2nd Wish

253 205 28
                                    


Elora's Point of View

      "Alam mo? 'Wag mo na iniintindi yung nangyari sa classmate mo kahapon. Ang sabi ko naman kasi sa'yo gagaling siya." Sabi ni Coramea sa akin habang sinasabayan niya ako maglakad papasok ng school, para rin naman siyang estudyante kaso hindi naka-uniform at hindi papasok ng school.

      Umagang-umaga pa lang ay nandito na siya, nag-iingay. Sinesermonan ako.

      "Hindi naman kasi ako sigurado kung agad-agad siyang gagaling tsaka ngayon lang siya nadisgrasya ng gano'n." Paliwanag ko kay Coramea na pati mga kamay ko gumagalaw na rin para di'ba? May aksyon.

     "Nagamit mo na ang unang wish mo at talagang maganda at mabuti ang hiniling mo ah. Bravo! Bravo!" Napatakip ako sa tainga ko sa ingay ng bibig ni Coramea kasama na ang pagpalakpak niyang walang hanggan.

      "Ang ingay mo naman, 'wag ka nga masyadong maingay. Ano? Parang ikaw lang tao rito? Gano'n?" Sunod-sunod na tanong ko sa kaniya na may halong kamalditahan at katarayan sa boses at mukha ko.

      Pumamewang naman 'tong si Coramea at napatigil ako sa paglalakad ko dahil doon siya pumwesto sa harapan ko. Nakataas ang kaniyang kaliwang kilay sa akin.

      "Hindi ako tao, diwata ako. D-I-W-A-T-A. Okay?" Inis na sagot ni Coramea sa akin. Natatawa lang ako sa ekspresiyon ng mukha niyang galit. Ang cute.

     "Oo, diwata. Cute na diwata na may halong ingay at kadaldalan." Pang-aasar ko sa kaniya.

      "Kapag umaalis ka nga pala, saan ka napupunta?" Tanong ko kay Coramea.

      "Dito lang din sa mundong ito, hindi naman na ako makakabalik muna sa mundo namin kasi nga may misyon ako rito at syempre nagkaroon ako ng misyon dahil nagkaroon ako ng kasalanan." Naging mahinhin si Coramea nang sabihin niya iyon.

      "Pasaway kasi ako sa mga magulang ko. Sinasagot-sagot ko sila at hindi ako tumutulong sa mga gawain sa bahay namin. Doon sa mundo namin sobrang higpit sa pagkakaroon ng karapatan at respeto ngunit kapos sa pagmamahalan, pakikiisa at dignidad. Kaya naman nang malaman iyon ni Haring Oberon at Reyna Titania pinarusahan nila ako at dinala rito upang matuto sa buhay at lahat ng aking matututunan dito ay dadalhin ko roon at lahat naman ng natutunan ko roon ay ibabahagi ko rin dito." Paliwanag ni Coramea.

      "Kaya naman tulungan mo akong magawa iyon dahil importante rin iyon para sa aking misyon. Ang pagkatuto at pagbahagi sa iba ng aking natutunan. Ang mga magulang ko... masakit man sa kanila, pumayag sila upang matuto ako at magbago." Malungkot na ngayon si Coramea, hindi ko alam sa sarili ko pero  napayakap na lang ako sa kaniya ng sobrang higpit.

      "Mabuti nga ikaw may mga magulang, ako kasi ang Tita ko lang ang mayroon ako, hindi ko nakilala ang mga magulang ko. Iniwan na nila ako kay Tita kaya si Tita na lang ang nag-aalaga sa akin." Malungkot kong kinuwento kay Coramea.

     "Mahal na mahal ko si Tita kahit minsan bad trip sa akin 'yon. Siya lang naman kasi ang nagpatunay sa akin na ang pagmamahal sa bayan, kapwa at sarili ang hindi ko dapat malimutan." Dagdag ko pa.

      "Turo rin 'yan sa akin nila Ama at Ina, pero hindi ako nakikinig kasi pasaway ako. Itong kapangyarihan ko na pagbibigay ng kahilingang matupad ay hindi naman talaga sa akin. Pinahiram lang upang makatulong dito, sa'yo." Paliwanag ni Coramea sa akin at dahan-dahang inangat ang kaniyang ulo upang tingnan ako sa aking mga mata.

      "Tutulungan kita. Huwag ka mag-alala. Makakabalik ka rin sa mundo niyo." Sabi ko sa kaniya. Binibigyan siya ng mas magandang pananaw upang tumibay ang kaniyang loob.

      "Labing-limang araw lamang ako rito at hindi na pwede pang madagdagan. Dapat sa loob ng labing-limang araw na 'yon ay magkaroon ka rin ng labing-limang kahilingan dahil kapag bumalik ako ronn nang hindi natatapos ang labing-limang mga pangako... may masamang mangyayari sa akin na maaari kong ikamatay." Sabi ni Coramea sa akin at agad naman akong nag-alala.

15 Wishes ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon