🍭Chapter Four🍭

413 27 6
                                    

NAMILOG ang mga mata ni Roni nang makitang pamilyar sa kanya ang subdibisyong pinasok ng sasakyang kinalululanan niya.

Bumaling siya kay Lola Seling na katabi niya. "D-dito kayo nakatira, Lola?"

"Oo. Bakit parang gulat na gulat ka?" anito. "May kakilala ka bang tagarito?"

"W-wala po." Naalala niya ang lalaking naka-engkuwentro niya roon. Hindi naman niya masasabing kilala niya ito. Ni hindi nga nito sinabi sa kanya ang pangalan nito.

Hindi niya napigilang luminga-linga. Parang inaasam niyang masilayan uli niya ang lalaki. Hindi iyon malayong mangyari kung tagaroon din ito.

"May hinahanap ka ba?" usisa ni Lola Seling.

Iyon lang namang pinag-ilusyunan kong Prince Charming ko, naisip niya na agad din niyang ipinagwalang-bahala.

"Wala po. Wala." Umayos siya ng upo.

Naisip niyang sa halip na atupagin ang paghahanap sa isang taong hindi naman niya kilala, at hindi na siguro relevant sa buhay niya, ang dapat siguro niyang pag-ukulan ng pansin ay ang haharapin niya.

Nang maalala niya ang nasuungan niyang sitwasyon ay napalunok siya.

Halos isang linggo pa lang ang nakalilipas mula nang ihain sa kanya ng matanda ang alok nito. Maigsing panahon pa lang iyon pero ang daming nangyari sa loob niyon.

Her cousin Maffy took a turn for the worse. May clot daw na namuo sa isang major vessel nito at dapat na itong operahan sa lalong madaling panahon. Kung hindi, bukod sa hindi na ito makakalakad, puwede ring ikamatay nito iyon. Kahit nasa pampublikong ospital ito ay malaki-laking halaga pa rin ang kakailanganin para maisagawa ang operasyon.

Iyak nang iyak ang Tita Elsie niya. Nalapitan nito ang halos lahat ng kakilala nila pero sa hirap ng buhay ngayon ay walang makapagpahiram dito ng sapat na pera para sa operasyon.

Parang kulang pa ang parusa ng tadhana sa kanya dahil nangyari na ang isang pinangangambahan niya. Dumating ang abiso sa kanya ng pinagtatrabahuhan niya na mate-terminate na siya. Tatapusin lang niya ang buwan na iyon, pagkatapos ay wala na siyang trabaho.

Makakahanap naman siguro siya ng malilipatan. Ang hindi lang niya alam ay kung gaano katagal aabutin bago mangyari iyon.

Mahilu-hilo na siya sa isang bagsakang pagdating ng problema. At ang isang desperadong tao ay walang karapatang mamili ng trabaho kaya napilitan siyang ikonsidera ang alok ni Lola Seling pagkatapos ng hindi na mabilang na pag-urong-sulong.

Kagaya ng napagkasunduan nila, pagkapirma niya ng kontrata, na nagsasaad na mamamalagi siya sa trabaho niya sa panahong itinakda nito, ay ibinigay nito sa kanya ang ipinangakong signing bonus. Ang perang iyon ay agad na ipinahiram niya sa tita niya para magamit sa pagpapagamot ng pinsan niya. Ikinuwento na rin ni Lola Seling ang ilang pangyayari sa buhay ng apo nito para may background naman daw siya tungkol dito.

Ngayon ay papunta na siya sa kanyang tadhana. Ang opisyal na tungkulin niya ay ang maging alalay ng matanda. Iyon ang sasabihin nilang trabaho niya. Pero front lang iyon. Ang talagang pagsisikapan niyang gawin ay ang maging kaibigan ng apo nito.

Nang madaanan nila ang kalsada kung saan sila nagkaroon ng engkuwentro ng dambuhalang aso ay napangiti siya. Muli ay parang naasam niyang sana ay magkita uli sila ng lalaking kahit peke pala ang pagpapakabayani ay nakakatuwa na rin.

Ilang sandali lang ang lumipas ay humimpil na ang sasakyan sa tapat ng isang malaking bahay. Bumusina ang driver, at mayamaya lang ay bumukas ang gate. Pumasok ang sasakyan sa mahabang driveway saka iyon huminto sa tapat ng pinto.

Color My WorldTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon