HIGANTI

61 5 0
                                    

I

CAIRO

+-+-+-+

NAALIMPUNGATAN AKO sa sinag ng araw na nanggagaling sa durungaraw. Kunot-noo kong binuksan ang aking mata at padabog na tumayo. Deretsong tumatama sa akin ang liwanag nito kaya't itinabing kong muli ang kurtina upang maharangan ang sinag.

Imbes na mainis lalo ay tinungo ko na lamang ang palikuran at saka naligo. Batid ko rin na kahit anong pilit kong matulog muli ay hindi na mangyayari dahil kapag nagising ako ay magtutuloy-tuloy na iyon. Ilang minuto pa ang itinagal ko sa pagligo bago ko napagdesisyunang magbihis.

Napabuntong-hininga na lang ako ng mahagip ng mata ko ang orasan.

Alas-siete palang ng umaga! Sana pala ay ipinagpatuloy ko na lamang ang pagtulog, o kahit paghiga man lang.

Naramdaman ko na rin ang pagkalam ng sikmura ko kaya lumabas na rin ako kaagad sa aking kwarto at kumain.

Sa pagtahak ko pa lamang ng daan sa pasilyo ay rinig ko na ang tinig ng aking amang hari na tila ay may kinakausap ito. Umurong bigla ang plano kong pagkain at napagdesisyunan kong dumungaw sa kung saan sa tingin ko nanggaling ang boses na iyon. At dahil interesado ako sa lahat ng bagay ay itinapat ko na ang aking tainga upang makinig sa kanila.

"Kamusta na ang lagay ng Silangang bansa ngayon?" tanong ng hari. Hindi ko pa makita kung sino ang kausap nito dahil kalahati lamang ng lamesa ang nakikita ko, ito ay kung saan nakaupo ang hari.

"Ang ulat sa akin ng ating espiya doon ay tuluyan ng bumagsak ang bansang iyon. Bagaman marami pang natirang buhay ay hindi na nila kaya pang ibangon ang bansa nila, dahil na rin sa pagbagsak ng kanilang ekonomiya." ang tinig na iyon ay marahil galing sa pinakamatandang sepjae ng imperyo na ilang taon na sa serbisyo nito sa hukbo at ang kanang kamay ng ama kong hari.

Tatlong taon na rin ang lumipas magmula ng naganap ang malagim na trahedya, hindi lamang sa buong bansa ng Timog at imperyo, maging na din sa aking buhay at ng aking pamilya.

Sa mura kong edad na ito ay nasaksihan ko ang pagbagsak ng madaming tao at ang pagkamatay ng ina kong reyna, pati na rin itong marka sa aking mukha na isang alaalang dadalhin ko sa bawat kaarawan sa aking buhay.

Pagkatapos ng gabing iyon ay itinutok ng aking ama ang buong oras niya sa kung ano ang dahilan ng paglusob na iyon sa palasyo. Kataka-taka rin kung bakit kakaunti na lamang ang natirang kawal ng palasyo at kung paano napasok ng mga mapanlinlang na nagbalat-kayong iyon.

Ang ilan sa mga taong iyon ay sadyang binuhay ng hari upang paaminin sila kung para saan at kung ano ang motibo nila sa paglusob na iyon.

Nagmatigas pa daw ang mga iyon bago ito mapaamin at ayon sa mga narinig ko noon ay ipinag-utos iyon ng pamahalaan ng Silangan upang makaganti sa Timog dahil sa pagtanggi ng Chaengsu sa pagpapautang sa kanila ng pondo. Noong mga araw kasi na iyon ay nagaganap ang tinatawag na Digmaan sa Karagatan, kung saan nasasangkot ang bansang Silangan pati na ang Hilaga. Ipinag-utos umano ng Hilaga na dakipin ang bunsong anak ng presidente nito na nagpasiklab sa digmaan. Hindi ko na nalaman pa kung bakit dahil nahuli ako ng mga kawal sa gitna ng pagpupulong noon. Tsk!

Pagkatapos rin nilang interogahin ang mga mapanlinlang na iyon ay may nag-ulat sa hari kung nasaan ang mga kawal kung kailan sumalakay ang mga taong hindi kilala at nawala na lamang sila na parang bula.

Natagpuan silang nakabusal ang mga bibig, nakapiring, nakagapos ang kanilang mga kamay, at pawang natira na lamang sa kanilang suot ay ang maikling pang-ibaba nila sa isang madilim na kwarto. Ayon sa kanila ay pagkatapos nilang kainin ang mga inihandang pagkain noong araw na iyon ay parang bumagal ang kanilang paligid at saka sila nawalan ng malay. Dahil doon ay natukoy na nila kung paano nakuha ang mga unipormeng iyon na sa isang tingin mo lamang ay matitiyak mo na sa mga kawal ng Timog iyon lamang.

JUST ONE DAY ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon