1

44.9K 639 25
                                    


NAGTITILI ang baklang couturier habang ipini-fit kay Wilna ang trahe de boda ng dalaga.

"Ikaw tiyak, Wilna, ang pinakamagandang bride sa buong lupa. Tatalbugan mo kahit ang pamosong kasal ni Princess Di!" ani Bobbie habang isa-isang tinatanggal ang aspili mula sa pagkakabit ng manggas.

"Tiyakin mo, Bobbie. Kung hindi ay ipasasara ko itong shop mo," ani Anthony habang nakasandal sa kahoy na partition.

Inirapan ni Bobbie ang lalaki. "Hmp. Na para bang may nakita na siyang tinahi kong pangit."

Tipid na ngumingiti lamang si Wilna na tinititigan ang sarili sa malaking salamin. Maganda ang disenyo ng napili niyang wedding gown. Simple pero elegante. Victorian ang style. Higit sa lahat ay bagay na bagay sa kanya.

Sinulyapan niya si Anthony na nakapamulsa at tila bagot na bagot. Isa iyon sa dahilan kung bakit ang excitement niya sa pagpi-fit ng trahe ay tila binuhusan ng malamig na tubig.

Hindi niya maunawaan ang kasintahan. Napakabilis ng pangyayari sa kanilang dalawa.

Isang taon na siya sa pinapasukang kompanya bilang sekretarya ng General Manager ng isang printing company. Isang araw ay dumating doon si Anthony dahil kaibigan nito ang boss niya na isa rin sa mga stockholder ng kompanyang pag-aari ng mga Avila. Doon nagsimula ang lahat. Parati na siya nitong sinusundo at inihahatid sa apartment niya sa Cubao na kung saan ay apat silang nagbo-board.

Bago pa niya namalayan ay mag-boyfriend na sila sa pamamagitan ng isang di-pormal na ligawan. Makalipas ang isang buwan at kalahati ay niyakag siya nitong magpakasal.

Magkahalong galak, pagkamangha at kalituhan ang nadama niya nang mag-propose ang binata. At ni hindi siya nagkaroon ng pagkakataong magsabi ng hindi o oo. Subalit ang ipinagtataka niya ay malamig ang pakikitungo ng kasintahan sa nalalapit nilang kasal.

"O, 'ayan, punta ka na sa dressing room at magbihis ka na. After three days ay tapos na itong gown mo."

Pumasok ang dalaga sa isang maliit na cubicle na may kurtina upang magbihis. Samantalang si Bobbie ay lumapit sa nakatayong si Anthony at ikinawit ang mga braso sa braso ng binata.

"Alam mo, nagtatampo ako sa iyo. Bakit hindi mo na lang dito sa shop ko ipinatahi ang suit mo? Alam mo namang nag-branch out ako sa tailoring six months ago," may hinampong wika ni Bobbie na idinikit ang katawan sa binata. Noong nabubuhay pa ang Mommy ng mga Avila ay kay Bobbie nagpapatahi ng damit.

Inis na inalis ni Anthony ang braso ni Bobbie. "Kung hindi pa kita kilala, Bobbie, ay baka-sakali pa. Gagawin mo ang lahat ng paraan para mapagsamantalahan ako."

Umirap pang lalo si Bobbie. "Hmp. Snob lang talaga. Kung tutuusin ay mas type ko si Angelo kaysa sa iyo."

Sandaling natigil sa pagsi-zipper ng damit si Wilna nang marinig ang pangalang binanggit. Nabanggit na sa kanya ni Anthony ang kapatid nito na siyang tatayong bestman. Sa kasalukuyan ay nasa Amerika ito.

"Di lalo ka nang hindi pinatulan noon," seryosong sagot ni Anthony na palakad-lakad at pasulyap-sulyap sa dressing room.

"At least, hindi snob ang kapatid mo. He always treated me like a lady."

Siyang paglabas ni Wilna mula sa dressing room.

"Let's go," pagkasabi noo'y nagpatiuna nang lumabas ang binata.

Dinampot ng dalaga ang bag mula sa sofa. "Pasensiya ka na kay Anthony, Bobbie. Mainit lang ang ulo niyan."

"Ay naku, Tita, ano pa nga ba ang ginagawa ko? Kung hindi lang guwapo iyang boyfriend mo, nungka ko iyang pagpasensiyahan."

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon