BEFORE DAY 1, THE ASSEMBLY

3.6K 57 13
                                    


DAX

Para sa meeting ay pinapunta ako sa isang mataas na building sa BGC. Sabi ng receptionist, pumunta raw ako sa dulong silid sa first floor, nandoon daw ang conference room. Sinamahan ako ng isa sa mga staff.

Pagbukas ng pinto ay bubungad agad ang isang malaking pabilog na mesa. May mga nakadulog na sa mesa na iyon, mga taong katulad ko rin ay gusto ng pera.

May isang matandang lalaki na mugto ang mata, hindi ko alam kung bakit.

May isang lalaki na malaki ang katawan, balbas-sarado.

Isang babaeng makapal ang salamin sa mata, panay ang kutingting ng cell phone.

Isang babaeng revealing ang damit, matamis ang ngiti sa 'kin.

Isang babae... bakla na kulay yellow green ang wig, hindi mapakali sa kinauupuan, maligalig.

Iyong iba ay hindi ko na mapansin, sila lang ang umagaw ng atensyon ko. Hila-hila ang maleta ko, umupo ako sa silya katapat ng magandang babae. Sige pa rin siya sa pagtitig sa 'kin. Sige pa rin ako sa pagtitig sa kanya. Hindi ko mapigilan. Maganda talaga siya.

"Nakaka-excite din pala, 'no?" sabi ng bakla, tinatapik-tapik ang bruskong lalaki sa tabi nito. "Imagine, makukulong tayo sa isang kuwarto for 100 days. Just like PBB!"

Walang pumansin sa bakla.

"Ano'ng pangalan mo?" sabi ng babaeng maganda, nakatitig pa din sa 'kin. Bahagya siyang dumukwang sa mesa.

Ngumiti ako. "Danilo," mahinang sabi ko, ayaw makatawag ng atensyon. "Pero Dax ang tawag ng marami sa 'kin."

Lalong tumamis ang ngiti ng babae. "Dax," sabi niya, parang nilalaro ang salita sa dila. "Buti di ka pinagtatawanan dahil--"

Bumukas ang malaking TV sa tapat ng mesa. Natahimik ang lahat, pati na ang babae at ang nakakainis na bakla. Doon natutok ang atensyon naming lahat.

Sa TV, makikita namin ang isang lalaking nakamaskara. Ang maskara niya ay katulad sa mga stage performers sa Japan, maliit ang mga mata, mapupula ang pisngi. May hawak siyang manyika. Maputi ang manyika, mahaba ang itim na itim na buhok. The mask and the doll were both grinning.

"Welcome to The Room," sabi niya sa malalim na tinig. "Ito ay eksperimentong ginawa para sa ikasisiya ng mga mayayamang negosyanteng nakabase sa UK, US at ibang parte ng Asya. Kayo ay mababayaran sa pakikiisa n'yo sa eskperimentong ito. Ang limampung libong piso ay kasalukuyan nang itina-transfer sa bank account n'yo at ang natitirang limampung libong piso ay ibibigay sa inyo ng cash pag natapos n'yo ang isang daang araw."

Sinuklay ng lalaking nakamaskara ang daliri niya sa buhok ng manyika. "Sa loob ng isang daang araw ay mananatili kayo sa silid na monitored ng mga camera. Ang pagkain n'yo ay ide-deliver bawat linggo, puwede n'yong ilagay sa refrigerator na nasa kuwarto n'yo."

"May mga board games sa kuwarto. Meron ding mga libro. Ito lang ang magsisilbing libangan n'yo dahil hindi kayo papayagang gumamit ng kahit anong gadgets at hindi rin kayo papayagang mag-access ng internet."

"May UNO ba?" sabi ng bakla na para bang sasagot ang pre-recorded message.

"Bawat araw ay magkakaroon kayo ng test. Maaring ito ay pisikal, psychological, emotional. Hindi n'yo ito puwedeng tanggihan."

"'Wag lang Math!" sabi ng bakla. Nilingon niya ang mga nasa tabi niya. "'Di ba, guys?"

Dineadma siya ng mga guys.

"Kung hindi ninyo kakayaning manatili ay maari ninyong sabihin sa harap ng camera sa loob ng silid. Kayo ay papayagang makaalis ng silid, pero hindi n'yo na makukuha ang karagdagang fifty thousand pesos."

Nagbulungan ang mga tao sa paligid.

"Sa nakaraang eksperimento ay limang tao lang ang nakiisa, at lahat sila ay nasa isang silid lang," sabi ng lalaking nakamaskara. "Pero ngayon, ngayong sampu na kayo na makikiisa ay naisipan naming hatiin kayo sa limang pares."

Muntik na akong mahulog sa kinauupuan. Nabigla din ang mga kasama ko. Kahit ang bakla ay napasinghap, maarteng ipinatong ang kamay sa bibig. "Oh my gosh, guys! May twist agad!" sabi niya.

"Ang lima sa inyo ay magsusulat ng pangalan sa papel. Ang lima ay bubunot ng makakasama nila sa isang kuwarto sa loob ng isang daang araw."

May lalaki palang nakapuwesto sa may pinto. May hawak siyang isang glass na bowl. Inilagay niya iyon sa gitna ng mesa. Namigay din siya ng maliliit na papel at lapis.

Nagpa-panic na ako. Halos manginig pa nga ang kamay ko habang sinusulat ang pangalan ko sa papel. Dalawa sa isang silid? Hindi ko inaasahan...

"My gosh, sino kayang makakapartner ko?" sabi ng bakla, hindi siya nagsusulat. Siya ang bubunot.

Sana, 'wag ako, naisip ko. Sana, ang magandang babae ang maging partner ko. Sure, she will be a temptation. Pero... mabait naman siya. At... parang... suwak kami. Parang magkakasundo kami

Inilagay namin sa bowl ang mga binilot na papel na may pangalan namin. Inalog iyon ng lalaking staff. Isa-isa niyang pinalapit ang mga hindi nagsulat, para bumunot ng mga pangalan.

Ang nabunot ng lalaking maskulado ay ang babaeng kutingting ng kutingting ng cell phone.

At ng bubunot na ang magandang babae na gusto kong makasama, mabilis ang naging tibok ng puso ko. Pumikit ako, umusal ng maikling na dasal na sana, siya ang makabunot sa 'kin.

"Mavis," sabi ng babae, sa malamyang tinig.

Nagtaas ng kamay ang matandang lalaking mugto ang mga mata.

"Oh," sabi niya, halatang dismayado. Tumingin siya sa 'kin.

"Ako na ang bubunot!" sabi ng bakla, matinis ang tinig, napapatalon pa. "This is exciting!"

Lumapit siya sa glass bowl, pasayaw-sayaw pa. Hinalo niya ang mga papel doon at bumunot ng isa. Parang titigil ang mundo ko habang tinatanggal niya sa pagkakabilot ang papel. Malakas ang kabog ng dibdib ko. Kapag siya ang nakasama ko sa isang kuwarto, baka hindi ako tumagal.

"Danilo," tuwang-tuwang sabi niya na dahilan para bumagsak ang magkabila kong balikat. "Si Danilo ang magiging partner ko."

Pakingshet.

The Room (R-18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon