7

15.2K 422 2
                                    


NANG sunduin ni Angelo ang dalaga sa ospital ay kasama na si Nana Inez. Ang matanda ang siyang makakasama ni Wilna sa Tagaytay.

Nasa coastal road na sila nang magsalita si Wilna.

"Saan ba tayo pupunta, Anthony? Mukhang mahaba na ang tinatakbo ng sasakyan."

"Doon kita itutuloy sa bahay ko... sa bahay ni Angelo sa Tagaytay," sagot ng binata na bahagyang napangiwi sa muntik nang pagkadulas. Nagkatinginan sila ni Nana Inez sa rearview mirror.

"Tagaytay?"

"Oh, well, halos malapit na ito sa Nasugbu. Maganda ang klima roon at makatutulong ito sa physical and emotional recovery mo."

"Sino ang nakatira roon?"

"Ang katiwala... ni Angelo," naiilang siyang tukuyin ang sarili bilang hindi siya.

"Maganda roon, Wilna. Tiyak na magugustuhan mo ang klima at simoy ng hangin," pangalawa ni Nana Inez.

"Eh, ikaw?" nilingon ni Wilna ang katabi kahit hindi nakikita.

"I'll be there most of the time. Anyway, mga two weeks lang naman. Pagkatapos ay babalik tayo ng ospital dahil tatanggalin ang cast sa braso mo."

"Ano ang gagawin mo kung wala ka sa Tagaytay? Oh, I'm sorry. Hindi ko ibig sabihin na inaalam ko..."

"Okay lang. Nasa opisina ako sa buong maghapon. Kung may kailangan ka, puwede mo akong tawagan doon. Alam ng Nana Inez ang numero ng telepono."

Napangiti ang dalaga. "Ang daming nabago sa iyo magmula nang maaksidente tayo, Anthony. Naging interesado kang pamahalaan ang negosyo ninyo."

Marahang natawa si Angelo. "Kung napapaharap ka pala sa kamatayan ay natututuhan mong pahalagahan ang mga bagay na dating hindi mo masyadong pinagtutuunan ng pansin," muli niyang sinulyapan sa salamin si Nana Inez na ngumiti.

Makalipas ang mahigit na isang oras ay narating ng tatlo ang bahay ni Angelo sa dulo ng Tagaytay. Minana rin niya ito sa mga magulang nila. Alam ng mga ito na higit na maa-appreciate niya ang bahay na ito kaysa kay Anthony kaya dito napunta ang bahay sa Greenhills.

Isang ektaryang lupa ito na minana pa ng mga magulang ng magkapatid sa mga magulang ng mga ito.

Nasa istabilisadong katayuan na ang negosyo ng mga ito nang patayuan nila ng bahay. Lima ang silid ng buong bahay. Tatlo sa itaas at dalawa sa ibaba.

Maganda ang pagkakadisenyo ng bahay na tulad ng mga bahay sa ibang bansa na malalamig ang klima. Pinaghalong malalaking kahoy at bato. Lahat ng mga silid ay sa lake lahat nakaharap na pinagdudugtong ng isang covered terrace. Ang malalaking kahoy ay pinintahan ng mahogany brown at natural naman ang kulay ng mga bato.

Magaganda ang namumulaklak na mga halaman na inaalagaan ng matandang katiwala na si Mang Pedring.

"Ito ang magiging silid mo, Wilna. Sa kaliwa mo ang silid ni Nana Inez at sa kanan ay ang silid ko kung narito ako. Huwag mong subukang umikot sa kabahayan nang wala kang kasama. Maaari mong tawagin si Mang Pedring o si Nana Inez," bilin ni Angelo.

"Aalis ka na ba kaagad?" may bahid ng lungkot ang tinig ni Wilna.

"I have to. May directors' meeting sa opisina makapananghali," sinulyapan nito ang suot na Rolex.

"D-dito ka ba uuwi mamayang gabi?"

Bahagyang natawa si Angelo. "You sound like a suspecting wife."

Pinamulahan ng mukha ang dalaga at nagyuko ng ulo. Hinawakan ni Angelo ang baba ng dalaga at itinaas.

"Sisikapin ko pero hindi ako nangangako. I'll give you a call kung hindi ako makakauwi," marahang wika niya na akmang hahagkan ang dalaga pero napigil dahil sa narinig na papalapit na mga yabag. Si Nana Inez.

Nagyuko din ng ulo ang dalaga. May nadamang panghihinayang. Sa kaibuturan ng kanyang puso ay inaasam niyang hagkan siya nito. Nararamdaman niya ang hininga nito sa pisngi niya.

"Aalis ka na ba, Ang... Anthony?" Humugot ng malalim na paghinga ang matanda. Kung hindi dahil sa warning sa mga mata ng binata ay nagkamali sana ito nang tuluyan.

"Oho. Kayo na ang bahala dito," muling binalingan si Wilna. Marahang tinapik ng palad ang pisngi nito. "'Bye."

"Mag... mag-ingat ka sa pagmamaneho mo..." wala siyang ibig sabihin kundi ang totoong kahulugan noon dahil sa nangyaring aksidente.

Pero nangiti si Angelo.

Pareho silang tila mag-asawa na kung mag-usap. Iyon ang naiisip ng binata habang bumababa ng hagdan. And it feels good.

Si Wilna nama'y inilatag ang katawan sa kama.

"Ano ang gusto mong kainin sa tanghali, hija?"

"Kahit na po ano, Nana Inez. Gusto ko nga po pala kayong pasalamatan. Napakalaking kaabalahan sa inyo ang samahan ako dito."

"Huwag mong intindihin iyon, Wilna. Ako ang nagprisinta na sumama dito. Balak nilang kumuha ng katulong o pribadong nurse. Pero mas mabuting kahit papaano ay kakilala mo ang makakasama mo," wika ng matanda na binuksan ang sliding door sa terasa.

"Sino pong sila?" nagtatakang tanong ng dalaga.

Napatutop sa bibig nito ang matanda. "May sinabi ba akong sila? Ay, siguro ang ibig kong sabihin ay iyong doktor mo at si Anthony."

"Alam ninyo, hindi ko po talaga alam ang gagawin ko kung wala si Anthony, Nana Inez. Nang malaman kong hindi ako makakakita ay nakadama ako ng sobrang takot. May mga gabing hindi ako makatulog. Natakot ako na baka nagbago na ang pagtingin ni Anthony sa akin dahil isang malaking kaabalahan para sa kanya ito. Kung nangyari iyon ay hindi ko alam ang gagawim ko, Nana Inez. Nag-iisa na lang ako," malungkot na sinabi niya.

"Alam mong hindi ka pababayaan ng kasintahan mo, Wilna. Kung hindi dahil sa kanya ay hindi mo sasapitin iyan bagaman hindi ko sinisi si Anthony dahil kasama naman siya. Isa pa, kung hindi nangyari ang aksidente ay tiyak na mag-asawa na kayo ngayon," assurance ng matanda. Tama si Angelo kung ganoon sa pasiya nito.

"Nahihiya nga po ako sa kanya. Ang ibang lalaki ay maaaring magbago ng desisyon lalo na kung..." hindi itinuloy ng dalaga ang sasabihin. Hindi niya masabi sa matanda na kahit minsan ay hindi nasabi sa kanya ng kasintahang minamahal siya. Mas gusto niyang isiping ang plano nilang pagpapakasal ay more on convenience. Kung ano ay hindi niya alam.

"Huwag ka nang mag-isip ng kung ano-ano. Ipanatag mo ang iyong loob. Dalawang linggo mula ngayon ay malalaman natin kung kailan ka maooperahan."

Tumango ang dalaga. Lumabas na ng silid si Nana Inez. Muli ay inokupa ng inaakalang si Anthony ang isipan niya. Hindi niya kayang ipaliwanag pero malaki ang ipinagbago ng pakikitungo sa kanya ng inaakalang kasintahan.

Noong unang makilala niya ito ay humanga siya sa mga pisikal nitong katangian tulad din ng ibang mga babae. Lalo na ang mga kasamahan niya sa apartment. At nang ligawan siya nito ay napakapalad ng pakiramdam niya sa sarili. And although they never spoke of love ay hindi siya nakadama ng insekyuridad dahil siya man ay hindi rin nasabi ditong iniibig niya ang binata.

Subalit nitong mangyari ang aksidente ay inaasam niyang sana'y marinig niyang sabihin ito ni Anthony sa kanya. Kung sabagay, mas sweet at mas thoughtful ang kasintahan ngayon. At kung may napupuna siyang pagbabago ay gusto naman niya ang pagbabagong iyon ng pakikitungo nito sa kanya.

Siya man ay nagbago din. Lagi niya itong pinananabikan na dumating. At magmula noong mangyari ang iglap na halik na iyon ay umaasam na siyang sana'y magkaroon sila ng pagkakataong magkasarilinan.

Napapailing sa sarili ang dalaga. She has become a romantic fool.

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon