Patuloy pa ring sinusundan ng binata si Mahalia hanggang sa makarating ito sa library. Ibinaba ng dalaga ang gamit sa mesa kung saan nararapat iwan ang gamit ng mga estudyante tuwing papasok sa silid aklatan. Tulad nito, ibinababa rin ng lalaki ang bag sa mesa saka nagtungo sa linya ng mga libro kung saan abala si Mahalia sa pagpapasada ng kaniyang tingin sa mga ito.
Nagkunwari itong interesado sa mga aklat kahit pa sa totoo lang ay wala siyang hilig sa mga ito habang patuloy pa ring sinusundan ang babae.
Hindi nagtagal at nakapili rin ng ilang libro si Mahalia at agad na naupo sa pinakamalapit na mesa sa kaniya. Sinundan siya ng binata at naupo sa tabi niya.
Dama ni Atlas ang panginginig ng mga kamay at tuhod. Para siyang nawalan ng lakas nang makatabi ang babaeng kinahuhumalingan. Pakiramdam niya ay hihimatayan siya sa sobrang kaba at takot, dagdag pa rito ang mabilis na ritmo pagtibok ng kaniyang puso. Mabuti na lang at wala siyang sakit sa puso kaya naman nasisiguro niyang 'di siya nasa panganib dahil sa kasalukuyang nararamdaman.
“Ano'ng kailangan mo?” Napakurap nang ilang beses si Atlas. Nag-angat ng tingin si Mahalia mula sa binabasang libro at nilingon siya. “Kanina mo pa ako sinusundan. Tingin mo ba ay 'di 'ko napapansin 'yon?” Pailing-iling na wka nito.
Nakaramdam ng matinding hiya ang lalaki. “P-pasensya na. 'Di 'ko n-naman gusto na t-takutin ka.” Gustong hampasin ni Atlas ang sarili. Kung kailan kaharap na niya si Mahalia at nakakausap ay saka pa siya nagkautal-utal. Malamang ay pinagtatawanan na siya ng dalaga sa isip nito. Napatungo siya dahil do'n.
“Ano'ng pangalan mo?” Bahagyang nagulat si Atlas sa tanong nito kung kaya't napatitig siya sa mga mala-kape nitong mga mata. “Atlas.” Anas niya sa mababang boses. Tumango ang dalaga. “Ikaw 'yong madalas kinukurot sa Section 7 tuwing flag ceremony, 'di ba?” Napakamot ng batok ang lalaki. “Oo, e. Pasensya na't nakita mo akong gano'n. Laging inis sa'kin 'yong teacher namin, e.” Pakla nito na sinabayan pa ng mahinang pagtawa.
“So, ano'ng sasabihin mo at kanina mo pa ako sinusundan?”
“Gusto kita, Mahalia...” Kagat labi nitong pag-amin saka bumuntong hininga. “Alam 'kong mga lalaking tulad 'ko ang 'di mo gusto. Alam 'ko naman, e. 'Di ako tulad ng mga dating manliligaw mo. Maiintindihan 'ko rin kung ire-reject mo ako. Rerespetuhin 'ko kung ano mang maging desisyon mo.”
“Kaya, Mahalia, p'wede ba manligaw?” Napakurap kurap ang dalaga. “Alam mo, Atlas, hindi 'ko rin alam kung papayagan kita sa gusto mo. Pero ang tanging masasabi ko ay gawin mo kung anong gusto mo. If gusto mo manligaw, sige. If ayaw mo ituloy, okay lang din. Basta sinasabi 'ko na sa'yo na baka matagalan ka sa panliligaw kung itutuloy mo 'to lalo na't ngayon pa lang kita nakilala. Saka naka-focused ako sa pag-aaral 'ko. Mas mahalaga sa'kin 'to kaysa pakikipagrelasyon.”
Tumango tango ang binata. “Ayos lang sa'kin. Basta hayaan mo akong ipakita sa'yo na seryoso ako. Pangako, hindi mo 'to pagsisisihan.”
Hindi siya sinagot ng dalaga. Bagkus, pinagtuunan nito ng pansin ang orasan na nakasabit sa dingding. “Maaga pa. Kakain muna ako bago magkaroon ng klase.” Tumayo ito at nagtungo sa mga shelf para ibalik ang mga kinuhang libro saka dumiretso sa mesang pinaglagyan ng gamit at naglakad papalayo.
Pero sadyang makulit ang binata. Sinundan pa rin siya nito at 'di na lamang niya pinansin. Tutal ay 'di rin naman siya mahilig makipag-usap.
Patuloy lang sa pagsasalita si Atlas kahit pa sigurado itong hindi nakikinig si Mahalia. Pakiramdam nga nito ay naikuwento na niya rito ang buong buhay niya. Wala lang. Masyado lang siguro siyang masaya dahil ngayon ay opisyal na niyang nililigawan ang dalaga.
Biruin mo 'yon. Nililigawan niya ang babaeng tulad ni Mahalia. Labis na tuwa ang nararamdaman niya ng mga sandaling 'yon. Alam niyang tila imposible pero hinihiling niya sa Diyos na sana ay maging kasintahan niya ito. Panigurado siyang hindi niya sasaktan ang babae sa sandaling magkaroon siya ng pagkakataon na mahalin ito nang lubos.
Napatigil lamang ito nang mapansin na tila natulos sa kaniyang kinatatayuan si Mahalia habang nakatingin sa kawalan. Kinaway niya ang kaniyang mga kamay para kuhain ang atensyon nito ngunit nanatili lang ang titig nito sa ano man ang nasa kaniyang harapan
Sinundan niya ang tingin iyon at nagulat siya nang makita ang nakatatandang kapatid nito na nasa tulay at naninigarilyo kasama ang ilang grupo ng kalalakihan.
Kilala niya ang mga 'yon. Mga kaklase niya ang mga ito at ang nag-iisang babae roon ay ang ate ni Mahalia. Habang ang iba naman ay mga kaibigan ng dalaga.
Gumuhit ang pagtataka at pagkabigla sa mukha ni Mahalia. Noon pa man ay alam na niyang matigas ang ulo ng panganay na kapatid. Dahil nga sa ugali nito ay siya ang tumayo na ate sa kanilang tatlo. Walang pakialam si Mahalia sa ginagawa ng kapatid dahil alam naman niyang hindi ito magpapapigil sa kaniya. Isa pa, masyado rin abala sa mga gawaing bahay at pag-aaral.
Pero ang ganitong uri ng bisyo? Hindi siya makakapayag! Nagtitiim ang baga at mabibigat ang hakbang na naglakad patungo sa direksyon ng kumpol ng mga tao si Mahalia.
Walang anu-ano'y hinigit niya ang sigarilyong nasa pagitan ng mga labi ng kapatid at ibinagsak iyon sa sementadong lupa upang walang habas na pagtatapak tapakan nang sa gayon ay mamamatay ang apoy nito. Pinakatitigan lang siya ng lahat, na halatang nabigla sa aksiyon niya. Hindi ganito si Mahalia. Kalmado ito at laging rasyonal sa nga bagay na ginagawa. Ni minsan ay 'di pa nakita ng mga kaibigan nito na magalit ang babae. Nasanay sila sa payapang ekspresyon ng mukha nito kung kaya't labis ang gulat nila sa naging reaksyon niya sa ginagawa ng ate.
Tumigil lamang si Mahalia nang mapawi na ang usok na binubuga ng mabahong sigarilyo saka binigyan ng matalim na titig ang bawat isa na naroon.
Napalunok ang ilan sa lalaki. Alam nilang delikado ang lagay nila sa mga sandaling 'yon.
Humarap si Mahalia kay Ivon. “Ate, mag-usap tayo.”

BINABASA MO ANG
Bukang Liwayway
General FictionSa mundo kung saan pinagtuunan ng labis na atensiyon, oras at pondo ang pagpapaunlad ng teknolohiya, nabuo ang isang kilala ngunit 'di lubos maisip na maisasakatuparang time travel machine. At ang nakagawa nito ay walang iba kung 'di si Dr. Analyn A...