Chapter 1

1.2K 43 2
                                    

"NAKU, pasensiya na kayo. Hindi talaga ako puwede ngayon, eh. Kailangan ko nang umuwi dahil mamamanhikan sa bahay 'yong mga magulang ng boyfriend ni Jelai. Sige, mauna na 'ko sa inyo, ha? Enjoy your meal. I'll just see you tomorrow," paalam ni Roni sa mga co-teacher niya.

Hindi na nakapagprotesta ang mga ito dahil tumalikod na siya at patakbong lumabas ng Holy Angels School. It was almost two in the afternoon. Kanina pa dapat siya umalis kaya lang ay biglang nagpatawag ng emergency faculty meeting ang school principal nila kaya na-delay ang pag-uwi niya. Paglabas na paglabas niya ng gate ng eskuwelahan ay may dumaan agad na jeep. Pinara niya iyon at sumakay roon. Nakaupo na siya nang mag-ring ang kanyang cell phone. Inilabas niya iyon mula sa bag at sinagot ang tawag.

"Hello, Roni? Nasaan ka na? Bakit ang tagal mo? Nandito na 'yong parents ni Junjun," sabi ng kakambal niyang si Jelai.

"Nasa jeep na ko, Jelai. Sorry, ha? May biglaan kasi kaming faculty meeting kaya hindi agad ako nakaalis."

"Hay naku, akala ko ay iindiyanin mo na 'ko! Kaya pala hindi ka sumasagot, nasa meeting ka. Kanina pa kita tinatawagan. Bilisan mo na, ha? I need your support. Alam mo namang hindi ito kayang mag-isa ng powers ko."

Bahagya siyang natawa. "Luka-luka! Kailan kita inindiyan? 'Eto na nga at halos madapa na ko sa kakamadali, eh. Relax ka lang diyan. I'm coming."

"O, siya, sige na. Hihintayin ka na lang namin, ha? Naka-ready na iyong food, ikaw na lang ang kulang."

"Okay. In fifteen minutes, nandiyan na ako."

Pagkasabi niyon ay pinindot na niya ang End call button ng kanyang cell phone.

Nahimigan niya ang boses ng kanyang kakambal na magkahalong excitement at kaba. Paanong hindi, bukod sa first time nitong makikilala ang mga magulang ng nobyo nito na si Justin Dela Cruz, mamamanhikan na rin sa kanila ang mga ito. Sa telepono lamang nito madalas na nakakausap ang mga magulang ng nobyo nito na umuwi pa galing Dubai para pag-usapan ang kasal ng anak sa kapatid niya. Dahil nga sila na lamang ni Jelai ang magkapamilya, hindi siya puwedeng mawala sa okasyong iyon. And she wouldn't miss it for the world.

Magtatatlong taon na ang relasyon nina Jelai at Junjun bago nagdesisyon ang mga ito na magpakasal. Bilang kapatid nito ay full support siya rito. Halos sa lahat naman ng desisyon nito ay nasa likod siya nito. They were always supportive of each other.

Hay, ang bilis ng panahon. Akalain mong mag-aasawa na si Jelai.

Parang kailan lang ay nagse-share pa sila ng kuwarto -- at kama. Dahil dalawang magkapatid lamang sila -- at sabay lumaki at nag dalaga -- kaya kahit sa laruan, damit at sapatos ay naghihiraman sila.

Mixed emotions ang nararamdaman niya. Masaya siya para kay Jelai dahil sa wakas ay ikakasal na ito. On the other hand, malungkot siya dahil mami-miss niya ito kapag lumipat na ito ng bahay. Mula nang ipanganak sila ay magkasama na sila sa iisang bubong at hindi pa sila nagkakahiwalay ng matagal. Pero siyempre, ang mahalaga ay ang kaligayahan nito. Iyon nga lang, hindi niya malabanan ang pakiramdam na napag-iiwanan na siya.

Hay... Tatanda na yata talaga akong mag-isa. Nasaan ka na ba, Mr. Right?

GUSTONG-GUSTO ng limang taong gulang na anak ni Borj na si Camille na pumupunta sa mga amusement park kaya madalas ay sa mga ganoon lugar niya ipinapasyal ito. It had been two weeks since he last saw her kaya missed na missed niya ito. Tuwing weekend lamang silang nagkikita na mag-ama dahil nasa custody ito ng mommy nito -- at dating asawa niya -- na si Bea. Ganoon na ang setup nila nang ma-annul ang kasal nila ng dati niyang asawa.

Niyaya na niyang umuwi ang kanyang anak pero hindi ito pumayag.

"Ayoko pang umuwi, Daddy! Gusto ko pang sumakay sa rides," ungot nito. Umiiyak ito habang yakap-yakap ang bagong stuff toy na binili niya para dito.

My Missing Puzzle PieceTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon