09

3.4M 76.2K 194K
                                    


"Si Mama?" 


Tanong ko kaagad kay Tita Isabel pagkapasok ko ng bahay, dala-dala ang mga gamit ko. Agad naman siyang dumalo sa 'kin para tulungan ako sa mga dala ko. Isang linggo rin ako rito sa Laguna para sa short break kaya medyo marami ang inuwi kong damit at labada. 


"Ay, Yanna, wala, e. Hindi rin umuwi rito kagabi," sambit ni Tita. 


Tumango ako at hindi nagsalita. Umakyat na lang ako sa kwarto ko at inayos ang gamit ko bago ako bumaba para tulungan si Tita maglinis ng bakuran. Nag-walis ako roon at nagdilig ng mga halaman, nakatulala pa rin, naguguluhan sa mga pala-isipang pumapasok sa utak ko simula noong iniwan ako ni Hiro sa pool club na 'yon.


Bakit ako umiyak? Iyon din ang tanong ko sa sarili ko. Bakit kailangan ko iyakan 'yon, dahil lang ba sa tingin kong.. mukha na 'kong tanga? Hindi ko maintindihan. Pakiramdam ko lang na baka hanggang doon lang talaga ako. Hanggang pasarap lang. Hindi maaaring mahalin. 


"Yanna, malulunod na ang halaman," napabalik ang tingin ko kay Tita.


Agad kong nilapag ang hose at sinara ang gripo dahil nagsasayang na pala ako ng tubig. Nang pabalik na 'ko sa bahay, naabutan ko si Mama sa gate, bihis na bihis at naka make-up pang umuwi. Napatigil siya nang makita ako. 


"O, anak, nandito ka na pala," ngumiti siya sa 'kin.


"Oo," maikling sabi ko at pumasok sa bahay, hindi na nag-abalang tanungin kung saan siya galing o kung anong ginawa niya. 


"Heto, marami akong dala at binili para sa 'yo," tuwang-tuwa niyang nilapag ang mga paper bag sa lamesa ng salas. 


Tumaas ang kilay ko nang makita ang mga paper bag na may logo ng iba't-ibang designer brands na pamilyar sa 'kin. Mga sinusuot ng mga modelo at mga socialite. Pinanood ko siyang i-labas ang isang magandang bag mula sa orange na paper bag. 


"Bagay sa 'yo 'to, anak, oh!" Binigay niya sa 'kin 'yon.


Matagal kong tinitigan ang itim na bag na hawak ko. Hindi ito ang tipo ko ng bag kaya alam na alam kong hindi niya para sa 'kin 'to binili, kundi para sa kanya. O kaya naman binigay lang sa kanya ng lalaki. 


"Ito pa, anak! Sa 'yo na 'to!" Nilabas niya ang magandang damit at lahat 'yon, binigay sa 'kin.


Tahimik lang akong tinatanggap lahat ng bigay niya dahil mukhang tuwang-tuwa siya. Ngumiti ako sa kanya nang tipid at umakyat sa kwarto ko para ilagay sa cabinet ang lahat ng 'yon. Mamaya ko na susukatin. 


"Yanna, anak," narinig ko si Mama kumatok sa pinto.


Tumayo ako para pagbuksan siya. Ngumiti siya sa 'kin at nanatili sa labas ng kwarto ko, nag-aalanganing pumasok. 


"Sa susunod na uuwi ka, i-text mo 'ko, ha. Para alam ko," hinaplos niya ang braso ko. 


"Huwag na. Sanay na 'ko," kaswal na sagot ko. 

Safe Skies, Archer (University Series #2)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon