Simula

25 7 0
                                    

Simula

Madaling araw pa lang ay bumangon na sa kaniyang higaan si Mahalia. Bilang 4th year high school student, nakasanayan na niya ang ganitong routine ng buhay.

Gigising siya nang maaga at ililigpit ang pinaghigaan saka didiretso sa labas para mamili ng almusal. Hindi naman siya ang panganay ngunit siya ang mas responsable sa kanilang dalawa ng kaniyang ate.

"Ate, pabili po ng pandesal saka keso." Usal niya sa tindera ng bakery na pinagbibilhan. Kinuha naman nito ang hinihiling niya at agad siyang nagbayad bago tumungo pabalik ng bahay.

Tumitilaok na ang mga manok sa kanilang kanto. Tila naghuhudyat sa mga tao na magsibangon na at simula na ng panibagong araw ng pagkayod at pamumuhay.

Pagkabukas niya ng pinto ay bumungad sa kaniya ang dalawang kapatid na noo'y naalimpungatan. Nagkukusot ang mga ito ng kanilang mga mata at pahikab hikab pa.

"Ang tagal niyong tumayo, ate. Tanghali na. Male-late na naman tayo sa eskuwelahan. Alam mo naman na mao-obliga tayong magbayad ng limang piso tuwing mahuhuli tayo sa flag ceremony." Aniya habang inaayos ang hapagkainan. Naupo na rin sa magkabilang gilid ang dalawa niyang kapatid.

Agad na kumuha ng tinapay ang dalawa at pinalamanan iyon ng keso. Mabilis namang naubos ni Ivon ang pagkain at nauna nang nagtungo sa banyo. Ang naiwan na lang sa hapagkainan ay sina Mahalia at ang bunsong kapatid na si Charlie.

Napakunot ang noo niya dahil lagi na lamang siyang nauunahan ng kapatid kahit pa tanghali na ito kung magising.

Natapos na rin siya ng agahan. Sakto naman na lumabas na ng banyo ang nakatatandang kapatid, na ngayon ay balot balot ng tuwalya. Pumapatak sa kaniyang mukha ang ilang butil ng tubig dahil sa pagkabasa ng kaniyang buhok.

Mabilis itong umakyat para magbihis. Habang dumiretso naman sa banyo si Mahalia at sa poso naman tumungo si Charliem. Doon kasi siya naliligo dahil nga nagmamadali silang magkakapatid.

Binilisan niya na lang ang pagligo bago nagmamadaling nagbihis ng uniporme at pumanaog bitbit ang kaniyang bag. Nakahanda na rin ang kaniyang kapatid na si Charlie

Sa totoo lang ay medyo nagtataka siya sa kapatid. Paano ba naman kasi ay sobrang linis nito sa katawan. Ayaw na ayaw nitong nadudumihan, at tuwing aalis, mapa-paaralan man o kung saan, gusto nito na nagpapabango at mukhang malinis. Hindi na lang niya pinapansin ang kakaibang asta nito.

"Tara na." ani ng kanilang tatay habang nakasakay sa jeep na pagmamay-ari nila. Agad naman silang tumalima sa utos ng ama.

Una nilang hinatid si Charlie sa Ramon Magsaysay High School. Doon kasi ito nag-aaral. Nakahiwalay ito sa kanila ng nakatatandang kapatid. Marahil ay impluwensiya na rin ng ama. Doon din kasi ito nag-aral no'ng kaniyang kabataan.

Pagkatapos niyon ay dumiretso na sila sa pinapasukan nilang eskuwelahan ng kaniyang ate.

Medyo liblib ang lugar kung nasaan nakatayo ang paaralan. Kinakailangan pang tumawid ng tulay ng magkapatid para makapasok. Sa labas naman ay marami kang puno na madadatnan. Mukhang probinsiya ang buong lugar dahil dito.

Dagdag pa ang tahimik at maaliwalas na simoy ng hangin. Halos wala kang maririnig na tunog ng kung ano mang uri ng sasakyan.

Patakbong tumungo si Mahalia sa kanilang pila. Medyo huli na siya dahil nagsisimula na ang seremonya.

Matapos ito, nagbigay ng ilang paalala ang ilang guro sa mga mag-aaral ng Claro M. Recto High School.

May nagdadaldalan, nagpapaypay, at namumustura. Pero ang higit na nakaagaw ng atensiyon niya ay ang pila ng Section 7. Iyon ang pinakamababang seksiyon sa paaralan.

Kinukurot sa singit ng guro ang isang binata at tila binibigyan pa ito ng mahabang sermon. Napailing siya sa nakita. Pinagtatawanan pa ng mga kaklase ang binata sa kalagayan niya. Mukhang sanay na rin ito kaya naman parang natatawa na lang sa sariling kalokohan.

Mabilis namang pinaakyat sa kanilang kani-kaniyang mga silid ang bawat mag-aaral. "Hoy, Mahalia!" bulalas ni Charlotte sabay mahinang tinapik ang kaibigan.

Napalingon naman sa kaniya ang dalaga at binigyan siya ng tingin na nagtatanong. "Ang tahimik mo talaga. Kaibigan mo ako pero ni pagbati, 'di mo magawa." inis niyang sambit at umirap.

"Bakit? Magsasalita ka lang naman ulit tungkol sa mga crush mo, e."

Nagpapapadyak ito bago pumasok ng silid at naupo sa unang hilera ng mga upuan. "E, 'di, makinig ka! Ano ka ba naman." napatampal pa ito sa noo.

Ibinaba na rin ni Mahalia ang dala dalang bag bago nagsimulang magbasa ng libro. Napatayo ang kaibigan niya habang tinititigan siya nang mariin. Wala na nga sigurong pag-asa pa na makita niya si Mahalia na umaastang "normal" na babae-madaldal, maingay at nakikisalamuha sa ibang kasama. Napagdesisyunan na lang niyang layasan ito.

Hindi naman napansin ni Mahalia ang pag-alis ng kaibigan dala ng nawiwili siya sa binabasang libro.

Sa 'di kalayuan sa upuan niya ay sinusundan siya ng tingin ni Atlas. Hindi naman lingid sa lahat na may natatanging taglay na kagandahan si Mahalia. Katunayan, bukod sa maganda ay matalino rin ito. Marami ng nagtangkang manligaw dito pero iilan lang ang nakapagpasagot sa dalaga.

Matagal na ring may itinatagong pagtingin ang binata sa dalaga. Nag-iipon lang siya ng lakas ng loob at tumitiyempo para sa pag-amin dito ng nararamdaman.

Nanlaki ang mata niya nang mabasa ang pamagat ng binabasang libro ng babaeng kinagigiliwan-Basic Calculus.

Kung umiinom lang siya o 'di kaya ay kumakain, malamang ay nasamid na siya. Kakaiba talaga si Mahalia sa mga nakilala niya. Pero sa totoo lang ay 'di na siya nagtataka na gano'ng klaseng libro ang binabasa niya. Pinakamatalino ito sa klase nila pagdating sa subject na math.

Hindi niya tuloy lubos maisip kung ano ang kaniyang dapat na gawin para mapantayan at maging karapat-dapat dito.

Simple lang naman kasi siyang klase ng tao. Hindi mayaman, hindi rin ganoong mahirap. Nakakakain naman tatlong beses sa isang araw.

Wala namang arte sa katawan si Mahalia base sa pagkakakilala niya rito. Medyo mukha lang itong masungit at sadyang mailap sa mga tao. Madalas niya itong nakikitang nag-iisa kahit na may kaibigan naman 'to sa klase nila at sa iba pang sections.

Napabuntong hininga siya at nilibang ang sarili. Siguro naman makakaisip siya ng paraan para ma-approach ang dalaga at makuha ang loob nito.

Sana nga... Sana.

Bukang LiwaywayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon