2

18.2K 434 3
                                    


ABALA sa paglilinis ng malaking sala si Nana Inez nang marinig ang sunod-sunod na busina.

Nilingon nito ang hardinero na kasalukuyang binubuhat ang isang malaking paso upang ilabas.

"Andoy, tingnan mo nga muna kung sino ang nasa gate," utos ng matanda. "Ilapag mo na muna iyan."

"Opo," muli nitong ibinalik sa malaking decorative jar ang halaman.

Nagpatuloy sa ginagawa ang matanda. Tatlo silang nagtutulong-tulong sa paglilinis ng malaking bahay na mayroong apat na silid sa itaas at tatlo sa ibaba kasali na ang library, dalawang guestroom at ang silid nito.

Hindi naman nito kailangang gawin ang maglinis kung susundin nito ang sinasabi ni Anthony na humanap ng isa pang katulong. Katwiran ng matanda ay tama na silang tatlo nina Andoy at Seling. Tutal ay puro makina ang gumagana sa mga gawain. At hindi nito nais na walang ginagawa.

Mula sa pagkakayuko ay nag-unat ng likod ang matanda nang marinig ang mga papasok na yabag.

"Kumusta na kayo, Nana Inez?" anang tinig mula sa likuran.

Mabilis itong lumingon. Kilalang-kilala nito ang tinig na iyon kahit na nga ba magkaboses ang magkapatid.

"Angelo!" bulalas ng matanda sa bagong dating. Nasa likod si Andoy at bitbit ang dalawang malalaking maleta.

Agad na sinalubong nito ang lalaki at niyakap. Pagkatapos ay muli ring umatras.

"Naku, marumi nga pala ako, hijo!"

Inakbayan ng lalaki ang matanda at hinagkan sa ibabaw ng ulo. Si Nana Inez ang nanay-nanayan nila ni Anthony. Ang matandang babaeng ito ang siyang katu-katulong ng mama nilang nag-alaga sa kanilang magkapatid mula noong sila'y mga sanggol pa lamang.

Nang mamatay sa aksidente ang kanilang mga magulang mahigit tatlong taon na ang nakalipas ay naroon pa rin si Nana Inez na ang tingin sa kanila ay mga tunay nitong anak.

Masuyong tiningala ni Nana Inez ang binata. Si Angelo ang panganay sa magkapatid. Ilang minutong nailabas si Angelo ay sumunod naman si Anthony. Kambal ang dalawa. At hindi lang basta kambal. Identical twins at remarkable ang pagkakahawig.

Magkasingtaas at parehong magandang lalaki. Hindi ilang puso ang pinaluha ng mga ito at kung hindi mo kabisado ay mapagkakamalan mo ang isa't isa.

At hindi rin biro ang kapilyuhang ginagawa ng kambal na ito. Pag-absent ang isa sa klase ay pinapasukan ng isa na anupa't walang nakakahalatang ang isang kambal iyon. Tuwina ay tinitiyak ng mga ito na hindi sila pareho ng section. And they could even switch girlfriends noong high school days at nalulusutan ng mga ito.

Ang tanging pagkakaiba sa dalawa ay ang pagiging seryoso at responsable ni Angelo sa gulang nilang twenty six. Si Anthony ay happy-go-lucky, easy going.

Nang mamatay ang mga magulang nila ay kay Angelo naatang ang pamamahala sa naiwang negosyo. Ang Avila Motors. Isang car exchange and dealers at may mga sangay sa buong bansa.

Bukod doon at siyang ipinagsisintir ni Anthony ay ang paghirang kay Angelo bilang administrador ng naiwang ari-arian ng mga magulang. At tangi lamang kung may sarili nang pamilya si Anthony maaaring mahati ang mga mana. Subalit hindi ang pamamahala ng Avila Motors. Hindi ito kailanman mawawala sa pamilya. Ganito ang nakalagay sa testamento ng mag-asawang namayapa.

"Bakit hindi ka man lang nagpasabing darating ka, Angelo?" Tinawag nito si Seling at pinatimplahan ng juice ang anak-anakan.

"Di, hindi ko kayo nasorpresa," natatawang sagot ng binata na naupo sa sofa. Itinaas ang mga binti sa center table. Inikot ang paningin sa buong kabahayan. Mahigit isang taon din siyang namalagi sa Amerika.

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon