17

14.8K 396 7
                                    


ISANG tango lang ang isinagot ni Angelo sa introduction na iyon. Pagkatapos ay iniwan na ang magkasintahan at pumanhik sa itaas.

Naupo sa sofa ang dalaga. Sumunod si Anthony.

"Hindi ako gusto ng kapatid mo, Anthony," aniya na sinundan ng tingin ang binatang hindi na niya matanaw.

"I very much doubt it," natatawang sagot ng lalaki. "Pagod lang si Angelo. Isa pa, may pinagtalunan kami bago kayo dumating," and as usual, iyong tungkol sa iyo, gustong idugtong ng binata. Nagagalit si Angelo na pinayagan nitong umalis ang dalawa nang hindi ito kasama.

"How did you do it, Wil?" dugtong ng binata. "I mean, bakit napakadali mong nakilala ng isa't isa sa amin?"

Huminga nang malalim ang dalaga. Inihilig ang ulo sa sandalan at pumikit. Hindi niya alam sagutin iyon. Pero pagkapasok pa lang niya ay natiyak na niya agad kung sino si Angelo at kung sino si Anthony. At hindi rin niya kayang ipaliwanag ang biglang pagbangon ng kaba niya nang matingnan si Angelo na nakatayo at nakatitig sa kanya.

Nagmulat siya ng mga mata. "'Sabi mo nga, you are as fair as Angelo is dark," sagot niya bago marahang tumayo. "Papasok na muna ako sa silid ko."

Makahulugang sinundan siya ng tingin ng kasintahan.

Sa hapunan nang gabing iyon ay sama-samang kumain ang tatlo. Si Nana Inez ay humingi ng paumanhing magpapahinga na lang dahil sinusumpong ng rayuma.

Maliban sa tunog ng kutsara at tinidor ay wala nang maririnig pa sa mesang kainan. Walang gustong magsalita. Si Wilna ay nanatiling nakayuko sa pagkain niya at kung maaari lang ay matapos na.

Si Angelo ang bumasag ng katahimikan. "Siya nga pala, Anthony. Ngayong magaling na ang kasintahan mo ay maaari na ninyong pag-usapan ang petsa ng inyong kasal. Iyan naman ang dahilan kung bakit napaaga ang uwi ko mula sa Amerika, hindi ba?"

Muntik nang masamid ang lalaki. Lihim na tinitigan nang masama ang kapatid. Don't try to set me up, Angelo! ang gusto nitong ipahiwatig.

Si Wilna ay pinaglipat-lipat ang tingin sa magkapatid. At ewan niya kung bakit bigla ay nawalan siya ng gana sa kasalang pinag-uusapan. Noong hindi pa siya nakakakita ay ganoon na lamang ang pagnanais niyang makasal na sila ng kasintahan subalit kung paanong biglang tila nabuhusan ng malamig na tubig ang hangaring iyon ay hindi niya alam.

Ganoon marahil ang naging resulta ng aksidente sa kanya. Insekyuridad. At kung makakasal nga naman sila ay mababawasan ang takot niya.

"Matagal nang natapos ang trahe ng kasintahan mo, hindi ba? Ipabago ninyo ang imbitasyon dahil ibang petsa ang nakalagay doon," si Angelo uli.

Nang hindi sumasagot si Anthony ay nagsalita si Wilna.

"At this point in time ay parang gusto kong huwag munang magmadali," sinulyapan niya ang kasintahan. "Ang nangyari sa atin ay isang whirlwind courtship. Hindi tayo nagkaroon ng panahong makilala ang isa't isa nang lubusan."

Umaliwalas ang mukha ni Anthony at ngumiti.

"May katwiran ka, Wil. I guess we really have to start from the very beginning. We were too fast for our own good."

Sinulyapan ni Wilna si Angelo. Imahinasyon lang ba niya ang galak na biglang nakita niya sa mga mata nito? At bakit kailangan nitong magalak na maantala ang kasal nila ni Anthony? Is Angelo a snob? Hindi ba nito gustong maging asawa siya ng kapatid nito?

Masisiraan siya ng bait sa mga tanong na iyon. Wala siyang alam sa magkapatid. Totoong naging napakabilis ng mga pangyayari sa kanila ni Anthony.

"Kayo ang bahala," ani Angelo na pinaglipat-lipat ang tingin sa dalawa. "At yamang tapos na ang paggamit ng kasintahan mo sa villa sa Tagaytay, Anthony, gusto kong sabihing doon na muna ako uuwi simula bukas ng gabi. Tamang-tama, huwebes ngayon. Magkakaroon ako ng pagkakataong ayusin ang mga bagay doon sa loob ng Sabado at Linggo."

Nagkibit lang ng balikat si Anthony at nagtuloy sa pagkain. Si Wilna ay hindi malaman ang sasabihin. Bakit hindi niya gustong mawala sa paningin niya si Angelo?

At bakit mula pa kanina ay hindi nito ginagamit ang pangalan niya. Puro 'kasintahan' ang pagtukoy nito sa kanya. Na para bang hindi siya karapat-dapat man lang sa pagbanggit nito.

Tumingin kay Wilna si Angelo. "At nasabi nga pala sa akin ni Anthony na nais mong maghanap ng trabaho?"

Hindi nag-angat ng paningin ang dalaga. Kung hindi nito gustong tawagin siya sa pangalan niya ay di huwag. Pero huwag din nitong asahang mag-aangat siya ng paningin.

"Lumaon man o mapapadali ay magpapakasal kayong dalawa. Hindi na marahil kailangan ng fiancee mo, Anthony, na maghanap pa ng trabaho," patuloy ni Angelo na sa kapatid nakatingin.

Bigla ang pagsiklab ng galit ni Wilna. "Ako ang nakakaalam noon, Mr. Avila!"

Napangiwi nang lihim si Angelo sa pagtukoy na iyon.

"Kung sasabihin ni Anthony na hindi ko kailangang mamasukan ay gagawin ko. Pero hindi dapat manggaling sa ibang tao ang desisyon!"

"Hindi ako ibang tao! And the Avila women do not work for their living. We provide for that."

"How old fashioned!" sarkastikong sagot ng dalaga. Si Anthony ay amused na nakikinig sa dalawa. "This is almost the twenty first century, Mr. Avila. For one, hindi pa ako kabilang sa mga Avila women na sinasabi mo. Two, if and when, na madesisyunan kong ituloy ang kasal namin ng kapatid mo, wala akong intensiyong mag-stagnate sa loob ng bahay na ito!"

Hindi ako nagkamali, bulong ni Angelo sa sarili. How expressive those eyes are. Naglalabas ito ng mumunting apoy. This time not of passion and desire na katulad noong nasa kaparangan sila. But of anger.

"Tigilan na nga muna natin ang usapang ito," si Anthony na sa wakas ay kumibo. "Kung ano ang gusto ni Wilna, Angelo, ay pabayaan na lang muna natin siya. Galing lang siya sa trauma at nangangapa pa."

"Precisely. That is why I don't want her to go on job hunting."

Sasagot sana ang dalaga pero minabuting huwag na. Ang tipo ni Angelo ang kapag diniskusyon mo ay tila ka tumitibag ng pader. At hindi basta pader, tantiya niya. It could be the Great Wall of China.

Ikaw, Ikaw Ang Iniibig Ko (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon