Mabilis na lumipas ang mga oras. Natapos ang araw ng klase nila Mahalia. Nagmamadali niyang iniligpit ang mga gamit at nagtungo palabas ng silid.
Tatawagin sana siya ni Atlas para sana yayaing kumain. Oo, nakapag-ipon siya ng lakas ng loob na yayain na kumain kasama ang dalaga. Buong araw ay 'yon lamang ang umokupa ng kaniyang isip. Umasa siya na magiging maganda ang kalalabasan ng plano niya pero mali nanaman siya. Tanging dulo na lamang ng mala-kapeng buhok ni Mahalia ang natanaw niya.
Napabuntong hininga siya sa sulok.
Nawawalan nanaman siya ng pag-asa na balang araw ay makakasama niya si Mahalia at makakabuo sila ng masasayang alaala.
Samantala, nagmamadaling tumatakbo si Mahalia pauwi sa kanila. Kailangan na kasi niyang samahan ang ina sa pagtitinda. Panigurado ay magagalit nanaman ito kung mahuhuli siya.
Suwerte naman at nag-aayos pa lang ang ina niya. Inaayos nito ang mga paninda nila—barbeque, betamax, adidas, helmet, isaw, hotdog at iba pa. Ni hindi nag-angat ng tingin ang nanay niya. "Magpalit ka na ng damit at kumain. Pagkatapos ay tulungan mo ako rito sa mga paninda."
Agad na tumalima si Mahalia sa utos ng ina. Mabilis ngunit may pag-iingat niyang ibinaba ang kaniyang dalang bag at nagpalipat ng damit. Inayos niya muna ang unipormeng hinubad. Tiniklop niya ito ng may pag-iingat. Nakasanayan na niya kasi ang ganitong gawi. Ayaw na ayaw niyang nagugusot ang kaniyang damit.
Agad din naman siyang pumanaog saka iniangat ang takip ng plato. Mayroon doon na kaunting ulam-ginisang ampalaya, ang paborito niya. Excited siyang kumuha ng plato saka sumandot ng kanin. Tulad ng nakagawian, nagdasal muna siya bago sumubo ng pagkain.
Binilisan niya na lang ang pagkain. Pagkatapos ay hinugasan niya ang mga kubyertos na ginamit bago lumapit sa ina para tulungan ito sa ginagawa. Napansin niya na nagtutuhog pa ito kaya naman napili na lang niya magtimpla ng gulaman. Madali lang naman iyon. Sanay na rin naman siya kaya napabilis ang kaniyang gawain.
Nagulat pa siya nang biglang magbukas ang kanilang pinto at bumungad ang kaniyang nakatatandang kapatid. Naka-uniporme man ito, alam ni Mahalia ang totoo.
Lumingon ang kanilang ina kay Ivon. Nagkasalubong ang kilay nito at halata sa kaniyang mukha ang galit na nararamdaman. "Sa'n ka nanaman galing? Ano'ng oras na!" singhal nito sa kapatid niya. Napadako ang tingin ni Mahalia sa orasan na nakasabit sa itaas ng kanilang dingding. Alas kuwatro na pala. Ang bilis ng takbo ng oras. Halos 'di na niya ito namalayan pa.
"D'yan lang." Walang emosiyon ang boses ni Ivon. Ni walang takot na makikita sa mga mata niya. Halata naman na higit na nagngitngit ang damdamin ng kanilang ina. "Lintik kang bata ka! Wala ka na ngang naitutulong sa bahay, ganyan ka pa!"
Napairap si Ivon at humakbang na papasok ng bahay. Makakalayo na sana ito sa kanila nang magulantang sila sa biglaang paghablot ng kanilang ina sa buhok ni Ivon habang puno ng galit ang bawat salita na binibigkas niya rito. "'Wag mo akong iniirapan, a! Kung nagagawa mo 'yan sa lola mo, puwes, hindi puwede 'yan sa'kin! Anak lang kita! Ako ang masusunod sa bahay na 'to!"
Naluluha na si Ivon sa higpit ng pagkakahawak nito sa buhok niya. Pilit pa rin niyang sinusubukang tanggalin ang pagkakahawak nito sa kaniya pero tila nanghihina siya.
Hindi makagalaw si Mahalia. Ito ang pinakaayaw niya. Hindi niya alam ang gagawin tuwing nagagalit ang ina. Sa totoo lang ay wala naman sa kanilang magkakapatid, maliban sa kaniyang ate, ang may kakayahan na lumaban dito. Binabalot sila ng kakaibang takot sa tingin pa lang na binibigay ng kanilang ina.
Mabuti na lamang at biglang dumating ang kanilang ama. Naibagsak nito sa lapag ang bitbit na bag at hinatak palayo ang anak nang buong lakas mula sa noo'y mala-leon niyang asawa. "Ano ba 'yan, Charity! Anak mo 'yan! Tigilan mo nga 'yan!" sigaw nito sa asawa matapos mailayo ang anak na noo'y umiiyak na. Tiningnan siya ng masama ng ginang saka lumipat ang tingin kay Ivon. "'Yang anak mo ang pagsabihan mo! Bastos na 'yan! Walang galang sa'kin. Iniirap irapan pa ako!" Susugurin pa niya muli sana ang anak pero inawat siya ng kabiyak.
"Tama na!" sigaw niya kaya naman napatigil ang lahat. Tanging hikbi ni Ivon ang naririnig sa loob ng pamamahay nila. Hinihingal na naupo si Charity at hinahabol ang hininga. Lumapit sa kaniya si Mahalia dala ang karton na pinutol niya saka ito ginawang pamaypay para sa ina.
Habang ang kanilang ama naman ay iginiya paakyat ng pangalawang palapag ang kaniyang panganay na anak.
Kinausap ng masinsinan ng lalaki ang anak na si Ivon. "Alam mong parang may sapi 'yang nanay mo tapos umasta ka ng gano'n? Hindi ka dapat ganyan. Respetuhin mo ang nanay mo at kung sino mang nakakatanda sa'yo." bumuntong hininga pa ito. Napayuko na lang si Ivon. Hindi naman niya talaga gusto gawin 'yon. Ewan ba niya at hindi siya malapit sa ina. Siguro ay dahil 'di naman niya ito nakasama nang matagal.
"Ganito na lang," usal ng ama habang hinihilot ang kaniyang sentido. Nag-angat ng tingin si Ivon at tahimik na nakinig, "Gumawa ka muna ng gawaing bahay saka ka kumuha ng damit. Pumunta ka muna sa lola mo. Do'n ka muna hangga't mainit pa ang ulo ng nanay mo sa'yo."
Marahang napatango si Ivon. Hindi naman sa ayaw niya, sadyang 'di lang niya mapigilan ang sarili na hindi malungkot. Palagi na lang kasi ganito ang sitwasiyon nila ng ina. Hindi na niya alam kung kailan pa maaayos ang relasiyon nilang dalawa.
Nilagpasan siya ng ama at naiwan siyang nag-iisa sa loob ng maliit na silid na inookupahan niya. Napabuntong hininga siya saka huminga sa kama.
Hinayaan niya ang sarili na maramdaman ng kaniyang kamay ang lambot ng kama. Saka ibinagsak ang katawan dito. Nakakapagod.
Pumikit siya at nanahimik ng ilang minuto.
Ano kaya ang mangyayari kung maging ayos na sila ng ina? Siguro titino na rin siya.
Mahina siyang napatawa sa sarili habang umiiling. Ano bang pinag-iisip niya? Hindi mangyayari 'yon.
Tumayo siya at kinuha ang bag na pinaglalagyan niya ng damit tuwing pupunta siya sa kaniyang lola. Kinuha niya ang mga nakasampay na damit sa loob ng kaniyang damit at isa isa iyong ipinasok sa loob ng bag niya. Wala na siyang pakialam kung malukot man 'yon o hindi. Ang mahalaga ay makaalis siya agad sa bahay na 'yon.
BINABASA MO ANG
Bukang Liwayway
Genel KurguSa mundo kung saan pinagtuunan ng labis na atensiyon, oras at pondo ang pagpapaunlad ng teknolohiya, nabuo ang isang kilala ngunit 'di lubos maisip na maisasakatuparang time travel machine. At ang nakagawa nito ay walang iba kung 'di si Dr. Analyn A...
