KISLAP

32 4 0
                                    

X

CAIRO

+-+-+-+

HABANG NAKATANAW ako sa kalangitan ay napupuno ang aking isipan ng iba't ibang sapantaha ukol sa nangyari kagabi. Naiwan akong nangangapa ng sagot sa lahat ng katanungang bumabagabag sa akin. Ang malamig na simoy ng hangin na dulot ng pag-ulan kanina ay nakakapagdagdag ng kakaibang pakiramdam na hindi ko maipaliwanag sa aking dibdib.

Hanggang ngayon ay naglalaro pa rin sa aking utak ang nangyari kagabi, maging ang nilalaman ng kapirasong sulat na kung saan nakatuon ang aking paningin ngayon.

Ano bang ibig nilang sabihin sa mga katagang ito?

Sa totoo lang ay mayroon sa akin ang natatakot, hindi para sa akin kundi para sa imperyo at sa bansang ito dahil ngayon pa lamang ay nasisiguro ko ng banta ito sa seguridad ng bansa.

Napaangat ang aking magkakrus na kamay na nakapatong sa harang ng balkonahe nang biglang may dalawang pares ng kamay ang humawak sa magkabila kong balikat. Itinago ko kaagad ang hawak ko.

“Napakaseryoso mo naman diyan.” nakangiting bungad ng aming prinsesa at saka rin siya tumabi sa akin, tinatanaw rin ang mga bulubundukin at ang mga taong naglalalad.

“Kapag naririto ka ay iisa lamang ang pakahulugan no'n...” aniya habang hindi lumilingon sa akin. “May bumabagabag sa iyo.” doon pa lamang siya tumingin sa akin.

Tipid akong ngumiti, talagang kilala na niya ako dahil matagal na panahon rin ang kaniyang tiniis upang pansinin ko siya noon.

Bumuntong-hininga ako at saka ko inilabas ang kasulatang kanina pa ako ginugulo at saka ko ibinigay sa kaniya. Nagtatanong ang kaniyang mga mata tungkol dito kaya tumango na ako, sinasabing basahin niya iyon.

Habang binabasa niya iyon ay nakakunot ang kaniyang mga noo. “Ano 'to?” naguguluhang tanong niya. Hanggang sa muli nating pagkikita. Ito ang bumabagabag sa iyo?” binasa niya ang nilalaman no'n. Ilang sandali lang ay bumilog ang kaniyang bibig na animo'y gulat na gulat.

Gulat niya akong hinarap. “M-Mayroon ka ng nobya kuya at sinabi niya sa iyo na magkita kayong muli?!” bulalas niya kaya pinukol ko sa kaniya ang masama kong tingin.

“Hindi!”

“Kung gayon ay ano ito?”

“Iyan ang nakalagay doon sa palasong ginamit upang pagtangkaan ang aking buhay.” paliwanag ko at bakas naman ang pagkagulat sa kabuoan ng kaniyang mukha.

“P-Paano mo naman ito nakuha? Wala kang dalang ganiyan noong natagpuan ka namin.”

Bumuntong-hininga ulit ako at saka na inihanda ang aking tainga. “Lumabas ako kagabi—”

Gaya ng inaasahan ay kaagad niyang pinutol ang sabihin ko. “Lumabas ka? Kagabi? kunot na kunot ang noong aniya “Alam mo na ngang ganiyan ang iyong kalagayan ay nakuha mo pang umalis? Paano kung may nangyaring masama sa iyo? Paano kung sinugod ka pala kagabi pagkatapos kunin ka at dakpin?—Teka sandali...” tsaka siya nagbato ng matalim na tingin sa akin. Nakakabalisa ang tingin niya kaya napalunok ako. “Huwag mong sabihin na may nangyaring gano'n kagabi.”

Hindi ako nakasagot kaya mas lalo pang nangunot ang noo niya at mas sumama ang tingin.

“Isusumbong talaga kita.” at saka siya umastang aalis ngunit pinigilan ko kaagad siya. Pinandilatan niya ulit ako ng tingin.

JUST ONE DAY ✔Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon