14

13.2K 396 9
                                    


NANG mga sandaling iyon ay nasa mansiyon si Anthony at kasalukuyang lumalangoy sa swimming pool. Nang makailang lap na ay umahon at naupo sa chaise longue.

"Eh, Sir Anthony, kakausapin po kayo nitong babae," si Andoy.

Nilingon niya ang boy at sa likod nito ay may kasamang babaeng hawak ang karatulang nakasabit sa labas ng gate. So mag-a-apply na katulong.

Tinitigan ni Anthony ang babae mula ulo hanggang paa. Sinikap ng babaeng sa ibang bagay ituon ang pansin nang tumayo ang binata. Naka-bikini trunks si Anthony at halatang naiilang ang babae.

"Sige na, Andoy," ani Anthony sa katulong.

Sandaling nilingon ng babae ang hardinero na parang gustong sabihin ditong huwag itong iwan.

"Maupo ka," itinuro ng binata ang upuang bakal.

Walang kibong sumunod ang babae.

"Ina-apply-an mo ang posisyong nasa karatulang iyan?" Tumaas ang mga kilay ng binata. Hindi mukhang katulong ang babae. Bata ito at maganda.

"Ganoon nga po," maiksing sagot ng babae na bahagyang nag-angat ng mukha.

"Ilang taon ka na?"

"Twenty one."

"May reperensiya ka mula sa pinanggalingan mong amo?"

Subalit bago nakasagot ang babae ay sunod-sunod na busina ang nagpatayo kay Anthony. Natitiyak niyang galing sa Tagaytay ang mga dumating. Natanaw niya ang kotseng gamit.

Muli siyang naupo at bumalik sa babae ang pansin. "Nasaan na nga pala tayo?"

"Anthony!"

Nag-angat ng ulo ang binata. Nakita niya si Wilna kasunod si Nana Inez. Muli ay napatayo ang binata. Patakbong lumapit sa kanya ang dalaga.

"Oh, Anthony!" Niyakap ng dalaga ang kasintahan. "Nakakakita na ako!"

Sinulyapan ni Anthony si Nana Inez. May kahulugan ang mga tingin ng matanda. Inakbayan niya ang dalaga.

"I don't know what to say!" nakangiting sagot ni Anthony.

Tumingala sa kasintahan ang dalaga. Hindi niya maunawaan pero parang gusto niyang manibago.

Bagaman nakangiti ito ay tila may lambong ang mga mata. Nabaling ang pansin niya sa babaeng nakaupo na sa kanila rin nakatingin.

"May bisita ka?"

"Ow? Nana Inez, kayo na nga po ang bahala dito. Nag-a-apply na housemaid. Nagpaalam nga po pala si Aling Seling noong isang araw dahil pinauuwi na ng ama," kinabig nito si Wilna at lumakad papasok sa loob ng kabahayan.

"Ako ang bahala sa kanya, hijo," sinabayan ng matanda ng upo sa silyang kaharap ng babae.

Sa library dinala ng binata ang kasintahan. "Make yourself comfortable. Magbibihis muna ako," niyuko nito ang sarili.

"Oh!" noon lang niya napansing naka-bikini trunks lang si Anthony.

"Ano ang gusto mong ipahanda ko kay Andoy?" tanong ni Anthony nang nasa may pinto na.

"It is almost lunch time."

"Oo nga pala," sinulyapan ang malaking relong nakasabit sa dingding. "Ipahahanda ko ang tanghalian natin."

Nang sumara ang pinto ay tumayo sa kinauupuan ang dalaga at inikot ang paningin sa paligid. Ngayon lang siya napasok sa silid-aklatan. Sa dalawang beses na pagparito niya ay sa sala at dining lang siya nakarating.

Natuon ang pansin niya sa mga larawang naka-display sa cabinet. Wala sa loob na dinampot ang isa. Walang duda na ang mga magulang ng kasintahan. Maingat niya itong ibinalik sa pinagkukunan at muling dinampot ang isa pa uling kuwadro. Isang family portrait. Ang mag-asawang Avila at ang dalawang anak na lalaki.

Nagsalubong ang mga kilay niya. Pinakatitigan ang larawan.

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon