Kabanata 10

19 1 0
                                    

Iba't ibang klase ng tao ang narito sa event, iba't iba ang lahi nila pero pare-parehong mayayaman at may kaniya kaniyang negosyo.

"Ang daming gwapo, sis!" Tila kiti-kiting sabi Jean, kinurot ko siya sa bewang.

"Isusumbong kita sa manager natin." Pananakot ko sa kaniya.

"Ay 'wag! Baka magselos." Sabi niya bago humalakhak.

Sinenyasan kami ng iba naming kasamahan na mag-ikot habang may dalang wine para kung gusto pa nila uminom ay sasalinan nalang namin.

Deretso akong naglalakad nang may tumawag sa aking babae para magpasalin ng wine.

Habang papalapit ako sa kanya ay unti-unti kong nakikilala ang mukha niya.

Siya 'yong babae na kasama ni Pierce sa magazine. Kung nandito siya ay posibleng nandito rin si Pierce.

"Oh my gosh!" Nabalik ako sa reyalidad nang may sumigaw at doon ko napagtanto na sala ang pagsalin ko ng wine at nabuhusan ko ang damit ng babae. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko lalo na at nakakaagaw na kami ng eksena.

"Bulag ka ba?" Pulang pulang tanong nito sa akin.

Taranta akong lumapit sa kaniya at dinukot ang panyo ko sa bulsa para sana pahiran siya nang tampalin niya ang kamay ko.

"Stupid!" Singhal nito sa akin bago kinuha ang bote ng wine na hawak ko at isinaboy sa akin. Abot abot ang pagkahiyang natamo ko dahil doon.

"Sorry po, Ma'am. Hindi ko po sinasadya." hiyang-hiya na paghingi ko ng tawad.

"What happened?" Nanigas ako sa kinatatayuan ko nang marinig ko ang boses ni Pierce sa likod ko.

"Tinapunan niya ako ng wine." Iritang sagot ng babae nang makalapit sa kaniya si Pierce samantalang ako naman ay hindi alam ang gagawin.

"Hindi ko naman po sinasadya." Pag depensa ko sa sarili, tinignan ako ni Pierce mula ulo hanggang paa. Sigurado akong nakakahiya ang itsura ko dahil basang basa ng wine ang damit ko.

Umiwas siya ng tingin bago hinubad ang coat niya at inilagay sa balikat ng babae at kinausap ito. Hindi ko na naintindihan dahil kumalat na ang pait sa sistema ko.

Wala sa sariling naglakad ako palayo sa kanila. Hindi ko alam kung saan ako naiirita basta ang alam ko ay naiirita ako.

"Anong nangyari sa'yo? Bakit ganyan ang itsura mo?" Salubong sa akin ni Jean.

"Wala" sagot ko at dumiretso na palabas ng event place.

Ang baho baho ko na, kung sino man ang makakatabi ko sa jeep ay iisiping galing ako sa inuman dahil sa amoy ko.

Naglalakad ako papuntang sakayan ng jeep nang may humarang na sasakyan sa harapan ko. Napamura ako nang si Pierce pala ang may-ari noon.

"Saan ka pupunta?" Tanong niya nang makalapit sa akin. Hindi ko sya sinagot at nilampasan nalang, naiirita parin ako at hindi ko alam kung bakit. Kingina.

"Tinatanong kita, Mira." Habol niya sa akin.

"Malamang uuwi na! Basang basa ako diba? Alangang tapusin ko pa yung event kahit ganito ang itsura ko?" Sarkastikong sagot ko bago nagpatuloy sa paglalakad.

Napatili ako nang mabilis niyang hinagip ang kamay ko pabalik sa sasakyan niya at tsaka ako pinapasok at kinabitan ng seatbelt. Hindi na ako nakaangal nang mabilis din siyang nakasakay at pinaandar ang sasakyan.

"Kung ihahatid mo ako ay siguraduhin mong sa apartment ko at hindi sa bahay mo." Sabi ko na hindi nya sinagot.

Nakahinga ako ng maluwag nang sa tapat ng apartment kami tumigil.

"Salamat." Sabi ko at tsaka bumaba pero nagulat ako nang bumaba rin siya.

"Ano pang gagawin mo dito? Bumalik kana doon sa event, baka nagsisisigaw na roon ang babae mo!" Iritang singal ko sa kaniya pero imbis na sumagot ay nakita ko ang malatagumpay niyang ngisi.

"Wag mo akong nginingisian, Pierce. Hindi ako natutuwa sa'yo." Gigil kong sabi sa kaniya at pumasok na sa loob, isasara ko palang ang pinto ay nakapasok narin siya.

"Ang sabi ko, bumalik ka na doon." Ulit ko.

"Bakit ako babalik doon?" Nakangisi niyang tanong.

"Dahil nandoon ang babae mo." Iritang sagot ko. Lumapit siya sa akin at napasinghap ako nang hapitin ako nito sa bewang.

"Diba sabi mo ay tatanggapin mo pag may iba na ako?" Nang-aasar niyang tanong.

"Kaya nga pinapabalik kita doon, diba? Kasi nandoon ang babae mo." Gigil na gigil kong sabi at pilit na kumakawala sa kaniya pero lalo lang niyang hinigpitan ang yapos sa bewang ko.

"Sinong babae ba ang tinutukoy mo?" Malambing na tanong nito habang inayos niya ang buhok na nakasabog sa mukha ko.

"Edi 'yong babaeng maarte doon na pinagbigyan mo ng coat mo kahit mas basa naman ako sa kaniya." Sagot ko na ikinahalakhak niya bago tuluyang ipinulupot ang parehas niyang kamay sa bewang ko kaya lalo akong hindi makawala!

"Ikaw lang naman ang babae ko." Sagot niya na ikinatahimik ko. Ramdam ko ang pag-init ng pisngi ko.

"Binigyan na kita ng space na gusto mo, Mira. Tama na 'yong walong buwan." Bulong niya na ikinatayo ng balahibo ko.

Girls Series 1: GrievingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon