pumigil sa ginang maliban sa ama nila.

Malakas na lumangitngit ang kahoy ng pinto, dulot ng puwersang tumulak dito. Sinundan naman ito ng mabigat na mga yabag ng dalawang taong kakapasok pa lamang sa tahanan ng mag-anak.

“Ali! Nasaan ka?” Malalim ang boses ng matanda nang sumigaw ito para tawagin ang pangalawang anak. “Nasa taas, 'Pa! Bakit?” Sigaw na pabalik naman nito sa kaniya.

“Pumarine ka na at nang makakain na kayong magkakapatid. May dala akong mga ulam.”

Tumahimik nang panandalian ang paligid bago naulilinigan sa buong bahay ang maliit ngunit magagaan na hakbang ng dalaga. 'Di tulad ng halos buo nilang pamilya, magaan kung gumalaw si Mahalia. Siguro ay nagmana lang siya sa ina o 'di naman kaya ay sadyang ayaw lang niyang naririnig ang pagkiskis ng mga tsinelas at sapatos sa sahig.

Narating ni Ali ang huling palapag ng hagdan at ginawa ang ilang hakbang upang marating ang lamesang nasa gitna ng bahay.

“Nasa'n ang ate mo?”

Salubong ang mga kilay nito kung kaya't 'di maiwasan ni Ali na mangamba.

“May gagawin daw po silang project kaya male-late siya ng uwi.”

Tumango ang lalaki bilang pagtugon. “O, siya, kumain na.”

Inabot ni Ali ang plato ng kanin at kumuha ng dalawang sandok pagkatapos ay namili ng ulam na nakahain sa mesa. Sa totoo lang ay wala naman talaga siyang gana. Puno ng pag-aalinlangan ang isipan niya. Nasaan kaya nagpunta ang kapatid niya? Makakaapekto ba nang lubos sa relasyon nilang magkapatid ang alitan na naganap kanina? Hindi niya alam. Wala siyang kasagutan sa mga tanong na bumabagabag sa kaniya.

“Bakit matamlay ka naman?” Tanong ng ama sa bunsong anak. Hindi na namalayan pa ni Mahalia na naroon din ang isa pa niyang kapatid. Dagdag pa roon ang tahimik na presensya nito na kahit pagkalansing man lang ng kutsara sa pinggan ay 'di marinig ng dalawa.

Nag-angat ito ng tingin. “Pinapapunta po kayo sa school, 'Pa. Pinapatawag kayo ng TLE Teacher ko.” Nahihiyang ani nito. Agad na napatigil sa pagnguya ng pagkain ang matanda. Nakaramdam ng pagkabahala ang dalawang bata. Ang simpleng pagtahimik ng ama nila ay maaaring maghudyat na masama ang loob nito saka maglalabas ng matinding galit. Lalo pa naman na ayaw na ayaw nito na pinapatawag sa eskuwelahan maliban na lang kung para sa awarding ceremonies na kabilang sila.

“Bakit?”

Bahagyang napayuko ang binata. “Bagsak daw kasi ako kaya kailangan ko raw po kayong papuntahin.”

Nagpatuloy lamang ang lalaki sa pagkain na animo'y walang narinig. Ngunit matapos ang ilang sandali ay tumango ito bilang pagtugon.

“Anong oras?”

“7 am po.”

Hindi na nasundan pa ang pag-uusap na yaon hanggang sa matapos sila maghapunan at magpahinga bandang alas diyes ng gabi.

Kinabukasan ay maagap na tumungo ang mag-ama sa klase ni Charlie. Siguro nga ay dahil nakasanayan na rin ng kaniyang ama na gumising at mag-ayos nang maaga.

Mahina ngunit may diin ang pagkatok ng matanda sa pinto ng classroom. Katahimikan lang ang sumalubong sa kanila. Kakaunti pa't naulininigan nila ang mabilis ngunit mabibigat na hakbang ng tao mula sa loob patungo sa kanilang kinatatayuan.

Click. “Sino po sila?” Aniya ng isang may gulang na lalaki. Nakasuot siya ng disenteng puting uniporme at itim na pantalon. Tinernuhan pa ito ng makintab na itim din na sapatos. Agad na nakakuha ng atensyon ni Eduardo ang mga munting kulubot sa mukha nito, lalong lalo na ang kaniyang halos kulay abo ng mga mata dulot ng katandaan. Alam niya na sa pagkakataong yaon ay malabo na ang paningin nito kaya naman hindi niya inalintana ang malaki't hugis bilog na salamin na nakasukbit sa lalaki.

Pero may mali. Parang pamilyar.

“Sir Pitallano?”

Naningkit ang mga mata ng guro. Ninanais na maaninag ang hubog ng mukha nito sapagkat hindi naging sapat ang buo at malalim na boses ng lalaki para makuha niya ang pagkakakilanlan nito.

Ilang minuto ang lumipas bago rumehistro sa ang realisasyon sa mga mata ng guro. “Ah! Dela Isla. Kumusta ka na? Diyos ko, may edad ka na rin.” Sinundan ito ng malumanay na pagtawa ng lalaki bago mapunta sa direksyon ni Charlie ang kaniyang paningin. “O, Charlie. Tatay mo ba itong si Dela Isla? Halika, pumasok kayo para makapag-usap tayo.”

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling na-update: May 16, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Bukang LiwaywayMga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon