🍭Chapter Three🍭

400 27 3
                                    

NAPAPANGITI si Lola Seling habang pinapanood niya ang babaeng tagabenta ng payong. Hanep sa sales talk ang promo girl ng bagong produkto sa department store. Nakakaaliw ito, kuwelang-kuwela, sa wari ay ang saya-saya nito. Ilang beses na siyang napapasyal sa department store na iyon at pang-ilang pagkakataon na rin niyang nakita ang babae. Parati ay natutuwa siyang panoorin ito.

Napatingin ito sa gawi niya. "O, Lola Ganda, naghahanap ba kayo ng payong?"

Itinuro niya ang kanyang sarili.

"Asus, si Lola, napakahumble. Kunwari daw hindi niya iniisip na siya ang magandang tinawag ko." biro nito. "Baka kailangan n'yo ng payong? Mahirap nang mainitan at baka umitim ang kutis n'yong malaporselana sa kinis at puti."

"O siya, sayang naman ang laway mo. Kukuha na ako," saad niya. Hindi niya kailangan ang payong. But she liked the girl. She liked her spunk and spirit. At dahil doon, maano kung madagdagan ang mga payong niya? Magandang pang-give away ang mga iyon sa mga kakilala niya kung sakali.

"Ano pong kulay ang gusto n'yo?" tanong ng babae.

"Green, blue, iyong mga stripes na pink and white, red, iyong parang gray na blue---"

"Wait lang po, mahina ang kalaban. Eh, ilan po ba ang kukunin n'yo?" tila nagtataka na nagugulat na tanong nito.

"Sampu sana pero kung may limit, eh---"

"Naku, sky is the limit. Kahit pakyawin n'yo lahat ng payong sa eskaparate, okay lang. Meron pa sa stockroom at sa bodega namin sa Pasig. Mga limang kahon. Kasya na po kaya 'yon?"

Natawa siya. Kalog talaga ang isang ito, nakakasaya ng araw. Habang pinapanood niya ito ay may ideyang pumasok sa isip niya.

"Tama na muna ngayon ang sampu. Sa uulitin na lang."

"Sure po 'yan, ha? May uulitin pa," nakangiting saad nito.

"Sure na sure. Kaya samahan mo na ako sa counter para mabayaran na ang mga payong na bibilhin ko."

Pinili ng babae ang mga payong. Inilagay nito ang mga iyon sa basket saka ito nagtungo na sa counter. Nang mailagay na sa plastic bag ang mga payong ay nagpresinta pa ito na ito na muna ang bahala sa mga payong habang hinihintay niya ang driver niya pero tumanggi siya.

"May edad na nga ako pero hindi pa ako uugud-ugod. Kaya ko pang magbitbit ng sampung payong. Kahit nga siguro isandaan, puwede pa," aniya.

"Hindi naman po sa uugud-ugod na kayo. Ayoko lang mabigatan ang mga kamay ninyong kay gaganda ng hugis," sagot nito.

"Kaya ko na ito, ineng. Eh, ano nga ba ang pangalan mo?" naalala niyang itanong dito.

"Ronalisa po. Roni na lang po for short."

"Matagal ka na ba rito?"

"Hindi pa po gaano. Hindi pa nga nag-iinit ang pu... este ang pang-upo ko sa trabahong ito."

"Saan ka ba dati namamasukan?"

"Hay, Lola Ganda, marami na akong pinasukan. Ang kaso, medyo kapos ako sa suwerte kaya panay ang lipat ko."

"Saan-saan ka na ba nagtrabaho?"

"Dati po, researcher ako. Iyon bang nagtatanong sa mga bahay-bahay kung ano ang gusto nila sa sabong panlaba. Ang kaso, napagkamalan akong miyembro ng sindikato na ang modus operandi ay ang mag-interview na tulad ng ginagawa ko. Muntik na akong bitbitin sa presinto."

Kung mapapangiti o mapapailing siya habang isinasalaysay nito ang mga naging karanasan sa mga trabahong pinasukan nito ay hindi niya mawari. Hindi nakakatuwa ang mga nangyari dito pero nakakaaliw ang paraan ng pagkukuwento nito.

Color My WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon