Get Along Well
A novel by justeeynocampo
March 25, 2020
This novel is dedicated to Kao, Pete, Tine and Sarawat...they helped me a lot to survive so far this 2020.
[PROLOGUE]
7 years ago...
Sa kabila ng katahimikan ng paligid, unti-unting gumagawa ng ingay ang mga takbuhan ng bata na tila may hinahabol. Kumaliwa ang isang batang lalaki habang hawak hawak ang bag nitong kulay pink na may disenyo ni Mickey Mouse. Pugto ang mata ng bata na kagagaling lang sa pag-iyak. Madungis at gusgusin ang uniporme nitong kulay puti.
Kakanan o kakaliwa? Hindi makapag desisyon ang bata habang papalaapit na sa lilikuan niya. Tumingin siya sa kaniyang likod at nakita niyang malapit na siyang abutan ng apat na batang lalaki. Napapikit na lang siya at kumaliwa ngunit napalunok siya nang makitang may naka harang na malaking rehas na bakal sa kaniyang dadaanan.
Ni-lock na ng gwardiya ang gate sa may high school building dahil maga-alas sais na ng hapon.
"Pinagod mo pa kami Riley. Ang bilis mong tumakbo, baklang bakla ka nga talaga," hinahapong pang-iinsulto ng isa sa mga humahabol.
"Naikot na natin ang buong campus. Wala ka nang matatakbuhan," tugon ng isa pa.
Hinarap sila ng gusgusing bata, "Ano pa ba ang kailangan niyo sa akin? Napahiya nyo na ako kanina diba? Kulang pa ba ang pagtisod niyo sa 'kin sa harap ng quadrangle?"
"Oo! Kasi bakla ka. Bida-bida ka. Kulang pa iyan sa pamamahiya mo sa amin kanina kay teacher," unti-unting lumalapit ang mga bata kay Riley. Napaupo na lang ang kawawang bata at napapikit dahil handa na siyang tanggapin ang mga suntok na kanilang bibitawan.
Ngunit sa halip na mga masasakit na kamao ang tumama sa kaniya, may narinig siyang tunog na mas nakapagpakaba sa kaniya. Sumilip siya sa harap at nakita niyang binubuksan ng mga kamag-aral niya ang mga zipper ng shorts nila. Napataklob na lang siya ng bag sa mukha niya at unti-unting naramdaman ang mainit na likidong bumabaha sa buong sahig. Basang basa na siya at hindi pa nakatulong ang masangsang na amoy ng mga ihi na kaniyang natatanggap.
Naramdaman niyang may isa pang likido ang tumulo, ang mga luha niya. Hindi niya akalain na mararanasan niya ang ganitong uri ng pagtrato mula sa mga ka-edaran niyang estudyante. Gusto niyang sumigaw at humingi ng tulong, ngunit wala siyang magawa.
Mayamaya pa ay narinig niya ang umaalingawngaw na pito galing sa sekyu ng school. Naramdaman niyang lumalayo ang presensya ng mga batang kaniyang tinatakasan kani-kanina lang.
Binaba niya ang bag na pinangharang niya sa mukha niya at iniyak na lang ang sama ng loob na kaniyang nararamdaman. Nilapitan siya ng security guard at itinayo. Pilit siyang pinapatahan nito pero walang epekto ito sa kaniya. Habang naglalakad ay nasilayan ni Riley na may nakatayo sa gilid niya ngunit hindi na niya pinansin ang mga ito at nagpatuloy sa paglalakad.
Ilang araw na hindi pumasok ang batang si Riley dahil sa nangyari. Mabuti na lang at inunawa ng kaniyang mga guro ang nangyari at naging usap-usapan na binigyan ng kaukulang parusa ang mga batang sangkot sa nangyari. May mga chismis din na natanggal daw ang mga ito. Kung hindi lang siguro napigilan ng ina ni Riley ang asawa nito, mas malaking eskandalo ang nangyari. Handang magsampa ng kaso ang pamilya ni Riley dahil sa kapabayaan pero hindi na lang tinuloy dahil napagbayad na ang may mga sala.
Nakakausap naman si Riley ng kaniyang mga magulang. Hiniling lang nila na baka maaaring umabsent ang bata kahit tatlong araw para makapagpahinga. Ngunit nagbago ang masiglahing bata. Naging tahimik hindi gaya ng dati na masigla at laging nakangiti.
"Riley, anak. Okay ka lang ba talaga? Gusto mo sabihin ko kay teacher na baka pwedeng hanggang Friday ka nang absent?" Tanong ng ina nito, si Aling Tess.
"Oo nga anak, nag-aalala na kami sa iyo eh. Ang tahimik mo naman masyado," ani ng ama niya.
Binitiwan ni Riley ang hawak niyang kubyertos at tumingin sa kaniyang mga magulang. "May nagawa po ba akong mali?" naluluhang tanong ng bata.
Hinawakan ni Aling Tess ang kamay ng kaniyang anak, "Anak, wala. Wala kang kasalanan sa nangyari."
"Pakiramdam ko po kasi kaya nila ako inaway kasi dahil bakla ako."
Nagkatinginan ang mag-asawa, "Ry, walang masama sa pagiging bakla. Hindi kapintasan iyon. Kung alam mo namang wala kang ginagawang masama, wala kang inaagrabyado, matuwid ka kahit ano pang kasarian mo." Ani ng ama ni Riley. "Hindi ka man tanggap ng karamihan ngayon, basta tatandaan mo na naandito lang lagi kami ha, kami ang mas nakakakilala sa iyo. Masakit sa pagiging isang magulang kapag naramdaman niyang nagdududa ang kaniyang anak sa pagkatao niya. Kasi akala namin, alam naming tama yung pagkakakilala mo sa sarili mo. Suportado kami sa iyo, tapos biglang magdududa ka sa sarili mo, masakit yung para sa amin. Gusto lang namin na maging masaya ka, lumaking alam ang tama at mali. At walang mali sa pagiging bakla. Okay?" dagdag ni Mang Ramil.
"Tama ang ama mo. Bulilit ka pa lang ramdam ko na sa mga laruan na gusto mo na may unica hija ako." Napatawa na lang ang mag-asawa. "Binigay ka sa amin ng Maykapal nang nakatadhana na maging bakla, sino ba naman kami para baguhin ka, 'di ba? Gabay ang inatas sa amin na gawin, hindi dumikta sa buhay mo." Nakangiting wika ni Aling Tess.
Tumayo ang mag-asawa at niyakap ng mahigpit ang batang si Riley. Namutawi ang ngiti sa mga labi ng bata at unti-unting sumigla ulit ang mukha nito.
BINABASA MO ANG
Get Along Well The Series
Teen FictionAvery Riley Villaconcepcion is the youngest student council president that graced the halls of Coventry University. He is well respected and everyone is fond with him because of his strong demeanour and personality. He is everyone's ally. Then one...