DAY EIGHT, DAY NINE AND DAY TEN-A

2.1K 36 9
                                    

DAY 8

ORENG

SA IKAWALONG araw ay mas magaan na ang pakiramdam. Hindi na kami nag-iiwasan, hindi na kami tahimik na tahimik kapag kumakain. Minsan ngang naglilinis ako ng kuko sa sofa, tinapik ako ni Dax sa likod. Pag-angat ko ng mga mata, nakita ko siyang nakangiti sa 'kin. Sandong puti at boxers ang suot. Nasa likod ng ulo ang kamay na parang nahihiya.

"Yes?" sabi ko sa pasweet kong tinig.

"Boring, eh," sabi ni Dax. "Wala pala tayong task today. Laro na lang tayo ng Jenga."

At siyempre, willing naman ako. Napapalakpak pa ko sa excitement. Deadma na kahit kalahati pa lang ng mga kuko ko sa paa ang malinis. Tumango agad ako at sinabing sige, maglaro kami.

Naglaro nga kami ng Jenga. It was the first time I realized that hey, we can be friends.

__________

DAY 9

DAX

Masaya ako na komportable na ako kay Oreng. Sa totoo lang ay mabait talaga si Oreng. Masaya din siya kasama. Kapag kausap ko siya, hindi ko mapigilang matawa sa mga kuwento niya. Naisip ko tuloy na parang marami pa akong matutuklasan sa kanya sa mga darating pang araw.

Tulad ng magaling pala siyang magluto.

Ang task namin sa ikasiyam na araw ay ipagluto ang isa't-isa ng specialty namin. Nagluto ako ng adobo at nagluto naman siya ng sinigang na manok at ginataang kalabasa. Sabay naming ihinain iyon sa mesa para sa hapunan.

"Tikman mo luto ko..." sabi niya. Siya pa mismo ang naglagay ng kanin sa plato ko. Siya na rin ang naglalagay ng ulam doon.

"Hindi mo naman kailangang pagsilbihan pa ako," sabi ko. "Kaya ko naman."

"Excited lang ako, tange," sabi niya. Umupo na sa silya sa tapat ko. "Tikman mo na."

Tinikman ko ang ginataang kalabasa. Agad akong napangiti. Kumalat ang tamis ng gata at alat ng bagoong sa bibig ko. Hindi ako makapagsalita, sumubo ako uli.

"Sarap 'no?" sabi niya.

Tumango-tango lang ako, hinigop ang sabaw ng sinigang na manok niya. Muli, wala na naman akong masabi. Masarap. At malambot ang manok. Malasa.

"O ano'ng verdict?" sabi niya. "Wala ka ng masabi?"

"Grabe," sabi ko, at alam kong halatang halata ang pagkamangha sa tinig ko. "Ang sarap."

Tumawa si Oreng. "Buti ka pa na-appreciate mo. Niluto ko 'yan kay Jak, pinintasan pa niya." Saglit na natahimik si Oreng, naalala na naman ang ex niya. Doon ko naintindihan na may nararamdaman pa rin siguro siya sa ex niya. At hindi ko alam ang buong kuwento, pero alam kong malalim ang sugat na dinulot sa kanya ng Jak na iyon.

"'Wag mo na siyang isipin," sabi ko. "Ako, nagustuhan ko ang luto mo. Gusto ko nga na ipagluto mo 'ko araw-araw, eh."

Huli na para mabawi ko ang nasabi ko. It sounded wrong. It sounded like a demanding husband. I almost made a face.

Pero nawala 'yon sa isip ko dahil matamis ang ngiting ibinigay sa 'kin ni Oreng. "Walang problema diyan," sabi niya. "Magsabi ka lang, iluluto ko."

Sa huli ay nginitian ko na lang din siya. Tumingin ako sa adobong iniluto ko at inginuso iyon. "Kainin mo naman 'yong akin," sabi ko.

"Siyempre kakainin ko 'yong sa 'yo," sabi niya.

Kumutsara siya ng sarsa ng adobo at isinabaw sa kanin. Dumurog ng laman na may kapirasong taba at inilagay din sa plato. Tapos ay isinubo niya iyon. Naroon naman ako, nakatanga at nanonood.

The Room (R-18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon