LIMANG taon na ang nakararaan mula nang itayo ni Borj at ng kaibigan niyang si Yuan ang Big Boys Club. Pareho silang mahilig sa sasakyan kaya two years after their graduation ay nagpasya silang maging business partner. Mula noon ay unti-unting naging matatag ang kanilang negosyo. Kahit paano ay kilala na sila sa auto industry. Marami na rin silang mga kliyente. Hindi lang pagbebenta at pagse-setup ng mga sasakyan ang specialty nila. Nagpaparenta na rin sila ng iba't ibang sasakyan for different occasions.
Dinatnan niya si Yuan sa opisina na may kausap sa telepono. Dumiretso siya sa mesa niya at tsinek ang kanyang calendar. Pagbaba ni Yuan ng awditibo ay bumaling ito sa kanya.
"Pare, bad news. Kailangan kong umuwi sa Cebu for a few days. Nasa ospital daw si Papa, eh. Na-stroke," malungkot na sabi nito.
"Ha?" gulat na sabi niya. "Kumusta na raw si Tito ngayon?"
"Under observation pa siya sa ospital. Pinauuwi ako ni Mama."
"No problem, pare. Catch the earliest flight possible. Ako na muna ang bahala rito."
"Salamat, pare." May kinuha ito na ilang mga papeles at ibinaba nito ang mga iyon sa mesa niya. "Nandiyan na rin sa notepad mo ang lahat ng appointments natin sa mga kliyente. May meeting nga rin pala ako bukas kay Jelai Rivera regarding our bridal car services. Ikaw na rin muna ang bahala roon, ha? Magtawagan na lang tayo pag may problema."
Okay, pare."
NILALAGNAT si Jelai kaya nakiusap ito kay Roni na siya na lang ang pumunta sa Big Boys Club, ang car shop na rerentahan nito at ni Junjun ng vintage bridal car para sa kasal ng mga ito. Tutal ay maaga siyang nakauwi kaya pumayag siya sa pakiusap ng kanyang kapatid. Besides, she wanted to help her sister by getting involve in the wedding preparation. Alam niyang stressful ang maghanda para sa isang espesyal at engrandeng kasal.
Alas-tres ng hapon siya nakarating sa car shop. Pagpasok niya sa opisina niyon ay agad siyang na-impress sa interior niyon na modern and masculine ang dating. Black and silver ang color scheme ng buong opisina. Kapansin-pansin din ang iba't ibang car and engine-inspired artworks na maayos na nakasabit sa mga dingding. She looked around. Pero kahit sekretarya ay wala siyang nakita.
Uupo na sana siya sa isang silya at maghihintay roon nang makita niya ang isang batang babae na lumabas mula sa isang pinto. The cute little girl wore a Winnie the Pooh haltered dress and matching yellow sandals. Parang nagulat ang bata nang makita siya dahil nahulog ang mga dala-dala nitong coloring books. Agad niyang nilapitan ito at tinulungan sa pagpulot sa mga libro.
"Hi! I'm sorry kung nagulat kita. Alam mo ba kung nasaan ang mga tao rito?"
Mukhang mahiyain ang bata pero sumagot pa rin ito. "Bumili lang po ng ice cream si Daddy."
Napatangu-tango siya. Siguro ay may asawa na ang ka-meeting niya at ang batang ito ang anak niyon. "Okay lang ba kung hintayin ko na lang siya rito?"
Tumango lang ito.
Nginitian niya ito. "What's your name?"
"Camille."
Tumingkayad siya para magkapantay sila nito. Pinisil niya ang pisngi nito. "Hi, Camille! Ang cute mo naman. I'm Roni. You can call me Tita Roni."
Ngumiti ito. Parang biglang nawala na ang pagiging mahiyain nito. "You're so pretty, Tita Roni."
Bahagyang natawa siya. "Ikaw rin, ang pretty-pretty mo." Ngalingaling panggigilan niya ito. Sadyang mahilig siya sa bata kaya nga ang pagiging preschool teacher ang napili niyang propesyon. Kahit na makulit at pasaway ang mga estudyante niya ay nakakaramdam pa rin siya ng fulfillment sa pagtuturo. "Ilang taon ka na, Camille?"
BINABASA MO ANG
My Missing Puzzle Piece
RomantikRoni thought she had found the man of her dreams. Iyon ay sa katauhan ni Basti. Pero nawasak ang pangarap niya nang tuluyang iwan siya nito. Then, under a very unexpected circumstances, she met Borj Jimenez. Sa una palang nilang pagkikita ay hindi n...