13

13.2K 377 3
                                    


NAKASISILAW na liwanag ang nagpagising kay Wilna kinabukasan. Napaungol ang dalaga dahil inaantok pa siya. Kinuha niya ang unan at itinakip sa mukha upang matulog muli.

Nang bigla siyang matigilan. May bumalik sa isip. Nasisilaw siya sa liwanag. Nasisilaw?

Tuluyan na siyang nagising. Inalis ang unang itinakip sa mukha. Itinuon ang mga mata sa pinanggagalingan ng liwanag. Talagang nasisilaw siya. Kinurap-kurap ng dalaga ang mga mata at naaninag niya ang pintuang salamin patungo sa terasa.

Kinakabahang bumangon ang dalaga at naupo sa dulo ng kama. Nababanaagan niya ang mga bagay sa loob ng kuwarto.

"Nana Inez!" malakas niyang hiyaw. "Nana Inez!"

Ilang sandali pa at humahangos na pumasok sa kuwarto niya ang matanda.

"Ano ang nangyayari, Wilna, at sumigaw ka?" nagtatakang tanong ng matanda.

Nilingon ng dalaga ang matanda. "Nakikita ko kayo! Nakikita ko na kayo!" paiyak niyang sinabi.

"T-totoo ba, hija?"

Mabilis na tumango ang dalaga. Muling inikot ang paningin sa paligid ng kuwarto. Marahang tumayo at tinungo ang sliding door at binuksan. Dumampi sa mukha niya ang malamig na simoy ng hangin.

Lumabas sa terasa at tuwang-tuwang tinanaw ang lake na bahagya pang napapalibutan ng fogs kahit alas-nuwebe na.

"Tama ako nang isipin kong maganda ang lugar na ito, Nana Inez!" Mga puno at matatayog na halaman ang nakikita niya. Mga halaman, mga damo at mga bundok.

Tuwang-tuwang pinanonood siya ng matanda. Niyakap ito ng dalaga. Hindi malaman kung iiyak o tatawa.

"Si... si Anthony po?"

"Kanina pa siya umalis, Wilna. May appointment daw siya nang maaga," hindi napuha ng dalaga ang pagbabago ng ekspresyon ng matanda. Nakaalis na si Angelo. Paano ngayon?

"Pupunta tayo ng Greenhills ngayon, Nana Inez! Doon ko hihintayin si Anthony," tuwang-tuwang wika niya na muling pumasok sa silid. "Hindi po ba at may iniwang sasakyan si Anthony sa atin? lyong ginagamit ninyo 'pag nagpupunta kayo sa bayan."

"K-kumain ka na muna, Wilna. Pagkatapos ay tatawagin ko si Pedring para siyang mag-drive sa atin," nag-aalalang wika ni Nana Inez. Kailangang matawagan ng matanda si Angelo.

Ganoon nga ang ginawa ng matanda. Subalit dalawang beses na itong tumatawag sa opisina ng mga Avila ay hindi nito nakausap ang binata. Nasa labas at may appointment ayon sa sekretarya.

Hanggang sa makaalis sila ay hindi nakausap ni Nana Inez si Angelo.

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon